AN: Napansin ko lang na ang iba ay sumusulat sa kanilang sariling wika kaya naisip ko na bakit hindi ko rin subukang sumulat sa wikang Filipino. Hehe.

Saksi ang mga Bituin

Parang isinaboy ng Diyos ang mga bituin sa kalangitan. Napakarami nilang kumukuti-kutitap at patuloy na nagbibigay-liwanag at nagbibigay ng kaaya-ayang tanawin sa mga tao.

Madalang na ang mga ganitong pagkakataon para sa kanila…mga pagkakataon na panoorin ang mga bituin sa langit at makapag-usap ng silang dalawa lamang. Kapwa sila abala sa kanilang mga trabaho na kumakain ng halos buo nilang oras. Subalit, nanatili pa rin silang higit pa sa mabuting magkaibigan.

"Athrun, may mga panahon bang nagsisisi ka pa rin dahil malaki ang naging papel mo sa mga nakaraang digmaan?" Nakatingin pa rin si Cagalli sa langit…sa mga bituin na tila ba nang-aakit na sila ay pitasin.

Hindi rin nilingon ni Athrun ang pinuno ng Orb…ang taong pinakamahalaga sa kanya.

"Minsan…lalo na kung ang mga mukha ng mga taong nasawi ay sumasagi sa aking isipan. May mga panahon ngang pinapangarap ko na naging isang sibilyan na lamang ako, dahil kung nagkaganoon ay naiwasan ko sanang kumitil ng maraming buhay." Bakas ang lungkot sa mukha ni Athrun.

Tiningnan na ni Cagalli ang taong punung-puno ng kalungkutan.

"Hindi ka naman nag-iisa. Marami sa atin ay nangangarap na sana ay hindi na humantong sa mga walang kabuluhang digmaan ang mga alitan ng Naturals at Coordinators ... Athrun, panahon na upang patawarin mo ang iyong sarili…"

Hinarap niya rin si Cagalli at may malungkot na ngiti sa kanyang mga labi.

"Siguro nga…ngunit mahirap…"

"Athrun, alam mo namang nandito lang ako, 'di ba?"

Sa mga salitang ito, ang malungkot na ngiti sa kanyang mga labi ay napalitan ng isang tunay at masayang ngiti.

"Salamat…at Cagalli, kung may hindi ako pinagsisisihan sa pagiging bahagi ko ng digmaan ay iyon ay ng makilala kita."

-shshshsh-

Isa…dalawa…tatlong bulalakaw ang nahulog mula sa langit. Iniangat ni Cagalli ang kanyang kanang kamay na tila ba naghihintay pa ng pagpatak ng panibagong bituin.

Nakita nila ang ikaapat na bulalakaw at nagpanggap si Cagalli na nasalo ito.

Nakasara ang kanyang mga palad na tila ba may hinahawakan na napakahalagang bagay. Nagsambit siya ng maikling kahilingan sa kanyang isipan.

"Athrun, ibinibigay ko sa 'yo ang bituin ng kaligayahan…" Binuksan niya ang kanyang mga palad…mga palad na wala namang laman kung hindi ang pangakong patuloy na mamahalin si Athrun.

"Maraming salamat Cagalli." Tinanggap ni Athrun ng walang pag-aalinlangan ang handog ni Cagalli at magkahawak-kamay nilang muling pinanood ang mga bituin.

Balang-araw ay mapapatawad niya rin ang kanyang sarili, lalo na't kasama niya ang kanyang pinakamamahal na bituin.

-wakas-