Chapter 2: Deadma-kun
"Ako? Boyfriend si Kunimitsu?" ibinalik ko ang tanong ni kachan. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin dahil wala naman talagang namamagitan sa amin ng lalaking iyon. Isa pa, ako na yata ang pinakaswerteng babae sa balat ng Japan Junior High School kung magiging kasintahan ko ang gwapo, matalino at responsibleng si Tezuka Kunimitsu. Teka ano nanaman ba itong iniisip ko.
Umiling lamang si kachan at nagpatuloy sa pagluluto habang ako'y patuloy pa rin sa pag-iisip ng mga "what ifs" kung maging boyfriend ko nga si Kunimitsu. Matapos kong kumain ng hapunan ay bumalik ako sa aking kwarto at nanood sa TV. Habang inililipat ko ang channel sa remote control, may nakita akong tennis match na palabas sa TV. Ayan tuloy, naalala ko nanaman siya. Panandalian kong pinanuod ang tennis match at unti-unting bumalik sa aking gunita kung papaano kami unang nagkakilala ni Tezuka Kunimitsu dalawang taon na ang nakalilipas.
Flashback..
Magtatakip-silim na nang ako'y nagpunta sa laybrari upang humiram ng aklat. Iyon ang aking unang araw sa Seishun Gakuen. Naghahanap ako ng Earth Science book, yung McMillan ang publisher. Sa kasamaang palad, medyo mataas ang kinalalagyan nito at kailangan kong umakyat ng hagdan upang aking maabot. Nung una'y nagdadalawang isip ako sapagkat nakasuot ako ng uniporme, at kung sakaling may madadaan na ibang estudyante sa lugar na iyon ay siguradong masisilipan ako. Tumingin muna ako sa magkabilang gilid at nang makita kong wala namang mga estudyante ay umakyat nga ako ng hagdan at kinuha ang aklat. Sa hindi kalayuan ay may natanaw akong paparating na isang estudyanteng lalaki. Dali-dali akong bumaba ngunit sa di inaasahang pangyayari ay nadulas ako at tumama ang hagdan sa cabinet ng mga libro. Hindi ako agad nakaalis dahil medyo masakit ang aking balakang at muntik nang napilay ang aking siko dahil naitukod ko ito nang ako'y bumagsak sa sahig. Nang una'y nahulog lamang ang ilang aklat ngunit biglang bumagsak ang kabinet sa akin. Sa hindi ko inaasahang pangyayari ay may nagligtas sa akin.
Pagdilat ko ng aking mga mata ay muntik akong mapasigaw dahil isang gwapong gwapo na imahe ng isang estudyante ang aking nakita. Ngunit, may kakaiba sa lalaki na ito. Teka, tao ba talaga siya o robot na mukhang tao? Walang reaksyon ang kanyang mukha habang pinipigilan ng kanyang likuran na tuluyan kaming madaganan ng kabinet.
"Huwag kang maging pabaya," wika niya.
Hindi ko naintindihan ang sinabi niya pero isa lang ang alam ko, kailangang makaalis ako sa awkward position namin. Syempre kahit papaano naman ay pakipot effect ang lola ninyo, mahirap namang ipahalata na nate-tense ako hindi dahil sa bumagsak na kabinet kung hindi dahil sa gwapong nilalang na halos ilang pulgada lang ang layo sa akin. Sinabihan niya akong umalis sa aking kinalalagyan at akin namang sinunod kaagad. Matapos nun ay tuluyan nang bumagsak ang kabinet sa kanya.
"Uy, ayos ka lang?" tanong ko kahitb obvious na hindi siya ayos. Sa madaling salita, sinamahan ko siya sa clinic para magpa-check up.
"Sori kasi nadamay ka sa kalampahan ko," sabi ko sa kanya nang kami'y nakalabas na sa clinic.
Hindi siya tumugon kaya inulit ko ang paghingi ng tawad. "Mag-iingat ka kasi sa susunod," tugon niya at saka siya lumakad papalayo.
"Hmmp, gwapo nga suplado naman. Mula ngayon Deadma-kun na ang itatawag ko sa'yo," wika ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ko siya papalayo sa akin.
Isang lingo na rin ang nakararaan mula ng bumisita ako sa silid aklatan. Heto ako nakatayo sa harap ng librarian ipinapasa ang aking application form para maging student volunteer sa laybrari. Hindi kasi ako mahilig sa isports at kung anu-ano pang mga extra na aktibidades sa paaralan. Mas gusto ko ang tahimik na buhay at ang laybrari ang pinaka angkop na lugar para sa akin. Masaya kayang magbasa ng mga aklat at gumawa ng mga maikling kwento at nobela kapag inspire ng mga nababasa.
"Asar nandito nanaman siya," bumulong ako sa aking sarili habang isinasalansan ang mga bagong aklat sa kabinet nang aking makita ang mailap na si Deadma-kun.
Hindi naman niya ako pinansin nang ako'y kanyang madaanan. Hari yata ng "deadma" ang lalaking iyon.
Umuwi agad ako matapos ng duty ko sa laybrari kaya lang wala pang tao sa bahay. Naisipan kong lumabas muna para bumili ng kahit anong pwedeng makakain. Gutom na kasi ako at mukhang matatagalan pa bago umuwi si kachan galing sa kanyang trabaho. Head nurse kasi siya sa isang ospital kaya hindi rin kami laging magkasama lalo na kapag gabi ang duty niya. Sa aking paglalakad, may nakita akong tindahan ng taiyaki kaya huminto muna ako para bumili saka ako umupo sa bench malapit dun sa public tennis court. Habang kinakain ko ang binili kong taiyaki ay biglang pumasok sa isipan ko si Deadma-kun. Nakikita ko kasi siya lagi na may dalang raketa ng tennis kapag nasa Seigaku ako. Erase, erase, bakit ba kailangan kong alalahanin ang lalaking iyon?
Naubos ko na ang isang taiyaki at pangalawa na ang aking kinakain nang bigla akong nabulunan. Naman, wala nga pala akong biniling tubig. Drinking fountain nalang ang pag-asa ko para mawala ang pagkabulon ko pero wala akong makita. Hindi na ako makahinga at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin nang may water tumbler akong nakita sa aking harapan. Mabilis ko itong kinuha at inubos ang laman.
"Salamat.." sabi ko sabay tingin sa anghel na isinugo ng langit upang pawiin ang aking kalunos-lunos na kalagayan. Ngunit tila nagbago ang ihip ng hangin nang aking makita kung sino ang nagbigay sa akin ng tubig. Hindi pala isang anghel, si Deadma-kun lang pala.
Hindi siya umimik at tinalikuran ako. Nakakainis talaga siya, bakit parang ipinamumukha niya sa akin kung gaano ako ka-careless! Sinundan ko lamang siya ng tingin habang papalayo siyang naglakad.
"Wahh..hindi niya kinuha itong lalagyan niya ng inumin!" hahabulin ko sana siya pero ako'y natigilan. Bukas ko nalang sa kanya ito isasauli sa kanya.
Habang ako ay naglalakad papauwi ng bahay ay inihahagis at sinasapo ko sa ere ang water tumbler nang pumukaw sa aking paningin ang kanji na nakasulat dito.
"Tezuka Kunimitsu.."
Yun pala ang pangalan ni Deadma-kun.
