Yay! At last after 2 years, nakapag-update na rin ako. I hope you still know this story. Enjoy!
Chapter 4: Walang Forever
Girl's POV
Heto nanaman ako sa laybrari, lumilipad ang utak habang pinagmamasdan ang walang humpay na pagbuhos ng ulan sa labas ng bintana. Ilang oras ko na rin hawak itong libro na hindi ko pa naililipat sa kabilang pahina. Ayoko talaga ng ulan lalo na kapag tagsibol. Hindi ko maipaliwanag ngunit ako ay nakakadama ng matinding lungkot kapag ganito ang panahon. Gusto ko laging maaraw at maaliwalas. Hindi yata't masayang panoorin si Deadma-kun habang naglalaro siya sa tennis court. Teka.. erase, erase.. bakit ba bigla ko siyang naalala?
Dalawang linggo na rin ang nakalipas mula ng insidente sa tennis court. Kasabay noon ay dalawang linggo ko na ring hindi nakikita si Deadma-kun na pumupunta dito sa laybrari. Siguro ay madami siyang ginagawa o sadyang hindi naman pala talaga siya mahilig sa mga ganitong klase ng lugar. Napabuntong hininga ako at isinarado ang libro na kanina pa nasa aking mga palad. Marahil ay hindi nanaman pupunta si Deadma-kun dito sa laybrari.
Tumigil na ang malakas na ulan. Sa wakas, pwede ng lumabas ng Seigaku. Nagugutom na rin kasi ako. Gusto kong kumain ng ramen dun sa may kanto malapit sa bus stop. Sa aking paglalakad, napansin ko si Deadma-kun na may kasamang isa din na ichinen. Napansin yata ako nung kasama niya na nakatingin sa kanila kaya siya ngumiti sakin. Agad kong ibinaling ang aking paningin sa kabila ng kalsada at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa ramen restaurant.
"Yung Set A po.. shoyu ramen at gyouza," order ko sa counter. Umupo ako sa bandang dulo sa may sulok ng restaurant.
Ilang saglit lang ay dumating na ang aking order; isang mangkok ng masarap at mainit na ramen at sinamahan pa ng isang platitong gyouza, wala na talaga akong hahanapin. "Ittadaki.." hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil bigla kong nakita na pumasok sa restaurant si Deadma-kun at yung kasama nya kanina na ngumiti sakin. Nang dahil dun, nabitawan ng aking chopstick ang gyouza at nahulog iyon sa ramen.
Bakit ba ang clumsy ko kapag nasa paligid si Deadma-kun? Nakakainis! Nakita nung kasama niya yung nangyari sa gyouza. Hayun, ngumiti nanaman siya sakin. Kaasar lang! Matapos nilang umorder, uupo na sana sila sa may malapit sa counter pero yung kasama ni Deadma-kun, pinili yung table sa tabi ko. Parang nananadya lang talaga siya.
Napansin ako ni Deadma-kun at tumango siya nung nagtama ang aming paningin. "Kilala mo siya?" tanong ng kanyang kasama.
Tumango lang di Deadma-kun at inilapag ang tennis bag niya sa gilid ng pader.
Tezuka's POV
Kanina, habang naglalakad kami ni Fuji sa labas ng Seigaku, nakita ko ulit siya. Marahil ay galing nanaman siya sa laybrari katulad ng lagi niyang ginagawa araw-araw. Dalawang linggo na rin mula ng hindi kami nagkikita at nag-uusap. Sa totoo lang, iniiwasan ko siya. Ayokong mag-alala siya sa aking kalalagayan. Hindi pa rin magaling ang aking braso at alam kong iyon ang itatanong niya sa akin sa oras na makahanap siya ng tiyempo para kausapin ako.
Ngunit ngayon, nandito kami sa iisang lugar, wala pang isang dipa ang pagitan. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ni Fuji at biglang nag-aya na pumunta dito sa restaurant samantalang ang usapan namin ay sa sports shop kami pupunta para bumili ng tennis racket grip tape.
"Hi," bati ni Fuji sa kanya habang nakangiti ngunit wari'y hindi niya narinig.
"Fuji.." saway ko sa kanya.
"Saa.. bakit Tezuka? Masama bang bumati sa schoolmate?" tanong ni Fuji. Hindi nalang ako kumibo at nagbabakasakaling tumigil na si Fuji sa pangungulit sa kanya.
Dumating ang aming order at kumain ako ng tahimik habang si Fuji, patuloy pa rin sa pakikipagkilala sa kanya. "Romeo and Juliet?" tanong ni Fuji ng makita nya ang libro na nakalapag sa kabilang table.
"Bakit may masama kung nagbabasa ako ng ganitong book?" sagot niya ng pabalang.
"Hmm.. wala naming masama. Mahilig ka sa love stories?" tanong muli Fuji.
"English literature book ito!,"depensa niya habang kumakain ng gyouza.
"Fuji.. Fuji Syusuke.."
"Ha?" nagtatakang tanong niya ng magpakilala si Fuji.
"Yun ang pangalan ko," sambit ni Fuji at nagpakilala rin naman siya dito.
"Marunong ka rin naman palang mamansin. Akala ko katulad ka nitong katabi ko na kanina pa tahimik at parang walang naririnig."
Tumigil ako sa pagkain at nilingon si Fuji na nakangiti nanaman ang mga mata. Ano ba ang problema niya at kanina pa siya nanggugulo.
"Sige na, tatahimik na ako." sabay baling sa kabilang mesa. "Pagpasensyahan mo na si Tezuka, ganyan lang talaga yan."
Hindi siya kumibo at ipinagpatuloy ang pagkain. Pinagmasdam ko sumandali ang libro na tinutukoy ni Fuji. Nabasa ko na ang aklat na iyon. Mahilig rin pala siya sa mga sinulat ni Shakespeare.
Girl's POV
Argghh! Nakakainis! Nakakainis ang Fuji na ito! Pero gusto ko siya. Kabaligtaran siya ni Deadma-kun. Nang maubos ko na ang aking ramen at gyouza ay tumayo na ako.
"Aaalis ka na?" tanong ni Fuji sa akin.
"May pupuntahan pa ako," aking pagsisinungaling at binitbit ang aking bag.
"Tragic story yang babasahin mo," komento niya habang nakatingin sa libro na ihinulog ko sa aking bag.
"Hindi naman lahat ng istorya may happy ending," sagot ko.
"Saa.. dapat yung masayang wakas ng kwento ang binabasa mo, para may forever.. Di ba Tezuka?", ani Fuji.
Sasagot sana si Deadma-kun ngunit hinadlangan ko kung ano man ang sasabihin niya.
"Walang Forever!", sambit ko saka ako umalis sa restaurant.
