Kalangitan
Mayroong isang importanteng tungkulin ang kalangitan. Ito ay ang panatilihin ang kapayapaan sa mga elementong nakapaligid sa kanya. Kailangan niyang mapanatili ang kaayusan sa mundong kanyang kinatatayuan. Hindi nabubuhay ang langit para sa sarili, kundi para sa iba lalung-lalo na, para sa kanyang pamilya.
Mahirap ang trabaho bilang isang pinuno ng pinakamalaki't pinakamakapangyarihang 'mafia' sa buong mundo. Maraming kailangang asikasuhin. Marami ding kailangang gawin. Ngunit kahit gaano kahirap, hindi nagpapakita ng kahinaan ang langit. Hindi siya naapektuhan ng mga elementong gustong sumira sa kanya. Sapagkat nariyan ang kanyang mga tagapangalaga:
Ang bagyo'y dumadagsa't umaatake sa mga gustong magpabagsak sa langit, hindi siya nagpapahinga hangga't mayroong nagtatangkang hilahin pababa ang langit.
Ang kidlat nama'y di lamang umaatake sa kanyang kalaban tulad ng bagyo, siya rin ang responsable sa pagbawas ng pinsala na ibinibigay ng kalaban tila isang lightning rod –kung sabihin ng mga Ingles.
Ang ulan nama'y tumutulong sa pag-alis ng problema sa mga balikat ng langit. Minsa'y mahina, at minsan din –kasama ang bagyo't kidlat – ay nakakaya niyang dumagsa ng napakalakas.
Ang araw naman ay ang sumisira ng kamalasang aatake sa langit. Siya ang nagiging ilaw na nagbibigay inspirasyon sa mga madidilim na sitwasyon.
Ang hamog ang gumagawa ng mga ilusyon para maprotektahan ang lahat, upang takpan ang kalangitan at itago ito sa mga posibleng kaaway.
At ang huli naman ay ang ulap, na walang kumokontrol. Siya ay malaya, ngunit nakakaya niyang tumulong sa pamilya sa oras ng pangangailangan.
Ito ang bumubuo sa isang pamilyang Vongola.
Ang Kalangitan at ang kanyang mga elemento.
***
Mensahe ng Akda:
Hindi ko alam kung bakit ako napa-sulat sa wikang Tagalog. Ito ang unang pagkakataon na nakapagsulat ako ng isang fanfic sa wika ng aking bayan. Gusto ko malaman ang inyong opinyon ukol sa aking isinulat. Maikli lamang ito, at sana'y inyong magustuhan.
Mabuhay!
