Nakikita mo ba yung binatang naglalakad sa kalye? Yung panay simangot. Yung galit sa mundo. Yun bang waring lalamon na ng tao. Sayang nga e, maganda sana siyang lalake. Siguro, kung nagkaton, type ko siya... pwera lang sa simangot niya. Mukhang walang-wala na siyang pag-asa. Tingnan mo nga, kahit pag-ngiti, wala na siyang pag-asang ngumiti. Siya na yata ang nagpapakahulugan sa salitang 'badtrip'.

Gabi ang setting natin ha, at naglalakad si binata sa kalyeng makipot at madilim. Kaya nang may sumulpot na lalaking may hawak na patalim, hindi na siya nagulat.

"Holdap to!" Bulyaw ng lalaking may patalim kahit na halos hagkan na ng kanyang mga labi ang tainga ng binata.

Nagtirik na lamang ng mata si binata. Daily occurrence na siguro sa buhay niya ang matutukan ng balisong sa tagiliran. O baka naman sadyang matagal na siyang nabubuhay para maranasan ng madalas ang holdap?

"Akin na'ng pera't selpon mo!" Bulyaw ng may hawak sa patalim.

"Ano ba sa palagay mo, ikaw lang ang may problema sa mundo?" Sigaw ng binatang aburido.

Bahagyang natigilan ang holdaper.

"Ikaw lang ba ang may pangangailangan? Ikaw lang ba ang tao sa mundo?" Tumalikod ang binata upang harapin ang lapastangan. "Kung makakapit ka sa patalim, wagas a! Ako, akong hino-holdap mo, wala ba akong alalahanin?"

"Tumahi—"

"O, ngayon uutus-utusan mo rin ako! Pucha, sawang-sawa na talaga 'ko ha! Buong buhay ko, wala nang ginawa ang buong mundo kundi paikutin, kuntrolin at utusan ako! Tapos ngayon, nar'yan ka. Mangho-holdap na nga lang, mag-uutos pa!"

"E gago ka pa—"

"O, mumurahin pa! Gago ka rin, 'tangina mo! Kung makapang-holdap ka, parang wala nang taong mas mahirap pa sa 'yo. Bakit? Ilan ba'ng anak mo? May trabaho ka ba? Malamang, naghihirap ka!"

"Pare, hindi ka na nakakatuwa nga—"

"Bakit 'dre, nagpapatawa ba 'ko, ha? So gano'n, gano'n? Sinong sisisihin mo sa kinahinatnan ng buhay mo? Hindi mo masisi ang sarili mo, kaya ngayon, ibinubunton mo ang sisi sa'kin!"

"Wala akong sinasa—"

"Wala kang sinasabing gano'on? Akala mo lang wala! Pero, meron, meron, meron! Nang bigla kang nagdeklara ng holdap, palagay mo ba, may ibibigay ako sa 'yo?"

Katahimikan.

"Ano? Sagutin mo 'ko!" Lahat ng paasik na sigaw ng bnata ay siguradong dinig hanggang sa kabilang kalye. Pero itong sigaw na 'to, kabilang barangay na yata ang abot. Nakakapagtaka lang na wala pang sumasaway sa kaniya, mailban sa holdaper.

"O-oo!" Sagot ng kriminal. "Lahat naman may ma—"

"Lahat naman nagkakamali! Akala mo may maho-holdap ka sa 'kin? WALA!"

Matapos no'n, nagmartsa na paalis ang binata. Mabilis at inis ang kaniyang pag-alis. Naiwan na lamang na nakatanga ang holdaper.

Sino ba siyang may karapatang mag-ga-ganiyan? E gaano ba kalalim at kalaki ang galit niya sa mundo? Gaano ba karami at kalala ang mga sama ng loob niya sa buhay? Bakit ba sa sobrang badtrip niya ay wala na siyang ibang madama? Gaano ba kahirap ang sitwasyon niya?

Ako, sa palagay ko, may karapatang magalit ang binatang iyon. Marami siyang dahilan upang kamuhian ang mundo. Siya nga pala si Juan De la Cruz, ang katawang tao ng Pilipinas, ang nagpapasan ng hirap ng mga Pilipino.


Mensahe ng may-akda: O, ha! Tagalog din yan! Yeah. Maligayang pagbati, kababayan! Malamang, Pilipino kang nagbabasa nito, 'di ba? Ito ang unang kwentong na-publish ko rito sa Fanfiction. Net. Matagal ko na 'tong naisulat ngunit ngayon ko lang naisip na i-publish siya as a Hetalia fanfic. Wala lang, masaya kasing gawan ng fanfic ang sarili mong bayan e. XD

Marahil ay may idurugtong ako kung sakaling may maisip ako. Pero sa ngayon, mag-post ka muna ng review~

-Karimlan