Ang Buhay Hayskul

"Dakilang pag-ibig, kasawia'y hudyat

Ng kabiguan ng ligayang sati'y 'di marapat

Itong simpleng mangingibig ay karapatdapat

Sa piling ng minamahal na tunay at tapat"

Palaisipan:

Ang buhay studyante ay mahirap dahil kailangang balanse ang pag-aaral at ang mga extra-kurikular na gawain. Kain, tulog, aral, magdasal, away, bati, magkamali, tumama, magmahal, paikot-ikot lang diyan. May pagkakaiba ba sina L_____ at R_____ sa nararamdaman niyo kapag napatibok na ang inyong mga puso? Tila pinaglalaruan lang ang dalawa ng tadhana at labis labis ang inabot ng dalawa dahil lang sa pagmamahal. Saksihan natin ang magaganap sa Buhay Hayskul.

***

Naglalakad at nagmamasid ang binatang si L_____ habang ang mga kalalakihan at kababaihan ay sabay-sabay tumatawa sa dapit-hapon. Pauwi na ang binatilyo galing eskwela, ngunit nangungulila ito sa giliw na si C_____. Ito'y tumitingin-tingin na wari'y parang nawawala sa isang magulo na plasa sa paghahanap sa pag-ibig nito. Kasabay pauwi ang kaibigang nakayuko ang ulo at diretso ang lakad, na umiiwas makita ang taong iniibig nito. Siya ay si R_____. Ibig niya ang dalagang si F_____ na hindi niya maabot dahil sa katalinuhan, talento at sa mapanghusgang ugaling taglay nito. Ang dalawa'y parehong hayskul at sa pagkakataong ito, sila ay parehong hangal ng pag-ibig.

***

Sina L_____ at R_____ ay matalik na magkaibigan na 'di mapuknat kahit ano man ang gawin. Magkapitbahay ang dalawa at malapit ang pamilya nila sa isa't isa. Laging magkasama ang dalawa, sa hirap at ligaya, lungkot at saya, at higit sa lahat, sa eskwela. Pareho din ang mga hilig nito, tulad ng isports, musika, pelikula, atbp.