...Ang Nakamamatay na Data...

Malalim na ang gabi, lahat ng tao ay mahimbing ng nagalalakbay sa mundo ng panaginip maliban sa isang lalaking hindi mapigilan ang pagdaloy ng mga kaalaman sa kanyang utak. Hindi niya alintana ang paglipas ng oras bagkus ay tuluy-tuloy pa rin siya sa pagsulat ng mga datos para sa nalalapit nilang laban na animo'y wala ng bukas.

Lumipas ang ilan pang mga oras at tila wala itong epekto sa kanya. Ni hindi man lang nga siya makaramdam ng antok sapagkat ang tanging laman ng utak niya ay ang manalo ang kanyang team para sa susunod nilang laban sa Kantou Regional Tournament.

Maingat niyang pinagplaplanuhan ang lahat at unti-unti na ring mababakas sa kanyang mga mata, sa kabila ng makakapal na salamin, ang bahid ng antok at pagod. Masyado ng marami ang kanyang naisulat at tila gusto niya pa itong dagdagan.

"Kapag itinira ko gamit ang back hand stroke may 90 na posibilidad na ibalik niya ito gamit ang isang mahinang smash…" Hindi talaga siya magpapaawat. Tunay nga na karapat-dapat lamang siya na maging isang regular player ng Seigaku Tennis Club.

"…saka ko naman ito ibabalik gamit ang mas malakas na smash papunta sa dulo ng court." Sa dami ng datos na kanyang isinulat, halos maubos na ang mga pahina ng kanyang pinakamamahal na 'data notebook.'

Pagdating niya sa huling pahina, saka lamang niya napagtanto na oras na sa pagtulog.

"Hindi ko man lang napansin na ubos na pala ang mga pahina nito. Ito na rin ang huli kong natitirang notebook." Pagkawika ay napatingin siya sa orasan na nakakabit sa berdeng dingding. "Nagbubukas ang tindahan ng school supplies sa kanto ng alas onse ng umaga at kung magigising ako ng isang oras bago magbukas ang tindahan, may siyam na oras pa ako ng pagtulog na tamang-tama lang para maibalik ang mga nawalang lakas ko."

Sinimulan na niyang ayusin ang kanyang mga gamit at maingat na siniguradong nasa ayos ang lahat. Maingat niyang ipinatong ang kanyang salamin sa maliit na mesang katabi ng kanyang kama at isinuot ang eyemask. Mabilis naman siyang nakatulog.

Kinabukasan, gaya ng kanyang pinagplanuhan, nagising siya isang oras bago magbukas ang tindahang pinagbibilhan niya ng kanyang paboritong notebook. Ang balot nito ay kulay berde at animo'y nagkakaroon ng kapangyarihan oras na ito'y ginamit na niya.

"Kailangan ko sigurong bumili ng tatlong extra para hindi na ako maabala kung sakaling maubusan na naman ako ng mga pahina." Masaya siyang naglalakad papunta sa tindahan ng mamataan siya ni Eiji, ang pinakamakulit sa kanilang team.

Pinilit umiwas ni Inui ngunit huli na ang lahat. Agad siya nitong nilapitan at kung anu-ano nang pagtatanong ang ginawa nito sa kanya.

"Hoy Inui! Aba, mukhang wala ka yatang suot na weights ngayon ha! Tumigil ka na ba sa pagte-training?" Tanong ni Eiji na may kasamang tapik sa likod ni Inui.

Inayos ni Inui ang pwesto ng salamin sa mata at pilit na inayos ang kanyang sarili. "Ang pagsusuot ng weights sa lahat ng oras ay hindi rin nakabubuti sa katawan."

Parang walang narinig si Eiji at tuloy pa rin sa pang-iinis sa kanya. "Ano nga palang ginagawa mo dito sa tindahan? May bibilhin ka ba? Tara sumama ka muna sa'kin!" At hinatak na ni Eiji si Inui. Wala namang palag ang ating 'data expert' sapagkat alam niya na kahit anong gawin niyang tutol ay hindi ito uubra sa makulit na 'acrobat player.'

"Saan mo ba ako dadalhin? Bitiwan mo nga ako Eiji!"

"Huwag kang makulit. Nabalitaan ko kasi na magkakaroon daw ng shooting dito ang paborito kong pop idols, yung 'The Chocolates' para dun sa ginagawa nilang bagong album. Sigurado namang akong gusto mo rin silang makita. Huwag ka ng pakipot!"

Dinala ni Eiji si Inui sa isang parke kung saan siksikan ang mga taong pilit na nag-aabang at sumusulyap sa kanilang paboritong mang-aawit. Sa dami ng taong nanonood, hindi nagpatalo si Eiji at pilit na isiningit ang kanyang katawan sa dumaraming bilang ng tao sa parke. Kahit anong pilit niyang pagsiksik ay hindi siya makasingit. Inis na inis siyang lumapit kay Inui.

"Nakakaasar naman! Bakit ba hindi ako makasingit?!"

"Bakit kaya hindi mo gamitin ang acrobatic skills mo?" Sabi ni Inui sabay turo sa isang puno. Lumaki ang mga mata ni Eiji sa iminungkahing ideya ng kaibigan.

"Oo nga 'no! Ang galing mo talaga Inui!"

"Sa taas ng punong 'yan, kapag inakyat mo ay may 100 na posibilidad na makakukuha ka ng full view within 150m radius."

Sabik na inakyat ni Eiji ang puno gamit ang kanyang maliksing katawan. Napangiti na lamang si Inui sapagkat umubra ang kanyang planong makatakas dito. Agad-agad siyang bumalik sa kanyang pinanggalingan.

Sa kanyang paglalakad, may namataan siyang isang kakaibang 'notebook' na kulay itim. Pagdating sa mga ganitong bagay, kahit na malabo ang mata, tila parang isang mahikang lumilinaw ang kanyang paningin. Nilapitan niya ang notebook at napukaw ang kanyang atensyon. Binasa niya ang nakasulat sa harapan nito at natawa.

"Death Note"

Nang kanya itong buklatin, hindi niya mapigilang lalong matawa dahil sa nilalaman nito.

"The human whose name is written in this note shall die."

"Sino kayang baliw ang naisipang gumawa ng ganitong notebook?"

Kahit na sa tingin niya ay isa lamang itong biro, hindi niya namalayang dala-dala niya ito hanggang sa kanyang pag-uwi sa bahay matapos bilhin ang kanyang mga kinakailangan sa tindahan ng school supplies.

Pagdating sa kanyang kwarto, inilapag niya ang kanyang mga ipinamili kasama ng 'Death Note' sa kanyang study table.

"Ang posibilidad na totoo ang lahat ng nakasulat dito ay… 0" Ngunit sa kabila nun, may isang parte sa kanyang isipan ang nagsasabing wala namang masama kung ito ay susubukan…

To be continued…

Next Chapter:

"Saan mo ba kasi nawala yung notebook?"

"Pwede ba huwag kang magulo Ryuk!"

"Umuwi na lang kasi tayo para makakain na ako ng apples!"

"Hindi ko nga maalala kung saan ko 'yun nahulog. Ang mabuti pa ay tulungan mo na lang akong hanapin 'yun at kapag nahanap mo 'yun bibigyan kita ng apples kahit gaano kadami pa ang gusto mo."

"Talaga Light?! Sige tutulungan kita ngayon din para sa apples!"

Author's Note: Waaaaaaah… Haha! Wala akong magawa kaya naisipan kong gumawa ng cross-over. Maganda ba o hindi? Magsabi kayo ng totoo! Haha… It's my first time to make a Filipino fic here so sorry kung hindi ito maintindihan ng taga-ibang bansa. Hehe… Intended lang naman kasi talaga 'to for Filipino fanfictioners. Review please! Flames are ignored. At kapag madami akong natanggap, baka maisipan ko pang ituloy 'to.. joke! Hehe…