Ang Pagtugis (The Hunt)
A Sakura Taisen Fanfic done almost entirely in Tagalog
by Jemu Nekketsu

DISCLAIMER: I don't own Sakura Taisen. If I did, I wouldn't be calling this a fanfic, right?

III. SAMURAI AT MGA ESPIRITU (Samurai and Spirits)
Matapos ang isang oras at kalahati ay nakatayo na kami sa harapan ng Imperial Theater. Takipsilim na, at magkahalo ang liwanag at dilim ng pantay. Hindi namin nais na malamin ni Ogami, o mas tamang sabihin na hindi ko nais, na parating na kami. Nagsimula na nga ang pagtugis.
Bumukas ang pinto at bumaba ang isang babaeng Amerikana. Dilaw ang kanyang buhok at nagpakilalang si Rachette Altair. "Ako ang acting commander ng Hanagumi habang hindi pa bumabalik si Ginoong Ogami. At sino naman kayo?"
Hinayaan kong si Grand Mere ang magpakilala sa kanyang mga alaga. Nang lumingon siya sa akin, ako naman ang nagsalita. "Ako po si Pol Torero. Naatasan po ako ng matataas na opisyal upang hanapin ang nawawalang si Ichiro Ogami."
Medyo nag-isip si Binibining Altair. "Nawawala si Ogami? Sandali, hindi apelyidong Hapon ang Torero. Mas malapit ito sa Espanyol, hindi ba?"
kanyang tanong sabay pukol ng makahulugang tingin sa akin.
"Wala po akong magagawa, Binibini. Ang mga utos ay dapat kong sundin, kahit hindi ko gusto ang mga pinagagawa sa akin."
"Hmm. Hindi sagot iyan, pero sige, palalampasin ko. Siya nga pala," lumingon siya sa likod at nakitang may iba na kaming mga kasama, "nais kong ipakilala ang mga pinakabatang kasapi ng Hanagumi. Heto sina Iris Chateauxbriand at Leni Milchstrasse."
Yumuko ang dalawang batnag nabanggit. Napansin kong parang napukaw ang interes ni Coquelicot, at sinong hindi makakaintindi? Ngunit hindi lamang iyon ang aking napansin. "Ano, sandali, Binibining Altair. Mata ko lang ba, o talagang may mga harang na tabla ang mga bintana sa ikalawang palapag?"
Magaling si Rachette Altair. Kung nagulat siya, muntik ko nang hindi mapansin. "Ang mga iyon ba? Luma na kasi ang mga salamin at napagpasyahang palitan ang mga ito, ganoon, oo."
"Ah. Medyo malamig ang mga silid na iyan kapag gabi na, kung ganoon," ang aking sabi.
"Ay naku! Nasaan ang mga mabuting asal ko? Tuloy kayo, at pasensya na kung napagod kayo sa kakatayo dito. Halikayo sa loob." Tumawag siya ng mga katulong upang kunin ang mga bagahe. "Ah, teka, ano ang laman ng mga trak na iyan?" tanong ni Rachette.
"Mga sorpresa sana para kay Binibining Ri Kohran. Siguradong matutuwa siya kapag nakita niya ang mga iyan. Sana ay maintindihan po ninyo."
"Oo. Sige, alam ko ang hitsura ng isang karatulang "Bawal Hawakan" kapag nakakita ako ng isa." Nakangiti siya nang sabihin ito. "Tara na sa loob, siguradong pagod kayo mula sa biyahe."
Malayo sa katotohanan ang kanyang sinabi. Hindi ako pagod. Ginaganahan ako, at inaabangan ko ang hapunan upang makita at makausap ang Teigeki. Hindi niyo lang alam, nais ko silang makita nang personal at makunan ng litrato. Tiyak na sikat na naman ako sa opisina kapag nangyari iyon. Para sa akin, ang paghahalo ng trabaho at saya ay isang napakagandang ideya. "Oo nga pala. Binibini, makikisalo po ba mamaya sa hapag ang Imperial Floral Group?"
Medyo nababahala ang mga mata ni Rachette nang sumagot. "Makikita natin mamaya, hindi ba?"

Hindi ako mapakali. Matapos maligo at magpalit ng damit ay sinubukan kong umidlip pero ayaw ako dalawin ng antok. Kaya napagisipan ko na mamasyal muna. Bumangon ako at nagsuot nang sapatos. Binaon ko ang aking lockpick set at isang pares na shuriken na pasalubong sa akin ng isa pang ahente, si Raul Okarin, nang manggaling ito sa Japan. "Para sa iyo, kasi ayaw mong lumaban ng harapan."
Naalala ko ang mga bintanang may harang. May maliit na boses na nagsasabi sa aking hindi para sa rasong aestetikal ang pagpapalit ng mga bintana. Aalamin ko ang totoong dahilan. Pero bago ang lahat, titignan ko muna ang lagay nang mga kasama ko. Responsibilidad ko sila, dahil ako ang nagdala sa kanila dito. Lumabas ako ng pinto, at nang masiguro kong walang tao sa paligid, kumatok ako sa pintong pinakamalapit sa aking silid.
"Sino iyan?" boses ni Grand Mere ang sumagot.
"Ako lang po, si Pol. Ayos lang po ba kayo diyan?"
"Pol, ikaw pala. Pasok, iho, at may sasabihin ako sa iyo."
Nagtaka ako. Importanteng sasabihin na hindi makapaghintay? Pinihit ko ang doorknob at pumasok. Tila naghahanda na si Grand Mere para sa hapunan, dahil nadatnang ko siyang sumusubok ng mga kuwintas. "Ang mga perlas po. Mas nakakadagdag ng dignidad at nakababawas ng... ah, tensyon."
"Merci, mon ami. Tapatin mo ako. Naniniwala ka bang si Ichiro ang may gawa ng, ng bagay na ito kina Erica, Glycine at Hanabi?" tanong niya sa akin.
"Hindi po. Kung siya talaga ang may gawa, sigurado akong labag ito sa kalooban niya."
"Nakakasiguro ka ba, Pol? Maski ako ay hindi ko siya kilala nang husto upang masabi iyan. Sana nga ay tama ang sinabi mo, Pol. Dahil mas mahirap siyang kasuklaman kung ganoon nga."
Nagulat ako sa paratang na iyon ni Grand Mere. Hindi ako nagsalita. Kung nasusunog ang katahimikan, malamang sumabog ang silid kung may nagsindi ng posporo.
"Makakaalis ka na, Pol. At isa pa, hindi kita kinausap bago maghapunan, naiintindihan mo?"
"Opo. Sige po, maiwan ko na kayo." Para sabihing nababagabag ako ay isang katatawanan. Tuliro ako sa inaasal ng donya. Kung kaya napatalon ako ng kalahating metro nang may susunod na nagsalita.
"Kamusta?" boses ng isang batang babae.
"Ngiyaaa!" sabay talon ko at tingin sa likod.
"Ang ibig sabihin ba ng ngiya ay 'oo' o 'hindi'?" Si Iris pala. Ano ang ginagawa ng isang paslit na Pranses na mag-isa sa Japan?
"Ang ibig sabihin noon ay huwag kang manggugulat nang ibang tao," ang sagot ko sa kanya. Medyo mabilis pa rin ang tibok ng puso ko, parang tumakbo ako ng dalawang kilometro na walang hinto.
"O sige. Para hindi ka magulat, sasabihin ko sa iyong tumingin ka sa likod mo," abiso niya sa akin.
"May naloloko pa ba ang isang yan? Tatalikod ako at pagkatapos ay may kung ano nang sasalubong sa mukha ko paglingon ko uli sa iyo."
May naramdaman akong tumutok sa aking likuran, sa aking sinturon. "Kung ganoon, patay ka na pala dapat. Ang isang magaling na imbestigador ay dapat alam na ang isang bata ay hindi nagsisinungaling." Isa na namang boses.
Dahan-dahan akong pumihit at lumingon. "Ikaw pala, Ginoong Milchstrasse. Huwag po kayong mag-alala, wala po akong masamang balak sa iyo o sa inyo pong nobya," sabi kong may kasamang ngiti.
Tumawa si Iris, at maya-maya ay tumawa rin si Leni. Ako ay napakamot na lang ng ulo na parang tsonggo. "May nasabi ba ako?" tanong ko, na lalong ikinatuwa ng mga bata. Napabuntung-hininga na lang ako. Mahirap talaga kapag hindi ka na musmos. Narinig kong may bumukas na pinto, at nilingon ko iyon. Namataan ko si Coquelicot, at sinenyasan kong pumarito sa amin. Isinara niya ang pinto at patakbong lumapit sa aminng tatlo. Gaya ng inaasahan ko, lumipat ang atensyon ng dalawang batang kasapi ng Teigeki sa bagong dating.
"Kamusta? Ako ang mahiwagang anghel, si Coquelicot. Bakit ninyo tinatawanan si Kuya Pol?" tanong niya sa salitang Pranses.
Nagliwanag ang mukha ni Iris at napangiti. Sa loob ko, nangiti rin ako. Marahil bato lang ang hindi mapapangiti sa palabas na ito. Sayang nga lamang at hindi ko masundan ang mala-machine gun na bilis ng kanilang pag-uusap, na maya-maya ay bumagal upang makasabay si Leni. Pero kahit na bumagal nang kaunti ang kanilang pag-uusap, pakiramdam ko ay nasa bansang Gresya ako. Para hindi ako mabato, nagtapal ako ng ngiti sa aking mga labi at inalala ang pintong binuksan ni Coquelicot. Tatlong pinto mula kay Grand Mere, apat mula sa akin, pero may isa pang silid sa tabi. Marahil nilagay ni Grand Mere ang mga nagdadalang-tao na mas malapit sa kanya, at kung ganoon ay kay Lobelia ang silid na katabi ng kay Coquelicot.
May naramdaman akong humihila sa braso ko. Ang makulit na Vietnamesa na naman. "Maglibut-libot tayo. Sila ang magiging tour guide natin."
"Magandang ideya iyan! Sige, tayo na!" Ayos! Hindi ako magmumukhang kahinahinala kapag kasama ko ang dalawang ito na naglalakad sa paligid.

Hapunan. Maganda ang silid, maliwanag dahil sa de kuryenteng chandelier at mga ilaw na hugis kandila na nakalagay sa mga dingding at poste. Ang mga kurtinang makakapal at ang karpet ay naninigurong kahit magkaroon ng opera habang kumakain, hindi ito aabot sa labas. Malaki ang hapag, na kayang-kayang magkasya ang dalawampung tao at puede pang mag-inat kung hindi nga lang ito masamang asal.
"Ako na marahil ang pinakamasuwerteng lalake sa mundo! Mantakin mo, labing-apat magagandang babae ang kasabay ko sa hapunan!" bulalas ko.
"Mali ang inyong sinasabi, Signore Torero," sagot sa akin ni Orihime Soletta. Isa siyang magandang paghahalo ng dugong Hapon at Italiano. May kaliitan siya, pero dahil ako ay anim na talampakan ang taas, baka ganoon lang ang pananaw ko. (Medyo naiilang nga ako sa isa pang kasapi ng Teigeki, si Binibining Kirishima, dahil hanggang baba niya lamang ang tuktok ng aking ulo.) Nakakatawag ng pansin ang kanyang malagong itim na buhok, matapos ay ang kanyang kutis na kulay cappucino.
"Paanong ako ay nagkakamali, signorina?" ang tanong ko.
"Labinlimang katangi-tanging babae ang kasama mo sa hapag, Detektib."
"Labinlima?" Ang PariKagekidan at si Grand Mere ay anim, ika-pito si Binibining Altair. Labinglima bawasan ng pito, ay walo. Ang walo pang kasama ko sa mesa ay... Namumula ang mukha, hinarap ko si Leni. "Patawad, senyorita, sa aking pagkakamali. Ang tanging palusot ko ay ang simpleng kabobohan."
Nakarinig ako ng bulungang Pranses. Nangiti ako ng bahagya. Hindi lang pala ako ang nag-akalang lalaki si Leni, pero magpapapako muna sila sa krus bago nila aminin ito. Asar.
"Aba, Ginoong Detektib, simpula na kayo ng kamatis na hinog," ang naging obserbasyon ni Leni.
"Oo nga, e. Medyo alam ko, dahil pakiramdam ko ay nasusunog ang mukha at tenga ko. Partida na ito, dahil hindi pa ako tumikim ng wasabi o kaya ng sake."
Tuloy ang masayang pag-uusap sa hapag. Ganito pala ang makasabay kumain ang isang silid ng mga babae. Ikaw at ikaw din lang ang umiikot sa mga pag-uusap. Ni hindi ako makasingit ng mga tanong ko. May naramdaman akong nakatingin sa akin ng matiim, at ng tumingala ako, nahuli kong nakangisi sa akin si Rachette. Tila bang sinasabing, palpak ka ngayon, detektib.

Matapos ang kainan, diretso kaming lahat sa mga higaan namin. Naabutan ko pang sinasaway ni Grand Mere sina Mer at Ci na iwan na lamang doon ang mga kinainan dahil mga bisita rin sila, at siya nga pala, naghapunan na ba sila? Tumuloy na ako sa aking silid at humiga.
Ayaw na naman akong antukin. Ewan ko, pero parang may kung ano sa hangin at hindi pa ako pagod. Marahil, ito ay ang 'airship lag'. Aahhh, hindi ako makatulog. Mabuti pa, ituloy ko ang plano kong paggala sa lugar na ito. Tama.
Umalis ako ng higaan at binuksan ko ang pinto. Walang tao, mabuti. Pinuntahan ko ang mga silid na may harang ang mga bintana. Lumingon muli ako, at nang sigurado na akong walang ibang tao ay sinimulan kong silindrohin ang pinto.
"Anong ginagawa mo, detektib Torero?"
Muntik na akong mamatay mula sa takot at gulat. Mukhang may nakahuli sa akin, a. "Aba, Leni, gabi na. Bakit hindi ka pa tulog?"
"Puede ko ring itanong sa iyo ang bagay na iyan."
"Ah, pero may dahilan ako. Hindi pa ako sanay sa mga oras dito sa Japan, at isa pa, hindi ako makatulog nang puno ang tiyan at hindi pa natutunawan. E ikaw, ano ang palusot mo."
"Hindi ako magpapalusot. Napagpasyahan namin na matyagan at bantayan ka, Pol Torero."
"Isang karangalan na bantayan ako ng Teigeki. Ano ba ang kinakatakutan ninyong malaman ko, ha? Anong kababalaghan, anong hiwaga ang di ninyo nais na mabatid ko, o ninoman?"
Hindi sumagot si Leni. "Narito ako hindi upang manggulo, Leni. Maniwala ka sana."
"Bakit ka nandito, kung gayon? Ano ang pakay mo?"
"Bakit hindi tayo magpalitan ng sagot? Kung papayag ka, sasagutin ko ang una mong dalawang tanong. Pero matapos yon, ako naman ang magtatanong, at dapat kang sumagot ng katotohanan lamang."
"Paano tayo makakasigurong puro katotohanan lamang ang sasabihin nating dalawa?"
"Madali lang iyan. Iris? Naririnig mo ba ako? Lumabas ka na, kailangan namin ang tulong mo."
Gulat na humakbang palayo sa mga anino ang batang Pranses. "Paano mo nalamang nandito ako?"
"Sabihin na lamang natin na mataas ang pakiramdam ko, at alam kong hindi kayo mapaghiwalay na dalawa. Kung nasaan ang isa, hindi nalalayo ang isa pa. Huwag niyo nang alamin kung paano ko nalaman ang bagay na iyan. O, paano, Iris, matutulungan mo ba kami na hindi magawa ang kasalanan ng pagsisinungaling?" Alam kong maduming pakikipaglaban ang ginagawa ko, pero kapag kaharap mo ay mga bata, mga matatalinong bata, kailangan mo ng lahat ng armas at galing mo.
"Sige na nga," halatang hindi gusto ni Iris ang mga pangyayari.
"Ano, Leni, payag ka na sa kasunduan na sinabi ko? Walang kasinungalingan, walang hindi pagsagot kung alam mo ang totoo."
"Sandali, wala kang sinabin ganyan kanina!" tutol ni Leni.
"Ang hindi pagsasalita kung may alam ay isang uri din ng pagsisinungaling. Hindi man ito lantaran, ito'y pagsisinungaling pa rin at dahil doo'y isang kasalanan din."
"Hindi ka sing-simple gaya ng akala ko kanina, Ginoong Detektib. Pumapayag na ako sa kasunduan."
"Salamat sa papuring kaliwete, Leni. Gaya ng napagkasunduan, narito ako upang mag-imbestiga, upang malaman ang katotohanan. Ako naman. Bakit hinarangan ang mga bintana? Nabasag ba ang mga ito?"
"Oo. Ano ang iyong sinisiyasat? At bakit dito sa Imperial Theater?"
"Marahil isa itong kaso ng maling pagkakakilanlan. Ang suspek ay isa sa mga kakilala ninyong dalawa ni Iris. Dalawang tanong naman ako. Kailan nabasag ang mga bintana at bakit?"
"Mga dalawang araw bago kayo dumating. Ang sabi ni Binibining Rachette ay isang palpak na pagnanakaw ang naganap."
"Iris?"
"Ganoon nga ang paliwanag ni Binibining Rachette," sabi ni Iris.
"Ako naman. Sino ang taong pinaghihinalaan mo? At bakit nandito ang PariKagekidan?"
"Isang sagot para sa dalawa: Si Ichiro Ogami ay pinaghihinalaang ama ng mga sanggol na dinadala ng tatlong kasapi."
Napasinghap si Iris. "Iris, may nalalaman ka?"
"Kaya pala," bulong nito.
"Kaya pala ano?" tanong ni Leni.
"Kaya pala iba ang pakiramdam ko kina Sakura, Sumire, Kohran, at Orihime," patuloy na bulong ni Iris.
"Ang ibig mong sabihin-" Marami pa sanang sasabihin si Leni, pero nakarinig kami ng mga yabag. Dali-dali ko silang hinila at ikinubli kasama ang aking sarili. Ilang sandali lang ay nakita namin ang kislap ng buhok na itim at kulay rosas na kimono sa tulong ng buwan.
"Si Sakura iyon, hindi ba? Anong-" Pinutol ng paswit ni Leni ang aking bulong. "May paparating pa. Hindi mo ba naririnig?" ang saway sa akin ng bata. Tumahimik n alang muli ako. Maya-maya, may isa pang lumampas sa aming pinagtataguan.
"Si Sumire," anas ni Iris.
Ngayon, ito talaga ang nakapagtataka. Tiningnan ko ang aking dalawang kasama. "Susundan ko sila. Bahala na kayo sa gagawin ninyo. Diyan na kayo" at iniwan ko na ang dalawa. Hindi ko na nilingon kung bumubuntot sila sa akin. Hindi ko na rin hinintay na tapusin ni Iris ang kanyang paliwanag. Ano ang meron ang apat na iyon na naramdaman ni Iris? Hindi ako sigurado, pero may malaki akong hinalang nagaya din sila sa tatlong marya ng Paris.
Medyo matagal ko nang hindi ginagawa ito. Huminga ako ng malalim , pumikit, at tumakbo papunta sa dingding. Tatlo, dalawa, isa, talon! Naramdaman ko ang pagtama, at pagdikit ng mga paa ko sa pader. Ayos! Basta huwag lang akong mahihilo na gumapang nang nakatagilid. Pakiramdam ko ay isa akong mausisang gagamba. Pero hindi bale, basta masundan ko sila at malaman kung bakit inatake rin sila ng insomnia. Medyo nahirapan ako sa pinto, at nang makalabas ako ay walang ibang mapagtaguan kundi ang isang malapad na poste. Medyo may kalayuan kung saan nakaupo sa hardin si Sakura, pero puede na, kaysa wala. Sa tingin ko, natutulog siyang nakaupo o di kaya'y nagme-meditate. Si Sumire, hindi ko makita. Medyo kinabahan ako. Sa mga sandaling ito kaya ay nakamasid siya sa akin, nag-aabang lang ng tiempo para sibatin ako? Kasi, napansin kong dala ni Sakura ang espada niya. Hindi ko napansin kanina kung may dala si Sumire o wala, dahil takot akong makita o mahalata. At isa pa, saan niya maitatago ang ganoong kalaking sandata?
Hinga, pikit, hinga, dilat. Kalmado dapat. Gaya nang minamatyagan kong Haponesa. Sana huwag akong masibat, sana huwag, huwag po. Lumipas ang limang minuto. Mukha ngang hindi ako masisibat, pero hindi ako nag-relaks. Biglang dumilat si Sakura. Tumayo ito sabay bunot ng espada. Hinarap niya ang mga halaman malapit sa kanya at nagwika: "Sino'ng nandiyan? Magpakita ka!" May iba pang tao doon? tanong ko sa sarili. Laking gulat ko nang may gumalaw na mga halaman at lumitaw si Sumire. Naglabas ng hininga si Sakura, at sinabayan ko rin. Ayos. Makakakuha na rin ng impormasyon. Isinantabi ko muna ang pakiramdam na pagiging bosero at manyakis at sinimulang makinig.
"Bakit hindi ka pa tulog, Sakura?"
"Dahil ayaw akong dalawin ng antok. Ikaw din ba, Sumire?"
"Ha? Hinde. May hinihintay akong dumating."
"Talaga, Sumire? Isa bang tagahangang guwapo at makisig?"
"A, basta. Puede ba, Sakura, kung mag-eensayo ka ng dis-oras ng gabi, sa ibang lugar na lang, ha? Dito ko kasi siya aabangan, e."
"Ang totoo, may hinihintay din ako. Ang lalaking bumihag sa aking puso, at..." Sa isang mahinang bulong, na hindi ko alam kung paano ko narinig, "Katawan..."
"Naku, Sakura, minsan talaga... Hindi ka dapat magsasabi ng mg abagay na iyan. Kahit na walang ibang tao."
"Bakit, Sumire? Wala ngang ibang makakarinig, at isa pa, katotohanan ang mga sinasabi ko, bakit magiging masama?"
"Babaan mo ang boses mo, at baka may magising o makarinig. Pag nagkataon, purnada ang paghihintay ko."
"Pasensya ka na."
Katahimikan. Na unang binasag ni Sakura.
"Ichiro, mahal ko, nasaan ka na?"
Naramdaman kong tila naging hielo ang hangin. Tila sinlamig ng boses ni Sumire. "Ulitin mo nga ang sinabi mo, Sakura."
"Ha? Wala, Sumire."
"Huwag kang magsinungaling, Sakura, galit ako sa mga sinungaling. Si Ogami ang tinutukoy mo hindi ba?"
"Ah, ano, kasi, ganito iyon-"
Sa lakas ng sampal na nagmula kay Sumire, nagulat ako at hindi nagising ang buong kabahayan. Maging si Sakura ay nagulat sa nagawa ng kaibigan.
"Sumire..."
"Ahas ka, Sakura, wala kang silbi! Paano mo nagawang samahan sa kama si Ogami? Traydor ka!"
"Sumire, anong ibig mong sabihin?" Lumuluha na si Sakura, gaya ng kausap niya. "Kayong dalawa din ba ni Ichiro ay, ay..." Natigilan siya nang walang anu-ano'y lumitaw ang naginata ni Sumire, at pumorma ito para sa pakikipaglaban. Masama ito. Kailangang mapigilan ang mga di-kailangang mga kamatayan. Parang puno ng buko ang binababaan ko, kung papansinin ang aking porma sa pagbaba.
"Kuya Pol."
"Iris?" Lumingon ako sa baba. "Anong ginagawa ninyo ni Leni dito?"
Sa di kalayuan, nag-iikutan na ang dalawang magkatunggali. "Sabihin mo nga sa akin, Sakura, kung kailan mo naisip na gamitin ang katawan mo para nakawin sa akin si Ogami?"
"Wala akong alam na ganyang sinasabi mo! Sinabi ni Ichiro na ako talaga ang gusto niya! Sinabi rin niyang maganda ka nga, gaya ng isang lilok sa bato o hielo, at sinlamig din!"
"Kasinungalingan! Ako ang nilapitan niya dahil nakita niya ang apoy sa likod ng aking maskara ng sopistikasyon, at nais niyang maramdaman ang init nito! Kaya hindi ako maniniwalang pinatulan ka niya!"
"Etong sa'yo! Iyaaaahhh!"
"Hinde, Sakura, eto ang bagay sa iyo!"
Walang sandaling dapat maubos. Tumalon ako pababa sa poste, at habang nasa ere ay binato ko ang dalawang shuriken na dala ko. Nais kong galusan lamang ang mga braso o balikat nila para mabitawan ang mga armas nila, pero laking gulat ko nang balutin ng dilaw na liwanag ang mga munting bakal na bituin. Paglapag ko ay nilingon ko si Iris. Nakapalabas ang kanyang mga braso at kamay, na tilang may inihagis rin. Humarap ako, at nakitang tapos na ang laban. Mabuti at wala naman akong makitang sugat sa kanilang dalawa. Ang isang shuriken ay nakabaon sa haba ng kahoy ng armas ni Sumire. Ang isa naman ay nasa damuhan sa may gilid ni Sakura, tanda na nasalag ito. Kuminang ang mga munting implemento ng kamatayan sa liwanag ng kalahating buwan, at naaninag ko ang gulat, galit, at may isang hindi ko makilalang emosyon sa mukha ng dalawang dalaga. Ng dalawa pang lumilitaw na biktima ni Ichiro Ogami.
"Hindi ako magsasabi kanino man ng mga nakita ko sa gabing ito, at ng mga narinig ko. Iyon ay kung sasama kayo sa akin ng tahimik, dahil kung tama ang isang impormante ko, posibleng nanganganib ngayon ang dalawa niyo pang kasamahan."
Tahimik kaming pumasok sa loob ng bahay. Nagtanong si Sakura. "Ilan... ano ang narinig mo?"
"Hindi na muna mahalaga iyan sa ngayon. Ang dapat nating malaman ngayon ay kung ano ang kalagayan nina Kohran at Orihime."
"Magpaliwanag ka, Torero."
Tumingin ako pataas sa ikalawang palapag. "At magandang, um, umaga, Maria. Gusto mo bang sumama ni Kanna upang alamin kung inaatake ng isang mapanganib na tao sina Kohran at Orihime? Ang totoo ay hindi ko alam kung nasaan ang mga silid-tulugan nila, at mapapadali ang-"
Hindi ko na natapos ang sinasabi ko. Una, nagsasalita ako, tapos ay nabulag ako ng isang dilaw na liwanag. Nang nakakakita na ako muli, nasa ibang bahagi na kami ng bahay, at may mga ungol at daing na akong naririnig. Dumukot ako sa bulsa ko, at napansin kong nakaasta na ang mga kasama kong Teigeki. Nagulat na naman ako, ngayon ay dahil sa may hawak na ring mahabang armas si Leni. Para itong sibat na kabilaan ang tulis. Nahihiya tuloy akong ilabas ang kamay ko, na ang nahagilap lamang ay ilang barya at mga bolang pang-tai chi. "Nasaan na tayo, Iris?"
"Gusto mong malaman kung nasaan ang- may kalaban!"
"Saan?" tanong ni Kanna. "Nasa loob ba ng mga silid?"
"Oo. Huli na tayo" hikbi ni Iris. "Patawad."
"Hindi, Iris, hindi pa huli ang lahat," pag-alo ni Maria. Tumingala siya at tumingin sa akin. "Ano, bubunot ka ba ng sandata?"
"Sige. Ituon ang pag-iisip sa lokasyon ng kalaban, tapos, isipin ang pagpapatama dito. Kung kaya, sikapin din na hindi tatamaan ang dalawa. Pagtira natin, dapat kasunod noon ay nasa loob na ng silid ang mga makikipaglapitan. Isa, dalawa, ngayon na!"
Nagpaputok si Maria, at ibinato ko ang isang bola. Kapwa bumutas ng pader ang aming mga bala, at narinig naming bumaon ito sa laman at buto. Kasabay ng mga pagsinghap na mula sa mga babae sa loob ay ang pagkawasak ng mga pinto sa mga silid.
"Ichiro!" gulat na bulalas ni Sakura.
"Ogami! Anong-!" mula naman kay Maria.
"Hinde!" maktol ni Sumire.
"Hindi nga! Hindi si Ogami ang mga nakakubabaw na iyan!" sigaw ko.
"Mga Ogami?!" tanong ni Kanna.
"Hindi ko alam kung ano ang mga iyan, pero alam kong masasaktan sila nito!" Isa pang bola ang inihagis ko, na bumuhat sa, sa, maligno. Oo, maligno na mukhang tao, pero sa aking paningin ay hindi maikubli ang maliit na sungay at matatalim na mata. Wasak ang bintana dahil sa bigat nito nang ihampas ng munting bakal na bola ang dala nito. "Makinig kayo, hindi ang minamahal ninyong Ogami ang nakikita ninyo, ito ay isang halimaw!"
"Tignan ninyo!" sigaw ni Maria. "Tinubuan ng pakpak si Ogami! Tama si Torero, halimaw nga iyan!" Sunud-sunod na putok ang pinawalan niya, sunud-sunod din na ungol din ng halimaw.
"Tumatakas ang isang ito!" sigaw ni Leni.
"Akong bahala diyan! Humanda ka, demonyo!"
"Kanna, huwag, nasa ikalawang palapag tayo!" pigil ni Iris.
"Kaya ko ito, Iris. Hiiiiiiyaaaaaahhhh!!!!"
"Niloko mo kami! Hindi ikaw si Ichiro! Aaaahhhh!!"
"Magbabayad ka, halimaw ka! Pinaglaruan mo lang ako! Walang makakagawa niyan kay Sumire Kanzaki!"
Demonyo. Maligno. Paalam, teorya ng selektibong pagpaparami. Paalam, makabagong teknolohiyang kahindik-hindik. Hindi ko marinig ang mga sinasabi sa akin ng mga kasama ko. Marahil, mga tanong. Nakita ko si Rachette, na may dalang, ah, ilan, hindi ko mabilang na mga kutsilyo. Umiikot ang mga anino, at nalulusaw ang mga buto ko. Nangyayari na naman sa isang misyon ang bagay na ito. Punyeta.
"Mga kasama, si Torero, bumagsak!"
"Pol? Kuya Pol?"
Ang mga anino ay hindi malamig, pero hindi rin mainit. Ganoon lamang sila, mga simpleng anino. Mga aninong umiikot, sumasayaw.