Chapter 7

DISCLAIMER: Hay, eto ang talagang nakakainis 'pag nagsusulat ng fic na may sandamukal na chapters. Buti sana kung akin ang Slam Dunk, pero hindi eh. AYAN HA, NARINIG (nabasa?) NIYO, HINDI AKIN ANG SLAM DUNK! So don't sue me. Pero sa tingin ko, kung akin ang SD, matutuwa si Fukuda kasi malaki ang exposure niya. Noh?

Tahimik na ang buhay ni Fukuda. Bati na sila ni Sakuragi, madalas nang nag-eensayo ang banda nila, at nagkaayos na rin sila ni Himiko. Hindi naman pala talaga nagalit si Himiko, 'na-badtrip' lang daw, 'parang gago' daw kasi si Fukuda nung gabing iyon. Napapangiti si Fukuda tuwing nagugunita niya ang mga salitang iyon.

Tahimik na nga talaga ang buhay niya. Gumaganda na ang grades niya sa iskwela dahil bihira na lang siyang mag-cutting at matulog. Masaya na rin siya dahil nagiging bihira na ang toka ng nanay nila sa malalayong lugar sa Japan. Naawa siguro yung supervisor.

Masasabi ko ngang tahimik na ang buhay ni Fukuda.

Isang umaga ng Sabado, isang lalaking may kulot na buhok at makapal na labi ang kasalukuyang namamalengke dahil inutusan siya ng nanay niya. Ngayon lang ulit siya nakapamalengke, dahil mahilig mamalengke ang nanay nila ng sobra-sobra, para hindi sila nauubusan ng kakainin kahit na nasa malayo siya.

Halos malapit na siyang matapos. Isda na lamang ang kulang niya. Kaya naman nagmadali na siyang pumunta sa bilihan ng isda upang makauwi na.

Hindi problema sa kanya ang pamamalengke. Kabisado niya kung saan sa palengke mabibili ang ganito't ganyang uri ng bagay o pagkain. Kaya mabilis siyang nakarating sa bilihan ng isda.

Lumapit siya sa madalas niyang binibilihan. "Manang, pabili nga po ng dalawang kilo nito," sabi niya sabay turo sa isdang tinutukoy niya. Kukuhanin na sana ng ale ngunit may nagsalita.

"Ah, manang, pwede ho bang sa akin niyo nalang ipagbili 'yan?" pakiusap ng isang babaeng malumanay ang boses. Napatingin si Fukuda sa pakialamerang gustong bumili ng bibilhin niya. At sa gulat niya, nanlaki ang kanyang mga matang halos sarado na sa sobrang singkit.

Tinignan din siya ng babae. At natahimik sila pareho.

"Miss Daigo…?"

"Fukuda…?"

Nang sandaling marinig niya ang kanyang pangalang nagmula sa labi ng isang taong akala niya'y nawala na sa kanyang buhay, para siyang binuhusan ng nagyeyelong tubig. Sinabi niya agad sa manang na sa guro na lamang niya ipagbili ang isdang dapat niyang bibilhin.

"Salamat," sabi ni Miss Daigo, at ngumiti ng isang ngiting paboritong pagmasdan ni Fukuda noon tuwing klase. Halos hindi makapagsalita si Fukuda. Bumalik na si Miss Daigo niya.

"Ah…ano…akala ko umuwi ka na sa probinsiya niyo sa Okayama?" tanong ni Fukuda. Gusto sana niyang sabihin na "sabi ko na nga ba't hindi mo'ko iniwan" o kaya nama'y "pwede ba kitang mayakap?" ngunit alam niyang lalayo lamang siya kapag ginawa niya iyon.

Ngumiti ng bahagya si Miss Daigo. "Ano ka ba, hindi sa Okayama, sa Osaka. At tsaka sinabi ko lang iyon para hindi na 'ko dalawin sa bahay ng mga estudyante kong napalapit na ang loob sa'kin. Gaya mo," sabi niya, at tinignan si Fukuda sa mata. "Kamusta ka na, Fukuda?"

Kasalukuyan na silang naglalakad ng sabay. Nagkusang-loob na si Fukuda na samahan ang kanyang guro sa pag-uwi. Nagkukuwento si Miss Daigo habang naglalakad sila, ngunit hindi nakikinig si Fukuda. Nang tumawa ng bahagya ang babae ay saka lamang nakuha ang atensyon ni Fukuda.

"Hindi ka na nagbago, Fukuda," puna ni Miss Daigo. "Hindi ka pa rin nakikinig at laging malalim ang iniisip."

"Saeko," sabi ni Fukuda, na ikinagulat ni Miss Daigo. Tinawag siya ng kanyang estudyante sa kanyang pangalan at hindi sa apelyido. Nagpatuloy si Fukuda. "Hindi mo na ako estudyante, kaya't huwag mo na'kong tratuhin na parang bata."

At hindi napigilang yumakap ni Fukuda sa babaeng una niyang pinagtuunang-pansin sa buong buhay niya. Hinaplos niya ang mabangong buhok nito at nilasap ang bawat segundong yapos niya ang mapayat niyang katawan. Kung titignan ay para silang magkasintahang matagal na nawalay sa piling ng isa't-isa. Itinutulak siyang papalayo ng guro, ngunit lalo lamang niyang hinigpitan ang yakap niya.

"Fukuda," sabi ni Miss Daigo matapos ang ilang segundo. "Fukuda, nasa gitna tayo ng kalsada. Baka tayo masagasaan." At saka lamang bumitiw si Fukuda sa kanya.

Sumama si Fukuda hanggang sa bahay niya. Gaya ng dati, mag-isa pa ring nakatira si Miss Daigo sa isang maliit na apartment. Pumasok silang dalawa sa loob. Naghanda si Miss Daigo ng inumin.

Habang naghihintay, pinagmamasdan ni Fukuda ang bawat kilos ng kanyang dating guro. Humaba na ang buhok niya, naisip niya. Maganda pa rin ang kutis niya, at hindi pa rin nagbabago ang mga mata niya. Lalo pa nga yata siyang gumanda.

"Fukuda?" sabi ni Saeko habang iniabot sa kanya ang isang basong juice. Umupo siya sa tapat ng dati niyang estudyante.

"Saan ka na nagtatrabaho ngayon?" tanong ni Fukuda.

"Wala pa sa ngayon," sagot naman ni Saeko.

"Bakit? Saan ka kumukuha ng pantustos para sa sarili mo?"

"Kaibigan ko ang may-ari ng apartment na 'to. Kasalukuyan nagtatrabaho ako bilang maintenance dito. Kapalit no'n ay libreng stay."

"Eh maliban dun?"

"Teka, ba't ba natin pinag-uusapan ang mga bagay na 'to," sabi ni Saeko, na halatang iniiba ang usapan. "Kamusta na ang pag-aaral mo?"

"Alam mo bang apat na taon lang ang tanda mo sa'kin?" tanong din ni Fukuda. Tinignan lamang siya ni Saeko. Nagpatuloy siya. "Puwede pa ba 'kong manligaw?" Tinignan niya siya sa mata, na para bang hinahanap ang sagot sa mga ito.

"Alam mo kasi, Fukuda," sinimulan ni Saeko, ngunit sumabat si Fukuda. "Dalawa lang ang sagot diyan, oo o hindi." Pakiramdam ni Saeko ay hindi isang batang estudyante ang nasa harap niya, kundi isang lalakeng alam kung anong gusto niya.

"Fukuda, ang totoo kasi niyan ay —"

Naistorbo ang kanilang masinsinang usapan ng isang katok sa pinto. Tumayo agad si Saeko upang buksan ito.

Isang lalaking mukhang 30 years old na at may stable job ang bumati sa kanila. Niyakap siya ni Saeko at hinalikan, at pagkatapos ay tumingin kay Fukuda. "Siya nga pala ang fiancé ko," sabi niya. "Engaged na kami simula pa noong magturo ako sa school noon."

Parang dinurog ang puso ni Fukuda ng kamaong mas malaki pa sa kamao ni Akagi. Tumayo siya upang magbigay-galang sa magiging asawa ng pinakamamahal niyang si Saeko. "Ako ho si Fukuda Kiccho, dati hong estudyante ni Ma'am. Dinadalaw ko lang ho siya kasi nami-miss na ho namin siya ng classmates ko. Sige ho, maiwan ko na ho kayong dalawa."

Ibinuka ni Miss Daigo ang bibig niya upang sabihan si Fukuda na magtagal pa nang kaunti, ngunit nagmamadaling kinuha ni Fukuda ang kanyang mga ipinamalengke at isinuot ang sapatos niya, at saka umalis.

Napagalitan si Fukuda nang makauwi siya ng bahay dahil malambot na ang mga gulay at medyo bilasa na ang isda. Tumango lang siya sa bawat sermon nang nanay niya at dumeretso sa kuwarto niya pagkatapos.

Naggitara siya nang naggitara.

Napagalitan na naman siya dahil nag-aaksaya na naman siya ng oras sa paggigitara sa halip na mag-aral na lang siya o gumawa ng gawaing-bahay. Humingi siya ng tawad at lumabas ng bahay.

Lalayo pa sana siya ng kaunti ngunit tinawag siya ni Aya. "Kuya! Telepono!" Nagbuntong-hininga siya at pumasok muli sa loob.

"Sino 'to?" sagot niya sa telepono.

"Oi, Hikoichi toh! Musta na?"

"Sabi ko na nga ba eh."

"Ui pare, guess what?"

"Tigilan mo yang ka-I-English mo pag kausap mo'ko."

"Sus naman 'toh oh, wala ka bang sense of humor?"

"Ibababa ko na 'to."

"Ui biro lang! Sasabihin ko lang nakuhaan tayo ni Micchy ng slot para tumugtog sa isang senior's party! Debut na natin 'toh pare!"

"Ah. Okay yan…"

" 'Wag mo sabihing masaya ka na sa ganyang lagay? Dude, brighten up!"

"Sige, bye na."

"Oi, biro lang! Ito naman oh. Parang Biyernes Santo. Pinapasabi nga pala ni Sakuragi na magpractice daw tayo sa Monday pagkatapos ng school."

"Siya…sige…" At binaba na ni Fukuda ang phone.

to be continued.

A/N: This chapter is especially dedicated to The Wicked Sisters, Eun-Hye, Ji-Hyun, and Han-Byul. Hehe, thanks for your support!