~~~CHAPTER 8~~~

"Hii-sama…" mangiyak-ngiyak na sambit ni Kakitsubata sa nakapikit na principal.

"Mawawala na ba si Hii-sama sa atin?" tanong ng kasama niya.

"Hindi. Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan." Kontra naman nung isa. Nagamit na ng principal ang lahat ng lakas nito para protektahan ang lahat.

"Himemiya-san, salamat." Marahang sabi ni Yukihira-san sa payapang nakahimlay na principal. Ginagap nito ang mga kamay ng MSP. "Hindi na kita gigisingin, alam kung ayaw mo na rin namang bumalik. Sana, makakita ka ng kapayapaan kung nasaan ka man ngayon, at utang namin sayo ang buhay ng buong Alice Academy. Maraming salamat." Yumukod ang HSP tanda ng pasasalamat nito sa MSP.

Wala na nga ang MSP. Pagkatapos nitong gamitin ang buong lakas nito para protektahan ang mga bata mula sa alice ni Luna-san, at ni Yakumo. Pero alam niyang nahirapan itong protektahan si Mikan, biglang-bigla ay mas lumakas ang nullifying alice ni Mikan dahil sa bugso ng damdamin nito, kaya pinipigilan nito ang barrier ng MSP. Kailangan nitong kumuha ng lakas mula sa amplifying alice ni Tono para lalong lumakas iyun. Nagtagumpay ang MSP, pero pagkatapos ay nanghihina ito at walang malay na bumagsak sa sahig. Kahit sa kamatayan ay hindi nito itinago ang kasayahan nito, dahil may gumuhit na ngiti sa maputlang labi nito sa payapa nitong mukha.

"Nasaan ako? Bakit nandito ulit ako." Takot na sabi ni Mikan, nasa madilim na lugar na naman siya. Nagpalinga-linga siya, pero wala siyang makita kahit katiting na liwanag.

"Mikan…Mikan…" Napamulagat si Mikan. Natsume? Maya-maya ay biglang lumitaw ang imahe ni Natsume sa kadiliman, napapaligiran ito ng kakaibang liwanag.

"Natsume? Ano ang ginagawa mo rito? Bakit ka nandito?" nagtataka niyang tanong rito. Hindi siya nito sinagot. Ngumiti ito at marahang lumapit sa kanya hanggang sa ilang dangkal nalang ang agawat nila. "Natsume, salamat at ligtas ka." Sabi niya sa marahan at basag na boses. Hindi pa rin ito sumagot, masuyo lang siya nitong tinitigan. Ramdam niya ang init ni Natsume. Buhay si Natsume. Sabi niya sa isip. "Ano ang ginawa nila sayo Natsume? Sinaktan ka ba nila?" wala naman itong mga pasa, katulad parin ng dati ang mukha nito, pero sa pagkakataong ito ay maamo ang mukha nito kaya nanibago siya, ang Natsume na lagi niyang nakikita noon ay ang Natsume na mabangis ang mukha at laging nakasimangot sa kanya. Ah, kaysarap balikan ng mga sandaling iyun.

Hindi pa rin ito sumagot. Nagtataka siya sa ikinikilos nito. Marahan nitong ini-angat ang kamay nito at hinawakan ang ilalim ng baba niya, dahan-dahang bumaba ang mukha nito at walang babalang hinalikan siya sa labi. Marahan iyun, masuyo, mainit, at puno ng pagmamahal. Nagulat siya sa ginawa nito kaya namilog ang kanyang mga mata. Mag-poprotesta pa sana siya nang mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya na para bang may gusto itong sasabihin na hindi nito masabi. Puno ng emosyon at pagmamahal ang halik nito kaya tumahimik nalang siya. Unang pagkakataong niyang hinalikan ng lalaki, at sa mga labi pa, pero hindi siya magpoprotesta dahil nagmula iyun kay Natsume. Pumikit siya.

Humiwalay ito sa kanya. Dumilat siya at nakita niya ang Natsume na malungkot na nakangiti sa kanya. "Natsume bakit?" lalapitan sana niya ito pero, hindi niya maigalaw ang mga paa. "Natsume?" naguguluhan siya sa mga pangyayari. Ano ang nangyayari? Ano ito?

"Mikan…" narinig niya ang boses ni Natsume kahit hindi naman ito nagsasalita. Ginagamit ba nito ang telepathy alice? "Paulit-ulit kong sasabihin sayo na mahal kita…mawala ka man sa ala-ala ko, mananatili ka parin sa puso ko habang buhay. Tandaan mo iyan." Ngayon lang niya napansin, malungkot ang mga mata ni Natsume. Napakalungkot.

"Natsume, ano ang ibig mong sabihin? Magsalita ka, ano ang nangyayari sayo?" naguguluhan niyang sabi, hindi na ito sumagot. Malungkot lang itong ngumiti. Nakapamulsa itong tumalikod at naglakad palayo.

"Sandali, huwag kang umalis." Hahabulin pa sana niya ito ngunit hindi niya maigalaw ang mga paa. Biglang tumigil si Natsume sa paglakad.

"Ba-ka… hindi ako aalis." Sabi nito na hindi lumilingon sa kanya at ang mga kamay ay nasa bulsa nito, saka nagpatuloy sa paglakad hanggang sa maglaho ito.

"Natsume!" napabalikwas ng bangon si Mikan. Humihingal ito at pawisan. Panaginip? Isang masamang panaginip. Hindi aalis si Natsume.

"Hay naku, salamat naman at gising na siya." Napalingon si Mikan sa nagsalita, nakita niya sina Sumire at ang iba pa niyang kaibigan.

"Mikan." Sabi ni Hotaru na lumapit sa kanya.

"Hotaru, ligtas ka." Nagsunuran naman ang iba niyang kaibigan rito at pinaliligiran siya sa kama. Masaya siya dahil ligtas silang lahat. "Ligtas kayong lahat." Mangiyak-ngiyak niyang sabi sa mga ito.

"Oo naman no, kahit ilang oras din kaming nakulong sa mabahong lugar na iyun." Sabi ni Sumire na nakaingos ang ilong.

"Kumusta na ang pakiramdam mo Mikan? Dalawang araw kang hindi nagising." tanong ni Hotaru.

"Okay na ako. Salamat sa pag-alala Hotaru, at sa inyong lahat." Walang sigla niyang sabi sa mga ito. Binabagabag parin siya ng panaginip niya kanina.

"Mawala ka man sa ala-ala ko, mananatili ka parin sa puso ko. Tandaan mo yan." Malinaw pa rin sa isip niya ang sinabi nito sa panaginip niya. Ano kaya ang ibig sabihin ni Natsume? Ngunit bigla siyang namula nang maisip ang halik. E-eh? Ang halik na iyun, parang totoo. Wala sa sariling nahawakan niya ang labi niya.

Baka! Baka! Baka!

Umuusok parin ang baka gun ni Hotaru nang tigilan niya si Mikan. Puro bukol ang ulo ni Mikan ng matamaan ng baka gun ni Hotaru, pero dahil sa panaginip ay baliwala sa kanya ang sakit.

"Para kang tanga." Walang ka-emo-emosyong sabi ni Hotaru.

"P-pasensiya na, Hotaru."

Nagulat naman ang lahat sa naging tugon ni Mikan. Hindi naman sa nagulat sila dahil humingi ito ng pasensiya, pero ibang Mikan na ang kaharap nila ngayon.

"Aba! Naninibago kami sayo Mikan, hindi ka maingay ngayon. Dapat ikaw ang kauna-unahang mag-iingay diyan dahil ligtas tayong lahat." Sabi ni Sumire.

"Yan ba ang epekto sayo ng mga naganap ha, Mikan?" napalingon silang lahat sa may pinto at nakita nila si Narumi. May benda ito sa ulo at nakaplaster ang kaliwang braso nito. Gumuhit ang tuwa sa mga mukha ng mga bata nang makita ang guro at nag-uunahan ang mga ito sa pagyakap. Kaliwa't kanan naman ang aray ng guro nang masaling ng mga ito ang sugat niya.

"Narumi-sensei!"

"Ha-ha, Kumusta!" sabi ng guro na apologetic na ngumiti. Nang matapos sa pagbatian ang mga ito ay binalingan ni Narumi si Mikan. Alalang-alala ang mukha ni Mikan habang nakatingin sa ulo niya at braso.

"Narumi-sensei." Mangiyak-ngiyak na sabi niya rito.

"Naku Mikan, wala ito. Kunting galos lang ito. Bukas na bukas din ay makakapag-jogging na ako." Tumatawang sabi ng guro. Pero alam niyang hindi sapat iyun para pakalmahin si Mikan, alam nitong hindi okay ang lahat pagkatapos ng mga nangyari.

Nagulat siya nang bigla itong lumundag sa kama at yumakap sa kanya habang umiiyak.

"Narumi-sensei… Patawad!"

"Ano ang sinasabi mo riyan? Wala kang naging kasalanan. Hindi natin inaasahan ang mga pangyayari."

"Mikan."

"Hindi mo kasalanan ang lahat Mikan, wala ibang dapat sisihin kundi ang ESP." sabi ni Inchou.

"P-pero..."

"Tumigil ka na nga diyan sa kadadrama mo. Tapos na ang lahat. O heto." Sabi ni Hotaru at ibinigay sa kanya ang isang orange. "Kainin mo yan para tuluyang bumalik ang lakas mo."

"Si Natsume? Kumusta na si Natsume?" biglang niyang tanong sa mga ito. Napansin niyang parang natigilan ang mga ito at palihim na nagtinginan. "Hotaru? Perm? Narumi-sensei?" walang sumagot. Kinabahan tuloy si Mikan kaya nailagay niya sa kama ang binabalatang prutas.

"P-pag-uusapan natin ang tungkol diyan Mikan kapag magaling ka na. M-may mga bagay kasi na komplikado, kaya magpagaling ka muna. Okay?" sabi ni Narumi na pilit ang ngiti. "Sige na mga bata, bumalik na kayo sa silid ninyo. Kailangan nang magpahinga ni Mikan." Tahimik naman na nagsilabasan ang mga kaibigan niya. Parang may kung anong tensyon sa paligid.

"H-Hotaru?"

"Huwag matigas ang ulo Mikan." Sagot ni Hotaru. Kumuha ito ng isang apple, kumagat muna ito bago lumabas ng pinto. Naiwang nakatitig sa dahon ng pinto si Mikan, maraming mga bagay ang bumabagabag si isipan niya ngayon.

"Natsume, sana'y ligtas ka." Peping dalangin niya.

~~~(TO BE CONTINUED)~~~