-Selos-

"Selos"

Ikasampung Kabanata

(isang Kaleidostar fanfic)

akda ni: dilang-anghel

ooooooooooooooooooooooooo

Napatingin sa relo si Layla.

Mag aalas onse na.

Malamig na ang niluto niyang manok at inorder na pizza. Hindi niya alam kung may nangyaring masama sa dalaga.

"Hindi kaya masyado lang akong umaasa?" Ani ni Layla sa sarili. Lalong umulan ng malakas.

Hinimas ng dalaga ang buhok niya. Unti unti na itong humahaba buhat ng ipagupit niya ito kay Sora. Siya ang nagbigay uli sa kanya ng lakas na magpatuloy. Siya ang nagbigay saysay kung bakit nandito siya ngayon. "Sora."

Habang pinagmamasdan niya ang linya ng ulan sa labas ng bintana hindi namalayan ni Layla ang pagtulo ng kanyang mga luha. Lumabas siya ng bahay at pumunta sa hardin. Hindi niya inalintana ang mabasa.

Nasaan ka, Sora?

Sa di kalayuan naaninag niya ang anino ng isang dalaga mula sa gate. Humahangos ito sa pagtakbo. .

Parang tumigil ang oras ni Layla kasabay ng biglaang pagtigil ng ulan.

"Miss Layla!" Una nitong sambit. Hindi maipagkakailang si Sora ang nagmamay-ari ng malamyos na tinig.

"I'm sorry nahuli ako."

Napayuko si Layla at nanahimik ng ilang saglit.

"Miss Layla. . ." sambit ni Sora ng may pagsisisi. "Sana mapatawad mo ako."

"Miss Layla." Lumapit si Sora at humawak sa rehas ng gate.

"Hindi ka man lang tumawag."

"Nabasa ang cel—" hindi na nakasingit pa si Sora.

"Hindi mo ba alam kung paano ako nag-alala?"

"Miss Layla."

Namumula ang mata ni Layla at batid ni Sora kanina pa ito umiiyak.

Naipangako niya na kahit kailan ay hindi niya mapapatawad ang sinumang mananakit sa kanyang iniidolo subalit siya mismo ay isang salarin.

Tuluyang humupa ang ulan at binuksan ni Layla ang gate. Tuluyan ng nawala ang harang sa pagitan nila.

Hindi nakakilos si Sora ng magsalubong ang titig nilang dalawa. Si Layla ang humakbang papalapit at niyakap niya ng mahigpit ang dalaga. "Sora."

"Miss Layla." Halos pabulong nitong sambit. Dama niya ang init ni Layla pero dama rin iya pag ikot ng kanyang mga paningin. Narinig niya muli ang malakas na pagkulog buhat sa kalangitan. Unti-unting bumabalik ang ngitngit ng panahon na sandali lang naglaho.

"Sora, inaapoy ka ng lagnat!"

Iyon ang huli niyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay.

xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx

Matagal na tinititigan ng dalagang blonde ang natutulog na Haponesa sa kanyang kama. Hindi pa bumababa ang lagnat nito. Tinawagan niya si Sarah sa cellphone para ipaalam ang nangyari at nakiusap na manatili muna ito sa bahay niya hangga't di humuhupa ang bagyo.

Pagbaba ni Layla para kumuha ng panibagong cold compress biglang nagring ang telepono malapit sa sala. Isip niyang si Sarah ito o di kaya ay sina Anna at Mia na nag-aalala kay Sora.

"Hello?"

"Hello, Layla." Si Yuri.

"Wala akong panahon—"

"Sandali, buksan mo ang tv."

"Yuri, hindi ako—"

"Tungkol ito kay Sora."

Napakunot ng noo si Layla at agad kinuha ang remote at binuksan ang tv. Pinapakita doon ang isang maiksing clip kung saan magkasama si Leon at Sora papasok sa isang restaurant. Ang interview ay nakatuon kay Leon para sa bago nilang show sa Kaleido Stage at ang balitang pagsabak nito sa Hollywood para gumanap sa isang Sci-fi film.

Maiksi ang interview subalit sapat na ang nakita ni Layla.

Ang hindi maalis sa isip niya ay ang mahigpit na hawak ng isa't isa. At kung hindi siya nagkakamali ay kagaganap lamang nito base sa suot ni Sora.

Siya ba ang dahilan, Sora?

"Layla," sambit ni Yuri sa telepono.

Halos wala nang naririnig Layla kundi ang mga boses sa kanyang ulo. Paulit ulit na nagtatanong at nag-aalinlangan sa kanyang nakikita. Ang pintig ng kanyang puso na sa bawat tibok may halong kirot.

Ano ito?

Ibinaba ni Layla ang telepono. Ang maliit na boses ni Yuri mula sa receiver ay patuloy na tinatawag ang kanyang pangalan ngunit wala na siyang pakialam.

Hinawakan niya ang sarili habang niyayakap ang pakiramdam na pinaka-aayaw niya sa lahat.

Ang selos.

ooooooooooooooooooooooooo

itutuloy . . . pa rin.