Disclaimer: Ang storyang ito ay hango sa kathang-isip at gumagamit ng mag elementong hindi pagmamayari ng patnugot. Ang mga elementong ito ay pagmamayari ng kung sino mang ang nagmamayari sa kanila. Ang kahit anong pagkakahawig sa tao, pook, pangyayari, o kwento ng ibang patnugot, buhay man o patay na, ay nagkataon lamang.


Nakatayo sina Nara Shikamaru, Akimichi Chouji, Inuzuka Kiba, Hyuuga Neji, at Rock Lee sa harap ng mesa ni Tsunade. Tahimik at malungkot ang mga okupante ng kwarto. Isang oras na ang nakalipas mula ng makabalik sila sa Konoha kasama ang traydor na si Uchiha Sasuke…

…at ang malamig na bangkay ni Uzumaki Naruto.

"Ano ang nangyari, Shikamaru?" Tanong ng Hokage.

"Hindi po namin alam ang buong pangyayari." Sagot ng chuunin. "Huli na ng dumating kami. Wala na si Orochimaru at nagiisa na lamang si Sasuke. Si Naruto naman po'y…"

"Salamat, Shikamaru. Makakalis na kayo."

Napaatras ng bahagya ang binata. Damang-dama ang galit at lungkot ng babae sa kanyang pananalita. Hindi na naghintay ng isa pang utos ang mga chuunin. Agad nilang nilisan ang opisina.

"Iwanan ninyo muna ako." Sinabi ni Tsunade sa kanya mga alalay.

Agad din siya sinunod ng mga ito. Naiwan ang ikalimang Hokage sa isang tahimik at madilim na kwarto. Makatapos ng ilang minuto, ginawa niya ang gagawin ng kungsinumang nawalan ng isang minamahal sa buhay…

…umiyak ng umiyak si Tsunade nung buong gabing iyon.


Nagsasaya ang buong bayan ng Konoha ng gabing iyon. Hindi sila nagsasaya dahil sa isang tagumpay o sa iba pang rason ng pagsasaya. Nagsasaya sila sa pagkasawi sa isa sa kanilang mga ninja.

Nagsasaya sila sa pakamatay ng isang bayani.

Sa buong bayan, kaunting lugar lamang ang makikitang mayroong nagluluksa. Sa maliit na kainan ng Icharaku, tatlong tao ang makikitang nalulungkot sa pagkasawi.

"Natatandaan ko pa noon. Parati ko siyang nililibre dito ng ramen pakatapos ng bawat parusa ko sa kanya." Malungkot na wika ni Iruka.

"Siya ang pinakatapat kong suki. Magbabago na ang lahat ngayon na wala na siya." Sabi ni Teuchi, ang nagmamayari ng kainan.

Nanatiling tahimik sa Ayame. Hindi pa siya nagsasalita mula ng malaman na namatay na pala ang paborito nilang kostomer.

"Nandito ka lang pala, sir Iruka."

Naupo si Hatake Kakashi sa tabi ng Chuunin at umorder ng makakain. Nanaig ang katahimikan ng ilang sandali.

"Bakit magisa lamang siya." Sabi ng guro. "Bakit hinayaan na siya lamang ang pumunta kay Sasuke kahit na alam naman natin na mapanganib iyon."

"Hindi siya hinayaang pumunta ng magisa." Sagot ng jounin. "Umalis na siya bago pa man makabuo ng isang maayos na team. Alam naman natin si Naruto. Pagdating sa napakaraming bagay padalos-dalos siya."

Nang sandaling iyon ay dumaan ang isang grupo ng mga lasinggero.

"Hoy, kayo diyan! Sumama kayo sa amin. Uminom tayo't magsaya dahil patay na ang demonyog halimaw."

Mabilis na bumunot ng kunai si Iruka para tapusin ang nagsalita ngunit pinigilan siay ni Kakashi.

"Huwag! Madidisgrasya ka lang sa gagawin mo."

Sinubukang makawala ni Iruka ngunit masyadong matigas ang hawak sa kanya ni Kakashi. Makalipas ng ilang sandali ay umalis na ang mga lasinggero. Binitawan ng jounin ang kamay ng chunnin.

"Bakit mo ako pinigilan? Hindi ko maaaring hayaang may yumurak sa ala-ala ni Naruto."

"Kung ginawa mo iyon maaring magkaroon ng away. Isa pa ay kung narinig ng Hokage na sinaktan mo ang isang sibilyan, siguradong parusa ang aabutin mo."

Nanatiling tahimik si Iruka. Ibinalik niya ang kunai sa lalagyan nito at inilagay ang kanyang ulo sa kanyang mga kamay.

"Bumagasak sa labanan ang isa sa iyong mga istudyante," tuloy ni Kakashi, "Alam ko ang narara…"

"Hindi mo alam ang nararamdaman ko!" Sigaw ni Iruka, "Kailanman ay hindi mo itinuring na tunay na istdyante mo sina Naruto. Itinuring kong anak ang batang iyon. Ang turing mo lamang sa kanila ay mga sundalo. Ikaw na mismo ang nagsabi sa akin nyan noon."

Nanahimik ang munting kainan. Nanginginig sa galit si Iruka habang si Kakashi naman ay mukhang dedma parin.

"Maaring tama ka." Wika ni Kakashi, sabay tanggal ang tingin sa chuunin.

"Mga sundalo nga ang trato ko sa kanila. Mula pa ng simula ay hindi ko sineryoso ng lubusan ang pagtuturo ko sa kanila. Madalang si Sasuke lamang ang aking pinagtutuunan ng pansin, na parang wala sina Naruto at Sakura. Nakamlimutan kong hindi ako ang guro ni Uchiha Sasuke, sa halip ay guro ng Team 7.

Itinuro sa akin noon ng aking ama at ng ika-apat na maging patas sa lahat ng bagay. Ngayon ay alam kong binigo ko sila. Binigayn ko ng kahihiyan ang aking ama, guro, at higit sa lahat ang aking sarili sa pagkakaroon ko ng paborito. Napakalaki ng pagkukulang ko kay Naruto.

Pero ikaw, sir Iruka. Naging patas ka na guro noong mag-aaral mo pa si Naruto. Kumpara sa akin, masmarami siyang natutunan mula sa iyo. Parang ama ang turing niya sa iyo. Sa rasong ito hindi ko maaaring madisgrasya ang isa sa mga mahahalagang tao ni Naruto.

Ito nalamang ang magagawa ko para sa kanya."

Sa puntong ito wala nang ginawa si Iruka. Nagsimula nalamang siyang umiyak sa kinauupuan niya.


Nang sumunod araw…

Sa isa sa mga training areas ng Konoha, tatalong ninja ang naghihintay sa kanilang guro. Si Lee ay matyagang sinisipa't sinusuntok ang isa sa mga trosong nakabaon sa lupa. Si Tenten ay nakaupo sa lilim ng isang puno at pinapakintab ang kanyang mga sandata. Si Neji naman ay nakasandal sa di kalayuan at nagmumukmok.

Ordinaryong gawain na ito para sa Team Taijutsu, maliban sa ilang bagay…

…tahimik si Lee…

…may luha ang mga mata ni Tenten…

…at bakas ang lungkot sa mga mulat na mata ni Neji.

Kasabay ng isang malakas na sigaw, biniyak ni Lee ang kanyang torso sa dalawang piraso. Halatang-halata ang pagkainis at galit ng binata.

"Hindi dapat ito nangyari!" sabi ng binata.

"Wala na tayong magagawa. Nangyari na ang nangyari. Kahit anong pagsisisigaw ang gawin mo dyan ay hindi na babalik si Naruto." Tugon ni Neji.

"Hindi rin ako makapaniwala." Wika ni Tenten. "Namatay si Naruto, at sa mga kamay pa ni Sasuke. Hindi ko lang talaga matanggap na umabot ang lahat sa puntong iyon."

"Kahit anong paniniwala natin, ito parin ang katotohanan. Pinatay ni Uchiha Sasuke si Uzumaki Naruto. Wala nang makakapagbago nun."

"Sinasabi mo bang tadhana na nila ang nangyari?" sigaw ni Lee.

"Wala akong sinasabing ganyan, Lee." Sagot ng binatang Hyuuga.

"Sinungaling! Pinapalabas mong tadhana nila ang labanan ang isa't isa kahit na magkaibigan sila, at ang mamatay ang isa sa kamay ng kabila. Huwag mong ipagkaila, Neji."

Nanlisik ang mag mata ng Hyuuga. "Hinahamon mo ba ako, Lee. Kung ganoon ay pagbibigyan kita."

Ngumiti si Lee. "Walang problema. Ipapaalala ko sayo ang mga leksyong dapat natutunan mo kay Naruto."

Agad tumayo si Tenten. "Magsitigil nga kayong dalawa. Teammates kayo. Hindi dapat kayo nagaaway. Neji, pakiusap tumugil ka. Kakagaling mo lamang sa sakit. Hindi ka na nga dapat sumama sa kanila."

Hindi siya pinansin ng dalawang binata. Sa isang kisapmata'y sinugod nila ang isa't isa.

"Ano sa tingin n'yo ang ginagawa n'yo?"

Agad tumigil ang dalawa. Lumingon ang tatlong chuunin at nakita ang kanilang guro na si Maito Gai.

"Magkakasakitan lang kayo sa pinaggagagawa ninyo." Sigaw ng jounin.

"Pero sir Gai…"

"Manahimik ka Lee!"

Nanahimik si Lee. Nagbuntong hininga ang jounin at nagpatuloy.

"Alam kong naiinis kayo at wala kayong nagawa para tulungan ang inyong kaibigan. Ang pagkamatay ng isa sa mga apoy nga kabataan ay isang trahedya, lalo na kung kaibigan ito.

Pero kahit anong gawin natin ay hindi na natin maibabalik ang nakaraan. Ang apoy na namatay ay hindi na maibabalik pa. Ang magagawa nalamang natin ay alalahanin at wag kalimutan ang init at liwanag na ibinigay nito sa atin.

"Lee, Neji, si Naruto ay inyong kaibigan. Sa tingin n'yo ba ay masisiyahan siya kung makikita niyang nagaaway kayo nang dahil sa kanya?"

Nanatiling tahimik ang mga binata.

"Wala kayong misyon ngayon, at sa ipinakita ninyo hindi rin kayong makakapagensayo ng maayos. Makabubuti kung umuwi muna tayo para magpalamig ng ulo. Magkita nalamang tayo sa loob ng tatlong araw."

"Sir Gai, ano po ang gagawin naming sa loob ng tatlong araw?" tanong ni Tenten.

Nilingon siya ni Gai. "Sa loob nang tatlong araw, ililibing na si Naruto."


Nakahiga sa isang burol si Shikamaru at nanood ng mga ulap. Noon, gustong gusto niyang gawin ito. Kung pinagmamasadan niya ang mga ulap ay nakakalimutan niya ang kanyang mga problema. Ngunit sa pagkakataong ito, lalo lamang niyang natatandaan ang mga ito.

'Nabigo ako.' Sabi ng chuunin sa sarili.

'Hindi ko nagawang iligtas si Naruto mula sa kapahamakan. Umalis pa kasi yun loko-lokong iyon. Sinabi na nga nang Hokage na huwag niyang hanapin si Sasuke ng nagiisa.'

Isang ulap na hugis baboy ang nakita niya.

'Kung nagkataon kaya, maipagtatanggol ko ba siya? Maliligtas ko kaya siya mula sa mga kalaban. Maproprotektahan ko ba kaya si…'

"Shikamaru!"

'Hay naku po.'

Tinalikuran ni Shikamaru ang binanggagaligan ng boses, si Yamanaka Ino.

"Nandito ka lang pala, Shikamaru."

"Pwede ba, Ino. Wala akong panahon para sa maingay mong bunganga ngayon."

Napatigil sandali ang dalaga. "Ang sungit mo naman ngayon. Nangangamusta lang naman, e."

Nanatiling tahimik ang binata.

"Shikamaru, ayos ka lang ba?"

"Ano sa tingin mo, Ino?"

Naupo ang dalaga sa tabi ng kanyang kasamahan.

"Hindi mo iyon kasalanan. Hindi lahat ng pagkakataon ay nagtatanggumpay ang isang ninja."

"Hindi mo naiintindihan."

Umupo si Shikamaru. Nakatalikod parin siya kay Ino.

"Ang misyon ko ay iligtas ang isang kaibigan mula sa tiyak na kapahamakan. Hindi ito kung sino-sinong tao. Isang kaibigan ang pinaguusapan natin. At nabigo ako.

Hindi namin kinayang iligtas si Naruto sa tamang oras. Hindi namin nagawang pigilin ang kanyang pagkamatay. Inaasahan niyang may darating na tulong, ngunit hindi kami nakarating agad.

Bilang pinuno nasa akin ang responsibilidad na siguraduhin ang tagumpay ng misyon. Ngunit sa halip ay binigo ko ang Hokage, ang ating mga kaibigan, at higit sa lahat si Naruto.

Hindi ko siyang nagawang iligtas. Paano pa ang mga taong masmahalaga sa akin? Paano pa kung sila ang binigo ko…"

Nilingon ng binata ang dalaga. Kitang-kita ni Ino ang mga luha sa mata ni Shikamaru.

"…Paano pa kung ikaw ang binigo ko?"

Hindi makapagsalita si Ino. Wala siyang masabi upang mapagaan ang loob ni Shikamaru. Ang tanging nagawa niya ay yakapin siya at samahan siya sa kanyang pagluluksa.

Sa paanan ng burol, pinapanood ni Chouji at ng kanilang gurong si Sarutobi Asuma ang mga pangyayari.

"Ngayon ko lamang nakitang ganyan si Shikamaru."

"Pinagdaraanan ngayon ni Shikamaru ang pinakamasakit na bagay na madarama ng isang ninja." Sabi ng jounin.

"Ano po yun, sir Asuma?"

"Para sa isang ninja, ang tagumpay sa misyon ang pinakamahalaga. Meyroon ding itinuturing ang kaligtasan ng kanyang mga kasamahan ang kanilang pangunahing prayoridad.

Nabigo si Shikamaru na pigilan ang pagkamatay ni Naruto. At dahil namatay si Naruto, nabigo ang misyon. Dahil dito nadarama niya ngayon ang sakit ng mabigo sa isang misyon, at ang masmalaking sakit ng di pagsagib sa kanyang kaibigan."

Humitit muna si Asuma ng sigarilyo.

"Ang masmalala pa, hinahayaan niyang maapektohan ito ang kanyang sarili. Iniisip niya ngayon na hindi na niya makakayang maipagtangol ang mga taong mahalaga sa kanya. Nasira na ang kanyang tiwala sa sarili. Natatakot ngayon siyang mabigo muli dahil alam niyang sa susunod ay maaring si Ino na ang mawala sa kanya.

Kailangan niyang malampasan ito. Kung hindi, lalo lamang magkakatotoo ang ayaw niyang mangyari."

Nagsimulang maglakad ang jounin.

"Chouji, ikaw na ang bahalang magsabi sa kanila kung kailan ang libing."

Nilingon ng matabang ninja ang kanyang mga kasamahan.

"Kailan pa nagkaroon ng gusto si Shikamaru kay Ino?"


Isang matandang lalake ang naglalakad ng matulin sa loob ng tore ng Hokage. Ang mahaba't puting buhok niya'y nakatali sa isang ponytail at isang malaking kalatas ang nakasabit sa kanynang likod. Nagmamadali siya ngayon papunta sa opisina ng Hokage.

Paglapit niya sa pinto ng nasabing opisina sinalubong siyang ng isang babaeng may yakap na biik.

"Mabuti naman po at nakarating ka agad, Jiraiya."

"Walang problema. Ano ba ang nangyayari, Shizune?"

"Halos buong araw na po siya nasaloob." Wika ng jounin habang nakatitig sa pinto. "Hindi pa siya lumalabas kahit man lang para kumain. Nagaalala na po ako."

"O sige. Ako na ang bahala."

Binuksan ni Jiraiya ang pintuan. Sa loob ng kwarto ay nakayuko si Tsunade sa likod ng kanyang mesa. Nakapalibot sa Hokage ang napakaraming bote ng samu't saring alak. Halata sa kanyang itsura ang pagkalasing.

"Oy, Tsunade!"

Lumingon sa kanya ang babae.

"Uy, Jiraiya, ikaw pala!"

Mula sa kinatatayuan niya, amoy na amoy ng matanda ang alak na nagmumula sa bibig ng babaeng nasa harapan niya.

"Kamusta ang pananaliksik?" Tanong ni Tsunade.

"Ayos lang." Tugon ni Jiraiya "Marami-rami narin ang aking nakuhang impormasyon."

"At ano naman ang kailangan mo sa akin? Baka naman gusto mo akong isama sa pananaliksik mo?" sabi nga babae sabay kindat at pakita ng kanyang dibdib sa lalaking kaharap niya. (AN: Lasing siya, e.)

"A…e…baka sa susunod na araw nalamang." Sabi ng isang namumulang Ero-sannin.

"Bahala ka. Halika, uminom ka nalang kasama ko."

Naging seryoso ang mukha ni Jiraiya.

"Tsunade, sa tingin ko'y tama na ang alak para sa isang araw."

"Ano ba yang sinasabi mo, Jiraiya? Okay pa ako para sa isang round."

"Tsunade, buong araw na 'yan. Wala ka bang planong magtrabaho?"

"Bah! Ako ang Hokage. Magagawa ko ang ano mang naisin ko."

"Hindi ganyan umasal ang isang Hokage." Halos pasigaw na sabi ni Jiraiya.

Nanahimik ang kwarto. Matapos ang ilang sandali ay biglang narining ang tawa ni Tsunade.

"Hahahaha. Alam mo kung paano umasal ang isang Hokage? Hahaha. Kung makaasta ka parang alam mo kung paano maging Hokage, ah. Hahahahahaha. Kung ganoon…

…BAKIT DI MO TINANGGAP ANG POSISYON?"

Hinampas ni Tsunade ang kanyang mesa na naging sanhi para ito'y mapulbos. Sinubukan niyang suntukin si Jiraiya ngunit dahil na rin sa kalasingan niya'y hindi niya ito matamaan. Makalipas ng ilan pang suntok ay nagawang mahawakan ng matandang mahilig ang mga braso ng Hokage. Nagsimulang magpumiglas ng babae.

"Walang hiya ka! Bitiwan mo ako, Jiraiya!"

"Tsunade, Tama na! Tigilan mo na ito."

"Manahimik ka! Kung magsalita ka parang alam mo ang hirap na dinadaanan ko. Ang hirap na ikaw ang dahilan."

"Lasing ka na. Hindi mo alam ang sinasabi mo."

"Alam ko sinasabi ko. Kung tinaggap mo lamang ang posisyon, hindi na sana ikaw pinadala upang kunin ako. Kung hindi ka pinadala, hindi na sana kita makikita noong araw na iyon. Kung hindi tayo nagkita noon, hindi ko na sana nakilala si…"

Sa sandaling ito ay tumigil sa paggalaw ang babae. Napaluhod nalang siya at nagsimulang umiyak.

"Bakit ganoon, Jiraiya? Lahat ng taong malapit sa akin ay namamatay dahil lamang nais nilang maging Hokage. Bakit? May sumpa ba ang posisyong ito? May sumpa ba ang kwintas ng Hokage na ibinibigay ko sa kanila? May sumpa ba ako't lahat ng mahal ko'y dapat mamatay?"

"Kalokahan na 'yang sinasabi mo. Wala kang sumpa." Sabi ng matandang lalake habang yinyakap ang Hokage. Inilagay lamang ni Tsunade ang kanyang ulo sa dibdib ni Jiraiya at pinagpatuloy ang kanyang pagiyak..

"Sige, ganyan lang. Ilabas mo lang ang lahat ng sakit ng loob mo, Tsunade."

Halos buong gabi sila ganito.


Araw ng libing ni Naruto…

Isang maliit na grupo ang nagtipon sa isang tagong lugar sa kagubatan. Pinili ito ni Tsunade sa tulong Iruka upang masigurado na walang maaring sumira sa huling hantungan ni Naruto kung nagkataon. Napili ito ng chuunin dahil ito ang lugar kung saang nagging ganap na ninja si Naruto.

Ang grupo ay kinabibilangan ng natira sa labingdalawa ng Konoha, pwera kay Sasuke. Naroon din ang kanilang Jounin professors, ilang ninja na nakilala at nakasama si Naruto, at ilan pang kaibigan at tagahanga. Naroon din, sa laking surpresa ng lahat, si Hyuuga Hiashi.

Halos lahat ng pansin ay nakatoon sa tagapagmana ng Hyuuga. Mula ng malaman na patay na ang kanyang minamahal, nagkulong si Hinata sa kanyang kwarto at doon nanatili sa loob ng tatlong araw. Malaki ang ipinagbago nga dalaga sa loob ng maikling panahon na iyon.

Halatang siya'y nangangayayat. Masmaputla narin siya kaysa sa dati. Namumula parin ng bahagya ang kanyang mga mata dahil narin sa walang humpay na pagiyak. Sa loob ay masmalala ang kondisyon ni Hinata. Wala na ang pinagmumulan ng kanyang lakas. Wala na ang kanyang liwanag at kaligayahan. Wala na ang kanyang rason para mabuhay.

Pinamunuan ni Tsunade ang seremonyas. Ilan sa mga naroon ay nagbitiw ng ilang salita tungkol kay Naruto at ang kanyang naging apekto sa kanilang buhay. Nang natapos magsalita si Lee, na nagbigay ng isang pagkahaba-habang pahayag tungkol sa apoy ng kabataan at kung panong naging isang napakalaking kawalan ang pagkasawi ng kaibigan, muling tumayo sa harapan ang Hokage.

"Mayroon pa pong isang nais magsalita. Nais ko sanang hilingin sa inyo dito na huwag gumawa ng kahit anong marahas."

Nagtaka ang mga tao sa sinabi ni Tsunade, hanggang narinig nila ang katapusan ng sinasabi niya.

"Maari ka nang lumapit, Uchiha Sasuke."

Nailingon ng ilang tao ang likuran. Naroon, pinapalibutan ng isang squad ng Anbu, ang traydor. Lahat ng matang nakatitig sa kanya ay puno ng galit. Maliban nalamang kay Sakura, na puno ng pagaalinlangan, kay Hiashi, na nakatingin sa kanyang panganay, at si Hinata, na nakayuko at nanginginig sa galit. Lumpit siya sa Hokage.

"Makabubuti kung bibilisan mo. Hindi ko masisiguro ang kaligtasan mo dito."

"Wala pong problema, master Hokage."

Lumapit sa kabaong ang binata.

"Kamusta na, kulugo."

Nagulat ang lahat sa kanilang narinig. Hinwaka ni Hiashi ang balikat ni Hinata, paramakalma siya at para panigurado kung sakali may gawin ang dalaga.

"Iiklian ko nalang ito. Alam naman natin na lahat ng tao dito ay gusto akong mamatay. Alam kong wala akong karapatan na magpakita dito, dahil narin sa ginawa ko. Meron lang sana akong nais sabihin sa iyo.

Malaki ang utang ko sa iyo. Naging kang isang mabuting kakampi at kaibigan. Hindi mo ito alam, ngunit ikaw na ang nagudyok sa akin na maging malakas bago pa man ako nalagyan ng sinumpang tatak. Ikaw ang nagging inspirasyon ko. Hindi lamang iyon, iniligtas mo ako sa kadiliman. Nangako kang ililigtas mo ako kahit na ikasawi mo pa ito, at ginawa mo nga. Maraming salamat sa iyo.

Alam kong huli na ito, ngunit…"

Naglagay ng isang higis bilog na bagay si Sasuke sa bukas na kabaong ni Naruto…

…ang crest ng angkan ng Uchiha.

"Mula ngayon kasapi ka na sa aking angkan. Maging masaya ka sana kung nasaan ka man…

…Uchiha Naruto, aking kapatid."

Nagulat ang lahat sa narinig nila. Ngunit masmalaki ang gulat nila ng may narinig silang sumigaw.

"PANGAHAS KA!"

Sa isang iglap nawala si Hinata sa tabi ng kanyang ama at nagpakita sa likod ni Sasuke. Bago pa man nakalingon ang binata ay nahanap niya ang kanyang sarili na lumilipad patungo sa isang puno. Tinamaan niya ito at halos mabiyak ito sa dalawa.

Tumingin ang lahat sa dalagang Hyuuga. Ngayon lamang nilang nakita ang dating mahinhing babae na ngayo'y nanginginig sa pagkamuhi. Ramdam na ramdam nila ang pagnanasa niyang kumitil. Kahit ang kanyang ama ay hindi makagalaw mula sa kanyang kinatatayuan

"Paano mo nagagawang tawaging kapatid si Naruto habang ikaw ang sanhi ng pagkasawi niya?

Walang hiya kang tao, Uchiha. Napakaraming taong humahanga sa iyo, pero isinangtabi mo sila. Mayroong babaeng iniibig ka ng buong puso't kaluluwa at kaylan man ay hindi nilisan ang tabi mo, ngunit binaliwala mo siya. Mayroong kang kaibigan at kasamahan na gagawin ang lahat para sa iyo, ngunit tinraydor mo siya."

Nagsimulang umagos ang luha sa mga mata ni Hinata.

"Nangako sa 'kin si Naruto. Nangako siyang pagbalik niya ay pakakasalan niya ako. Mabubuhay kaming masaya at magkasama. Ngunit ikaw, ninakaw mo sa akin ang aking kaligayahan. Dahil sa iyo'y wala na ang minamahal ko."

Hindi gumalaw si Sasuke sa kanyang lugar.

"Ano pa ang hinihintay mo? Patayin mo na ako. Ipaghiganti mo ang iyong kasintahan at ang aking kapatid."

Sa sinabi ng binata ay lalo lamang nagalit ang dalaga. Nagsimulang maglabas ng puting chakra ang dalaga. Bumalot ito sa kanya katulad ng chakra ng Kyuubi kapag ginagamit ito ni Naruto. Hindi mo kailangan ng Byakugan para malaman na, sa dami ng charka na gamit at sa tindi ng pagnanasang pumatay, magiging madali para kay Hinata na gawing sopas ang lamang loob ni Sasuke.

"MAMATAY KA, UCHIHA!"

Sinugod ni Hinata si Sasuke. Si Sakura lamang ang sumubok na patigilin siya, pero alam niyang huli na ang lahat.

"Sabaku Kyu!"

Sa isang kisapmata, nabalutan si Hinata ng buhangin at ngayo'y lumulutang sa hanging. Lumingon ang mga tao sa likod at nakita si Gaara, Kazekage ng bayan ng Suna. Sa likod niya nakatayo sina Temari at Kankurou. Sinasamahan nila ang kanilang kapatid para sa libing ng kanyang kaibigan.

"Binibini, huminahon ka muna."

Hindi tumugil sa pagpupumiglas ang dalaga.

"Sabaku no Gaara, pakawalan mo ako ngayon din!"

"Binibini, hindi mo maibabalik ang iyong kasintahan sa gagawin mong iyan."

"Wala kang, pakialam. Papatayin ko siya."

"Hyuuga Hinata, gusto mo ba talagang mabaliwala ang pagkamatay ni Naruto."

Marahil dahil sa paraan nang pagsabi nang Kazekage, o maari rin dahil sa narinig niya ang pangalan ng kanayng nasirang kasintahan. Kung ano pa man ang rason, tumigil sa pagpupumiglas si Hinata. Wala na siyang nagawa kungdi ang umiyak.

Agad pinkawalan ni Gaara ang dalaga. Pinuntahan naman ito ng kanyang pamilya.

"Ginoon Hyuuga, makabubuti kung iuuwi na ninyo ang inyong anak. Hindi tama ang lugar na ito para sa kanya ngayon."

"Salamat, Kazekage."

Sabay nilisan ng mga Hyuuga ang lugar na iyon.

Nilapitan ni Gaara si Sasuke.

"Buhay ka pa ba?"

"Oo." Ang tanging tugon ng binata.

"Magaling."

Walang oras para magulat si Sasuke. Agad siyang binalutan ni isang kamay na yari sa buhangin at hinampas si isa pang puno.

"Gaara, anong gi…"

Natigilan si Temari ng mapansin niya ang buhangin. Nakita na niya dati ang kamay na buhangin na ito.

"Shukaku."

Nilingon ni Gaara si Temari

"Huwag kang magalala. Nandito parin ang iyong kapatid. Nais ko lamag payuhan ang binatang ito."

Tinignan muli niya si Sasuke.

"Bata, makabubuti sa iyo kung hindi ka na magpapakita sa mga taong ito. Para sabihin sayo ang totoo, nais ngayon ng aking lalagayan at pati narin ako na patayin ka. Subalit magpipigil kami, para narin sa batang nilagay mo sa kabaong iyon."

Binitawan siya ng buhangin at muling nanumbalik si Gaara sa kanyang katawan. Tinalikuran niya si Sasuke at pumunta sa kabaong ni Naruto. Tinignan niya ito ng ilang sandali at nagsimulang umiyak.


Kinagabihan…

Nakaupo si Sasuke sa kanyang kama. Napagisipan council ng Konoha na pansamantalang ikulong siya sa sarili niyang tahanan. Dalawang squad ng ANBU ang nagbabantay sa mansion ng mga Uchiha sa lahat ng oras.

Tinignan ng binata ang bagay sa kanyang mga kamay, isang forehead protector na puro ng gasgas at lamat.

Ito ang forehead protector ni Naruto.

Iniisip niya ang mga naganap noong araw na iyon. Alam niyang pagpapatiwakal ang ginawa niya. Marahil iyon narin ang kanyang kagustuhan, na mamatay sa kamay ng mga tunay na kaibigan ng kanyang kapatid.

"Masmasahol pa ako kaysa kay Itachi. Hinayaan niyang mabuhay ako, habang pinaslang ko si Naruto. Hindi na maaring ipagkaila. Pinatay ko si Naruto."

Niyakap ni Sakura si Sasuke. Dahil narin sa mga nangyari, naisip niya ang mga kasalanan niya sa kanyang nasirang kasamahan at kaibigan.

Ang mga pagkakataon na binaliwala niya ang kanyang mga alok na makipag-date. Ang maraming beses na sinaktan niya ito tuwing kinukulit niya siya o si Sasuke. Ang kanyang hiling na pinangako ni Naruto na tutuparin, kahit na ikamatay pa niya ito…

…at iyon nga ang nagyari.

"Hindi. Hindi ikaw ang pumatay sa kanya.

Tayong dalawa ang pumatay sa kanya."