Ako si Enteng Kabisote. Ang buo kong pangalan ay Vicente Kabisote, Jr. Isa akong ... teka, teka, teka. Kailangan ba, magsimula ako sa pagpapakilala. Hindi ba pwedeng simula na sa kwento para exciting agad. Kung hindi ako nagkakamali hindi ko naman 'to autobiography at mas lalong hindi 'to diary. Hindi ako kailanman nagsulat ng diary sa loob ng 18 taong pamamalagi ko sa mundong ito. Masyadong madrama. 'Yun nga lang, mas maganda pa sa diary ang kwento ng buhay ko at hindi kasama d'on ang pagpapakilala.
Para sa'kin, hindi ko kailangan ng maraming kakilala dahil hindi naman lahat magiging kaibigan ko at sigurado akong 'yung iba d'on makakaaway ko pa.
Sanay na 'kong mag-isa at mas gugustuhin ko pang mamatay ng walang nakakakilala sa'kin. Parang bula. Poof! Nawalang bigla.
Pero minsan, mahalaga din ang pagpapakilala sa maraming bagay tulad ng first day of school sa harap ng klase, kapag nawawala ka sa malaking mall, kapag nanalo ka sa contest sa T.V., at kapag hindi mo na alam kung sino ka talaga at kung ano ba ang pinaggagawa mo sa buhay mo -tulad ko.
Nung isang araw lang sa pagkakatanda ko, pumasok ako sa unang klase ko for college. Kung ako lang ang magdedesisyon, sapat na sa'kin ang pagsa-sideline bilang taga-blender ng shake sa burger store sa tapat ng school namin at ang pagiging assistant ko sa isang computer repair and shop sa may tapat naman ng bahay namin. Kung hindi lang sa udyok ni Boss Chito, may-ari ng computer repair and shop, na nangakong tutulungan akong makatapos ng Computer Engineering at dahil na rin sa tatay ko, si Vicente Kabisote, Sr., na janitor ng school (kaya may discount), eh, hindi na ako magka-college. Okay na sa'kin ang makatapos ng high school. Pero opportunity na kasi 'yun, eh, 'di ba?
"Ako si Enteng Kabsote." Simple. 'Yan lang ang sinabi ko sa harap ng klase. Believe me, mas interesado ako sa course kaysa sa mga uhuging nilalang sa harap ko. Hindi naman dahil mahiyain akong tao. Ako kasi 'yung klaseng "mysterious type" o mas tamang sabihing "none-of-your-business" na tipo ng tao. Wala akong pakialam sa mga bagay na wala naman akong pakinabang -isang aral na natutunan ko tuwing nag-aayos ng sirang computer parts sa repair shop.
Mas gusto kong ipakilala ang sarili bilang "Enteng" at hindi Vicente. Ewan ko. Para kasing mas may dating sa pandinig ko. Medyo swak din sa apelyido kong hindi pang-mayaman. Saka, kapag may tumatawag sa'king "Enteng", parang ume-echo 'yun sa buong paligid na halos tumingin na lahat ng tao sa'kin. Ewan ko. May power at authority ang salitang "Enteng". Hindi ko alam kung may kapangalan akong artista o comedian o pulitiko. Basta ang alam ko, mas may tsansang hindi ako lapitan ng sinuman kapag sinabi kong, "Ako si Enteng Kabisote" -maliban sa dalawa.
