Disclaimer: Di ko pag-aari ang anuman na may kinalaman sa Sakura Wars. Ang akin lang eh ay mag-sulat ng fanfic. :D
Akda ni: dilang-anghel
Ito ang kauna-unahan kong one-shot tagalog fic, sana ay maibigan nyo.
Ano pa ang hihigitsa sandaling ito?
Tumingin ako paitaas. Dama ko ang siphayo ng taong nakatitig naman pababa sa akin. Ang banayad na pag-agos ng ilog, ang mga mumunting huni ng ibon, ang paghampas ng hangin sa ating mga mukha: ang mga ito ay tila ba nakakabingi sa aking pandinig.
Ang mahabang titigan ay parang walang katapusan. Ang kaba sa aking dibdib ay di na tumigil pa. Ang bawat sandali ay puwedeng isulat bilang isang madamdaming awitin.
Ayokong mag-isip. Ayoko ng isipin pa ang mga walang katuturang bagay, subalit ang bawat sandaling lumilipas ay ang mga sandaling di ko malilimutan.
Naluha ako. Kumikirot ang paligid sa aking puso. Naaasar ako sa sarili ko. Bakit ba ang dali kong lumuha... lalo kung ikaw ang aking kaharap?
Pinunasan mo ang aking luha. "Huwag, huwag mo akong iyakan."
Napayuko ako sa sinabi mo. Hindi ako makapagsalita. Ang mga titig mo sa akin ay para bang nakakatunaw. Ang mga mata mong kulay berde, sumasayaw na para bang pinipigilan nito ang pag agos ng iyong luha.
"Maraming masisira, maraming mawawala, maraming lalayo... maraming magbabago."
Ang patuloy na paghikbi ang lalo pang pumigil sa aking makapagsalita. Hinawakan mo ang aking balikat na para bang nahulog lahat doon ang iyong bigat.
Yumuko ka at inilapit mo ang iyong mukha sa akin. "Napakadakila ang pag-ibig mo... isang tapat, taos sa puso at di mapagkunwari. Pero ayokong sayangin mo ito sa akin. Napakaganda ng mundo at marami ka pang makikilala na mas nangangailangan ng iyong pagmamahal."
"Masisisi mo ba ako kung ikaw ang pipiliin ko?"
"Ngunit hindi pwede..." Malamig ang iyong tugon.
"Bakit?"
"Sakura, sana'y maintindihan mo."
"Kung ang dalawang nilalang ay nagkakaunawaan at may iisang paniniwala sa kanilang nararamdaman ano pa ang kanilang kakailanganin?" napahawak ako sa iyong mukha, ang mga nanginginig kong mga kamay, di ko mapigilan. "Bakit pa kailangang isipin kung ano ang iisipin ng iba?" Lalo pang tumulo ang aking luha sa aking mga sinabi at ikaw ay bigla na lang napailing.
"Hindi Sakura. Hindi ako ang nararapat para sa iyo."
"Sinungaling!"
Napatingin ka sa ibang direksyon.
"Ang iyong mga titig... ang mga yakap mo... hindi mo puwedeng ipagkaila ang lahat ng iyon. Nararamdaman kung kahit papaano ay ginusto mo rin!"
Unti-unting bumubuo ang galit sa iyong mukha. Tinamaan ka sa sinabi ko dahil alam kong alam natin na iyon ang totoo.
"Pero, isa iyong napakalaking pagkakamali," sinabi mo ng may pagngingit. "Hindi ko kailanman inasahan na... "
"... na hindi kita gusto?"
"Hindi... hindi ko inakala na ganon din ang nararamdaman mo."
Patuloy pa rin ang pag-iwas mo sa aking mga mata. "Maria."
Oo. Alam ko malaki ang pag-aalinlangan mo sa iyong nararamdaman. Hindi mo ito inaasahan at gayundin ako. Napakaraming dapat isaalang alang sa ganitong klase ng sitwasyon. Ikaw ang sinusunod ng lahat, mataas ang pagtingin nila sa iyo, isang respetadong babae, mapagkakatiwalan, seryoso at responsable. At isa iyon sa hinangaan ko sa iyo.
Subalit...
...kung malalaman nila ang bagay na ito, nangangamba ka sa kung ano ang maaari nilang isipin at sabihin. Nangangamba ka na baka mawala ang lahat ng itinaguyod mo para kilalanin ka at igalang.
Alam ko, natatakot ka.
Ngunit...
"Mahal kita."
Bigla kang bumulong. "Alam ko."
At sa sandaling iyon niyakap mo ako ng mahigpit.
Binuksan ko ang aking labi ngunit di na rin ako makapagsalita dahil agad mo iyong nilapatan ng iyong halik.
wakas
