Chapter 3: Water Tumbler

Kinabukasan ay agad kong inisip kung papaano ko maisosoli ang water tumbler ni Dedma-kun. Hindi ko alam kung saan siya makikita. Naglakadlakad ako sa hallway ng Seishun Gakuen pero wala, hindi ko makita miski anino niya. Pumunta ako sa laybrari pero wala akong namasid na lalaking may spiky brown hair at nakasuot ng salamin. Nagring ang bell at hudyat iyon na magsisimula na ang aking klase. Tumakbo ako papunta sa aking silid-aralan saktong papasok na ang aming guro.

Buong maghapon kong hinanap si Dedma-kun pero hindi ko talaga siya makita hanggang sa maalala ko na bisitahin ang tennis court. Nakita ko kasi dati na may nakasukbit na tennis bag sa kanyang balikat kaya marahil ay miyembro siya ng tennis club. Malayo pa lamang ako ay tanaw kong madaming nanonood sa court. Marahil ay naglalaro ang mga senpai kaya naman dalidali akong nakisama sa grupo ng mga estudyante na nanonood nang biglang makita ko ang lalaki na kaninang umaga ko pa hinahanap. Hayun si Dedma-kun nakikipaglaro sa mga senpai. Ayon sa aking narinig ay tinalo ni Dedma-kun ang lahat ng senpai na nakipaglaro sa kanya. Akalain mo, may itinatagong angking kakayahan sa larangan ng tennis ang lalaki na iyon.

Magtatakipsilim na nang natapos ang praktis ng mga tennis club members at nang lalapitan ko na si Dedma-kun ay biglang lumapit sa kanya ang ilang ichinen na katulad namin. Nahiya naman na daw tuloy akong lumapit, baka akalain pa nila na fangirl ako ni Dedma-kun. Marahil ay bukas ko nalang siya kakausapin.

Dumating ang bukas at ako'y nagtungong muli sa tennis court. Hayun si Dedma-kun naglilinis ng court na mag-isa. Ang sama talaga ng mga senpai niya para pabayaan siya na mag-isang maglinis ng court. Natalo lang sila ni Dedma-kun kahapon gumaganti na sila. Matapos niyang maglinis ng court, nilapitan ko siya at kinuha ang kanyang atensyon.

"Dedma…Uhmm, Tezuka-san, salamat dito ha. Isosoli ko lang sana itong water tumbler mo." aking winika sabay abot sa kanya ng water tumbler.

Tumingin lamang sakin si Dedma-kun at kinuha ang water tumbler sa aking kamay. "Hindi ka na sana nag-abala pa."

Medyo napataas ang aking kilay. "Ang lalaking ito! Hindi niya ba alam na kahapon ko pa siya hinahanap? Tapos yun lang ang sasabihin niya! Aba, natural lang naman na ibalik ko sa kanya yung tumbler niya!" gustong-gusto kong sabihin iyon kaso lang baka matakot siya sa akin.

Tumungo si Dedma-kun sa bench kung saan nakasandal ang kanyang tennis bag at inilagay ang water tumbler na kababalik ko lang. "Wala ka na bang klase?" tanong niya.

Tinignan ko ang aking wrist watch at nakitang malapit na akong mahuli sa aking susunod na klase. "Argghhh!" at ako'y tumakbo papalayo sa court.

Tezuka's POV

Sinundan ko siya ng tingin habang tumatakbo papalayo ng court. Sa katunayan, hindi na ako umaasa na isosoli pa niya ang water tumbler ko. Hindi yata simula nang ako ay pumasok sa paaralang ito ay lagi akong nawawalan ng gamit. Nung una ay nawala ang aking panyo, nang sumunod na araw ay nawala ang aking ballpen at nang sumunod ay nawala ang wristband ko. Malingat lang ako sandali ay parang bula na nawawalan ako ng gamit. "Yudan sezu ni ikou" yan ang palagi kong binabanggit, ngunit ano ang aking magagawa kung mga kaklase kong babae ang salarin ng pagkakawala ng mga gamit ko. Ano ba ang mapapala nila dun? At bakit sila laging nagtatawanan, naghahampasan, namumula at tumitili kapag hindi sinasadyang nalilingon ako sa kanila?

Palabas na ako ng tennis court nang bigla akong harangin ng aking mga senpai. Hindi maganda ang aking nararamdaman. Iniwasan ko sila ngunit hinawakan ng isa ang aking braso. Ngunit tinanggal ko ang kanyang kamay sa aking braso at ako'y nagpatuloy na lumabas ng court. Tila isang nagbabadyang panganib ang maging malapit sa kanila.

Matapos ang aking klase ay pumunta ako sa laybrari upang magbasa ng aklat ukol sa literaturang Ingles. Kinuha ko ang aklat sa kinalalagyan nito at sa hindi kalayuan ay nakita kong muli ang estudyanteng nagsoli ng water tumbler ko. Naroon siya sa seksyon ng kasaysayan at pinipilit abutin ang aklat na nasa badang itaas ng lalagyan. Pinagmasdan ko siya ng sumandali at aking napansin na kapag may nagdaraan na estudyante ay tumitigil siya sa pagtalon upang kunin ang aklat. Marahil ay nahihiya siyang makisuyo sa iba na kunin ang aklat para sa kanya. Lumapit ako ng marahan at waring ikinagulat niya nang iabot ko sa kanya ang kanina pa niya minimithing kunin. Matapos nun ay tumungo ako sa mesa sa sulok ng laybrari upang magbasa.

Girl's POV

Iniabot sa akin ni Dedma-kun ang aklat na halos sampung minuto ko nang pinipilit kunin. Nakakainis naman kasi dahil nawawala yung hagdanan na pwede ko sanang gamitin upang makuha nag aklat. Teka, si Dedma-kun? Bakit sa dinami-dami ng estudyante ay siya nanaman. Nerd talaga yung lalaki na yun para magustuhan ang library. Hindi ba ang mga tulad niya ay dapat naglalaro ng video games o hindi kaya ay nagbabasa ng manga?

Matapos kong magpatala ng aklat na hihiramin sa laybraryan ay napagpasyahan kong pumunta sa school garden. Matagal ko na itong gusting bisitahin lalo na ang mga koi sa fishpond. Ang cute nila, lalo na kapag lumalapit sa akin kapag hinagisan ko ng pagkain. Nahumaling ako sa panonood at pagpapakain sa mga koi. Nang paalis na ako sa garden, natanawan ko ang ilang mga senpai na tinalo ni Dedma-kun nung nakaraang araw. Pinag-uusapan nila si Dedma-kun at ayon sa aking narinig ay naiinis at nayayabangan sila sa kanya. Doon ko rin nalaman na kaliwete pala si Dedma-kun pero naglalaro siya ng tennis gamit ang kanyang kanan na kamay. Bakas ko sa itsura ng mga senpai na may balak silang masama kay Dedma-kun.

Nagsasalawahan ang aking isip kung sasabihin ko ba ito sa kanya o hindi. Ayoko naming isipin niya na nagsisinungaling ako at sinisiraan ang kanyang mga senpai kaya minabuti ko na lamang na tumahimik. Stalker mode nalang tuloy ang ginawa ko sa mga senpai hanggang sa sila ay pumunta sa tennis court. Sakto naman na naroon si Dedma-kun na nagpapraktis na mag-isa. Marahil ay kadarating lang din niya sa tennis court galing sa laybrari.

Nilapitan siya ng mga senpai at hinamon sa isang tennis match ngunit hindi niya pinatulan. Hindi ko masyadong mawatasan ang pinag-uusapan nila ngunit bigla ko na lang nakita na hinampas ng isang senpai gamit ang tennis racket ang braso ni Dedma-kun. Hindi ako makapaniwala na gagawin nila iyon sa kanya. Napaluhod si Dedma-kun, marahil ay dahil sa sakit ng pagkakahampas sa kanya ngunit pinilit niyang tumayo at pinagwikaan ang mga senpai. Matapos noon ay iniwan siya ng mga senpai.

Hinawakan ni Dedma-kun ang kanyang braso at bakas sa kanyang mukha ang pamumutla. Ayoko man na makialam ay hindi ko napigilan na puntahan siya sa tennis court.

"Ayos ka lang?" tanong ko.

Tumango lamang siya at isinukbit ang tennis bag sa kanyang kanang balikat. "Huwag mong ipagsasabi sa iba."

"Pero.." gusto ko pa sanang magsalita ngunit ako ay natigilan. Ayoko naman isipin niya na dakilang epal ako sa personal niyang buhay. "Nauunawaan ko." aking winika.

"Salamat." sabi niya at binitbit ang kanyang school bag gamit ang kanyang kaliwang kamay nang ito ay kaniyang nabitawan.

"Hindi ka ayos. Ipatingin mo na iyan sa ospital bago pa lumala," sabi ko sabay dampot sa school bag niya na nasa lapag.

Sabay kaming lumabas ng gate ng Seishun Gakuen na hindi man lang nag-uusap hanggang sa kinuha na niya ang school bag niya sa aking kamay. Nagpasalamat siya sa akin at binanggit ang aking pangalan sabay talikod at lumakad palayo.

"Eh? Hindi nga! Papaanong nalaman ni Dedma-kun ang pangalan ko?!"