"Ate..." Ito na naman ako, tumatambay. Iniiwanan panandalian ang magulo kong buhay.

"Ate..." Tulala si Ate. Diyos ko, and layo ng tingin. Akala mo tagos sa hangin.

"Pst. Uy!" Kinalabit ko na siya. Wala nang pormalan, ang hirap e. Jejemon.

"Uy." Sa wakas, napansin din ako. Ngiti naman siya, akala mo wala lang.

"Tulala ka?"

Kilala siya ng magulang ko, kilala siya ng lahat. Pero iba ang pagkakakilala ko sa kanya, mas personal. Kung titignan, hindi malayo ang agwat ng edad namin, pero wag ka, mas matanda siya sa lola ko! Naaasiwa nga ako noong una e, naiilang akong tawagin siyang 'Inang Bayan', kaya 'Ate' na lang. Feeling close.

"Nahuli mo pala ako a! Hay. Oo, napaisip lang ako." Ngiti pa rin siya, pero alam ko na, kagaya ko at marami sa atin, paraan yun ng pagkukubli ng problema.

"Ako din."

"Anong iniisip mo?"

"Napaisip ako kung ano ang iniisip mo." Ngiti din ako. Nakakahawa ang pag ngiti.

"Loko ka." Ayan, ngiting-ngiti na siya.

"Edi... Ano nasa isip mo?"

Medyo natagalan bago siya sumagot.

"Masama ba ako?" Nabura ang ngiti ng magandang binibini. Napalitan ng lungkot ang hubog ng kanyang mukha. Pati ako nalungkot bigla. Nakaka-bagbag-damdamin, nakakasugat ng puso.

"Hindi a! Bakit?" Ako, nakangiti pa rin. Parang ewan. Ayaw kong palalain ang kalungkutang namagitan sa amin.

"Kasi, bakit parang ayaw ninyo sa akin?"

"Baka sila! Ako hindi!"

"Talaga? Sigurado ka? Sinasabi mo lang yan dahil bata ka pa. Sinabi din nila yan noon, tingnan mo, iniwan nila ako ngayon. Kasi nga di ba, ika nga, ang Pilipino ay ningas-kugon."

"Adik teh! Lalim a, di ko ma-reach. Seryoso ako. Di kita iiwan. Ikaw lang ang bayan ko."

Umiling ang Inang Bayan. "Mararanasan mo rin ang hirap ng buhay sa piling ko, at malamang iiwanan mo rin ako."

"Sus naman. Kahit na mamulot ako ng basura, di kita ipagpapalit sa iba. Ang cheesy ko 'no?"

"Pansin ko nga e."

"Tsaka, kung aalis man ako ng bansa, yun ay para malinang ang kakayahan ko. Tapos babalikan kita para ipamahagi ang natamo kong karunungan."

"O, sinong malalim ngayon? Yan ang gusto ko sa kabataan ngayon. Nadarama ko ang pagmamahal ninyo sa akin. Pero hindi rin naman natin masasabi kung habambuhay kayong ganyan."

"Hinahamon mo ba ako?"

"Bakit? Tatanggapin mo ba?" Nakangiti siya, and liwanag, ang saya. Kaya napa-oo agad ako.

"Oo ba!" Nahawa na naman ako sa ngiti niya.

"Sige a. Kung hindi magmaliw yang pagkamakabayan mo, pangako ko naman, hindi kita kakalimutan."

"Gusto ko may monumento ako! Parang bayani! Ang astig nun!" Wala na. Dumaldal na ang walang hiya.

"May kilala akong ganyan, katulad mo, nagpapaka-bayani." Medyo napatawa siya. Ang sarap pakinggan, parang musika.

"Madalas nga akong makalimot, pero sa totoo lang, ayaw kong makalimutan." Napakamot ako sa ulo sabay ngiti. Pa-cute!

"Yun nga ng ikinakatakot ko e."

"Hindi. Hanggat alam kong Pilipino ako, hindi ako makakalimot." At pabiro kong dinagdag, "tsaka, nangako ako sa isang magandang binibini. Hindi ko malilimutan ang pangako ko, gaya ng hindi ko pagkalimot sa matamis mong ngiting alay sa akin." Biro lang yun, pero totoo din naman. Ang gulo ko.

"Ay naku! Tigilan mo ako ha. May naaalala na naman ako sayo eh."

"Yan, ganyan dapat. Smile lang. Sayang beauty mo sis!"

"Hindi ko maintindihan kung ano ka ba talaga."

"Ako din naman e. Wag kang sisimangot a, ang hirap kayang makita kang malungkot. Ewan ko ba. Nadudurog ang puso ko."

"Grabe ka. Talo mo pa yata si Balagtas a!" Natatawa na talaga siya. Ang saya ko.

Gusto ko pang patawanin ang dalagang pilipina. Pero alam ko na panandalian lang ang tawang iyon. Pero awa ng Diyos, alam ko kung ano ang kaya kong gawin para mapaligaya siya.

"Ate, pramis, di kita iiwan o kakalimutan. Ang paglilingkod ko ay para sayo lang. Hindi ko pipiliin ang ibang bansa kaysa iyo. Wala akong ibang hiling kundi ang kabutihan mo. Ang tangi kong pangarap ay maiangat ang iyong pangalan nang maipagmalaki ng kahit sinong pilipino ang kanyang Lupang Hinirang. Balang araw, hindi mo na kailangang isipin na hindi ka mabuting ina sa mga anak mo. Hindi mo na rin kailangang alalahanin kung paano bubuhayin ang mga tao sa bansa, kailangan mo na lang alalahanin kung paano mas mapapabuti ang buhay nila."

Nangilid ang luha sa marilag na mata ni Ate. Alam ko, dama ko, na luha iyon ng labis na kaligayahan.

"Kung ganon.." pinawi niya ang luha at ngumiti muli na kay rikit. "Tinatanggap mo ang hamon ko?"

"Opo, Inang Bayan."

A/N: ikaw? Tinatanggap mo ba ang hamon? Haha. Echos. Kung may gusto kang sabihin, paki-click na lang po yung 'Review this Story' dun sa baba. Kita mo naman di ba? Libre lang click jan. ^_^