Kasabay ng iyak ng kasisilang na sanggol ay ang alingawngaw ng pakikibaka at kamatayan sa labas ng palasyo.

Dali-daling kumilos ang mga tagapaglingkod. Dali-daling pinunasan at binalot ang sanggol sa mamahaling seda. Dahan-dahang nilapag ng komadrona ang sanggol sa bisig ng ina. "Mahal na Reyna Cassandra, kinagagalak kong sabihin na ang inyong anak ay isang prinsesa."

Ngunit tila isinambahala lamang iyon ng reyna. "Nasaan si Aviona?," usal nito.

"Nandito ako, Mahal na Reyna," sambit ng babaeng taong-ibon na noo'y nakadungaw sa malaking bintana ng palasyo. Ang maamo nitong mukha ay nabahiran ng mga sugat at dugo. Paika-ika itong lumapit.

"Iwan niyo muna kami," utos ng reyna. Agad na tumalima ang mga tagasunod nito.

Halos mabitawan ng reyna ang pagkakahawak ng sanggol pagkaabot nito kay Aviona. "Ikaw na ang bahala sa aking anak…," habilin nito.

"Dalhin mo siya sa mundo ng mga mortal. Magiging ligtas siya roon. Gabayan ka nawa…"

Inilahad ng reyna ang kanyang kanang palad. Mula rito ay lumitaw ang isang bughaw na brilyante na tila hugis apa. Sa loob nito ang simbolo ng nga sa Enchanta.

"Ng Gabay-Diwa ng Brilyante ng Hangin. Iwan mo ang sanggol kung saan man ito ituro sa iyo. Ang brilyante naman ay iwan mo sa isang nilalang na mapagkakatiwalaan mo… Isa na may alam sa lihim ng ating mundo…"

Nanlaki na lamang ang mata ng Mulawin nang maisalin sa kanya ang brilyante. Bigla siyang nakaramdam ng panghihina at panlalamig. Ngunit tiniis niya iyon upang hindi mabahala ang reyna.

Tila papalapit ang mga sigaw at pagsabog kaya napahawak ang reyna sa braso ng Mulawin. "Ibigay mo sa akin ang iyong sandata," utos nito.

Hinugot ni Aviona ang kanyang espada. Ngunit hindi niya iyon binitawan kahit hawak na ito ng reyna.

"Mahal na Reyna, pakiusap, sumama kayo sa akin. Sisikapin ko na kayo'y makatakas," pakiusap ng Mulawin.

Umiling na lamang ang diwata. "Nais ko mang mabuhay at makasama ang aking anak… Hindi ko kaya sa aking kalagayan at magiging pabigat lamang ako sa iyo. Sa ganitong paraan, mamamatay ako ng may dignidad kasama ng aking mga nasasakupan."

Napatango na lamang ang Mulawin. Bago ito lumabas ng durungawan ay lumingon muli ito sa reyna na noo'y bumangon na sa pagkakahiga.

Napatingin ang reyna sa dalawa. "E corre deu, adea."

Biglang nagkaroon ng malakas na pagsabog na nagtulak sa Mulawin sa kawalan. Hinayaan niya itong dalhin sa hangin, hanggang nakaipon na siya ng lakas upang ipagaspas muli ang mga pakpak palayo.

Samantala, hinigpitan ng reyna ang hawak niya sa puluhan ng kanyang espada. Nangangatog man ang binti ay pinilit niyang magpakatatag sa harap ng higanteng putik-apoy. Sa balikat nito nakasakay ang bagong reyna ng Atlantika, si Ruana.

Habang dahan-dahan na ibinababa ng higante ang reyna ay sinisipat ito ng mabuti ni Cassandra. Sadyang kakaiba ito sa ibang Atlantiko dahil sa taglay na kapangyarihan ng bulkan. Sa hindi malamang dahilan ay napasakamay nito ang Brilyante ng Apoy kaya nagawa nitong agawin ang Atlantika at magsagawa ng malawakang pagsakop sa buong Encantadia.

"Avisala, Reyna Cassandra," tila nangungutyang bati ni Ruana sa kanya.

"Hindi ka namin tinatanggap dito. Umalis ka at ang iyong mga lamang-dagat sa ilalim ng tubig, kung saan kayo nababagay!," pabalang na sagot ni Cassandra.

Napahawak na lamang sa dibdib si Ruana. "Ansakit mo namang magsalita, Cassandra. Kararating lamang namin dito ay pinapaalis mo na kami kaagad. Ganyan ba magsalita ang isang Sang'gre?"

Hindi namalayan ni Cassandra na nasunggaban na siya ni Ruana habang pinipilit ang kanang kamay. "Isuko mo sa akin ang Brilyante ng Hangin at baka maawa pa ako sa iyo."

Dinuraan ng reyna ang Atlantiko sa mukha at sinipa ang sarili palayo. "Mamamatay muna ako bago mangyari iyon," sagot ng reyna.

"Kung iyon ang iyong nais," paangil na sagot ng Atlantiko. Kumilos ang higante at pinagpukpok ang paligid. Kahit nanghihina ay mas mabilis pa rin sa normal ang reyna. Samantala, pinalibutan naman ni Ruana ng apoy ang silid at nagpaulan ng mga bolang apoy.

Dahil sa mga atake ng Atlantiko ay unti-unting gumuho ang palasyo. Sinabayan pa ito ng pagyanig at pagbuga ng mga lava sa ilalim ng lupa.

Lumipad ang reyna upang makaiwas sa mga atake ng Atlantiko. Napapalibutan man ng pananggalang hangin ay alam niyang hindi magtatagal ay mababasag din ito. Hindi niya napansin ay sumalakay ang Atlantiko sa kanyang likuran sa anyo ng nagbabagang bulalakaw.

Isang malaking pagsabog ang yumanig sa buong kaharian. Sa naiwan nitong hukay ay ang naghihingalong reyna. Sunog ang kasuotan at iilan sa kanyang baling katawan. Nakatayo sa kanyang harapan ang kaaway, na noo'y apak-apak ang kanyang pulu-pulsuhan.

Wala sa sariling napangiti si Ruana. "Sa ganito ko ring paraan ko nagapi ang mag-asawang Armea at Atlan ng Sapiro. Pinagpasahan man nila ang Brilyante ng Tubig, sa huli'y napasaakin din."

Unti-unting hiniwa ng Atlantika ang palad ng diwata. Napahiyaw na lamang sa sakit ang reyna. Ang noo'y pananabik sa mata ng Atlantiko ay napalitan ng galit na mabalasik.

"Nasaan ang brilyante? Nasaan?," sunod-sunod na sampal ang inabot ng reyna sa kamay ng kaaway. Hinablot ni Ruana ang buhok ng diwata at sapilitang pinaharap sa kanya. "Nasaan ang Brilyante ng Hangin?"

Halos hindi makasagot ang reyna dahil sa panghihina at pamamaga ng mukha. "Hinding-hindi… Mapapasayo…"

Napatingin na lamang si Ruana sa katawan ng diwata. Noon niya napansin ang kasuotan nito. Hindi ito nag-abalang magbaluti. Ang maluwag nitong suot ay duguan sa pang-ibaba. Noon niya napagtagpi-tagpi ang mga pangyayari. May halong inis at pananabik ang naramdaman niya.

"Huwag kang mag-alala, Cassandra," tila masaya pang sambit nito. "Mahahanap ko ang brilyante. Narito man ito o sa ibang mundo."

Bigla inundayan ni Ruana ng saksak sa sikmura ang diwata sa tiyan, dahilan upang matalsikan siya ng dugo na nanggaling sa bibig ng reyna.

Naiwang nakabukas pa rin ang mga mata ng diwata habang nakalupaypay sa gitna ng hukay. Sinalubong ng heneral ng hukbong Atlantiko na si Daluyong ang reyna. "May mga nakakita sa isang Mulawin na lumipad mula sa durungawan ng reyna ng Lireo sa iyong pagdating. Maaaring nasa kanya ang brilyante."

"Maghanda ka, Daluyong. Sabihan mo si Darangit upang sundan ang Mulawing iyon. Pupunta tayo sa mundo ng mga tao," habilin ni Ruana sabay buga ng higante ng apoy sa iniwang hukay.