Paunawa: Ang anime po na ito ay hindi akin… lalo na yung mga karakter… yung kwento lang po…

Ang masaya sa tagalong ay pwede akong maging sobrang galang… Paunawa ba talaga ang tagalog ng disclaimer?

Basta…

Pagpasensyihan nyo na yung mga maling spelling… lahat kasi nakaunderline ng pula sa MSWord kaya minsan nawiwindang ako… pero sorry po uli.

Basta (nanaman)

Eto na ang kasunod…

---------------------------------------------------------------------------------------------------

Kabanata 6

Kinabukasan balik pa rin sa dati ang buhay-buhay nila.

Samantala sa karinderya si Anna lang ang natira doon dahil si Tamao ay busy sa kababantay kay Horo. Nagkalagnat kasi ang binata nang magpaulan at dahil nakokonsensya si Tamao siya na ang nagbantay kasama si Pirika kaya ayun si Anna na lang ang naroon sa karinderya.

"Miss! May langaw sa sabaw ko!" sigaw ng isang tricycle driver.

"Manahimik ka nga diyan! Magreklamo ka na pag bayad ka na!" Wika ni Anna dito habang tinititigan ng masama ang lalaki.

Agad na kinain ng kawawang driver ang sabaw niya hanggang sa maubos, nagbayad kay Anna ng sobra-sobra at umalis agad para pumasada.

"Natakot… sira talaga." Bulong nito.

Maya-maya pa may napansin siyang isang puting sasakyan na pumarada sa harap ng pinapagawang building kung saan nagtratrabaho sina Ryu at ang boung barkada niya. Hindi na sana ito papansinin ni Anna ngunit nang makita niya ang bumababa mula sa sasakyan ay napatulala na siya. Mahaba ang buhok niya, medyo mas matalas ang mga mata, at may kakaibang ngiti sa labi… si Yoh nga ito ngunit may parang kakaiba.

"Si… Yoh ba iyon?" taka ni Anna.

Kinuasap ng Asakura ang mga engineer ng nasabing building. Nang maglunch-time na ang mga trabahador nakita ng Asakura kung saan sila pumunta para kumain… siyempre sa karinderya ni Anna.

"Lahat ba ng trabahador dito ay pumupunta dyan para kumain?" taka ng mayaman.

"Opo ginoong Asakura. Mura kasi ang mga pagkain diyan."

"Tama lang sa mga basurang iyon. Sabihin mo sino ang may-ari ng establisimentong iyan?"

"Isang dilag na nagngangalang Kyoyama Anna."

"Hmm… interesante." Ngiti ng Asakura.

Nang matapos na ang pag-uusap nila dumaan muna ang lalaki sa karinderya sa isang di malamang dahilan.

"Magandang araw anong kailangan niyo? Huwag mong sabihing kakain ka dito?" malamig na tanong ni Anna na ni hindi man lang ngumingiti sa kanyang pagbati…

"Kilala mo ako?" taka ng lalaki.

"Oo… ikaw si Yoh Asakura. Tama ba?"

Napatawa ang binata habang si Anna ay mukhang naaasar… ayaw talaga niyang siya'y pinagtatawanan nino man.

"Hindi… ako si Hao Asakura, kakambal niya." Wika nito sa isang mapagmataas na tono.

Lalong naasar si Anna.

"Bakit ka nandito? Huwag mong sabihin kakain ka? O baka naman gusto mong bilhin ang lupa ko para patayuan ng mga kalokohan mo." Matapang na wika ni Anna.

Kahit na nagtataray na ito ng todo at mukhang napakasungit na, hindi naasar si Hao, sa totoo pa nga ay ikinatuwa nito ang pagiging matapang ng babae… kadalasan kasi ay nagkakandarapa ang mga babae sa kakisigan niya ngunit parang kay Ms. Kyoyama ay walang epekto ang mga mapang-akit niyang ngiti.

"Mukha kang pamilyar sa kin. Have you ever been in Izumo?" Tanong ni Hao.

Lumaki ang mga mata ni Anna sa gulat, sabay talikod upang hindi makita ni Hao ang pagkagulat niya.

"Kung ganon si Hao… ang Asakura… at si Yoh yung nasa kabayo." Isip ni Anna.

Sa likod naman niya ay tinititigan na siya ni Hao mula ulo hanggang paa. Hindi niya akalaing ang batang probinsyana ay lalaki nang ganito kaganda. Maliit ngunit halata pa rin ang kurba ng baywang, mahaba ang mga binti, may maganda at mabangong buhok, at may mga matatapang ngunit nakakaengganyong mga mata.

"Ano? Naaalala mo pa ba ako? Ako yung bata sa jeep… nung nagpatahan sa iyo nung umiiyak ka." Wika ni Hao habang tinataas bahagya ang kilay.

Lalong nagulat si Anna… marahil nga si Hao iyon dahil siya lang ang nakakaalala ng nakaraan, di tulad ni Yoh.

"Ano naman ngayon?" matapang na wika ni Anna nang siya ay humarap na sa binata.

"Wala lang… natutuwa lang ako na makita ka muli. Sana muling manumbalik ang pagkakaibigan natin." Wika ni Hao.

"Depende kung ano ka na ngayon?"

Napangiti ang Asakura, dahan-dahang kinuha ang kamay ni Anna sabay halik dito bago pa tuluyang umalis.

Pinanood lang ni Anna habang naglalakad si Hao at pumasok na sa kanyang sasakyan. Nanood lang siya habang bahagya na namumula… ngayon lang siya nakakilala ng ganong klaseng lalaki.

"Miss Anna, kausap po niyo boss namin?" biglang gulat ni Ryu habang hawak-hawak ang isang mangkok ng noodles.

"Ano bang paki mo?" mataray na wika ni Anna.

"Wala naman…oo nga pala kamusta na si Tamao ko at si Boroboro niya?"

"Buti sa wakas tinanggap mo na rin ang katotohanan. Wala akong paki sa kanila." Wika ni Anna bago pa umalis at bumalik sa kusina.

--------

Samantala sa bahay ng mga Usui naroroon ang maysakit na si Horohoro, ang nag-aalalang si Pirika at si Tamao.

Hindi pa rin pumapasada ang magkapatid dahil nga walang magmamaneho sa jeep, hindi rin pumasok si Tamao ngayon… dahil nga nag-aalala siya kay Horohoro.

"Marami pong salamat ate Tamao sa pag-aalaga niyo ng todo kay kuya." wika ni Pirika habang dinadala ang isang tabo ng tubig.

"Walang anuman… ako rin naman ang may kasalanan kung ba't nagkaganito siya di ba? Wala ka bang maliit na planggana o parang ganon?"

"Wala, hiniram na ni Chocolove eh… bakit naman po iniisip niyo na kasangkot kayo sa pagkakaganyan ng kuya ko, e siya naman itong tanga-tanga na nagpaulan? Ang bobo talaga hindi man lang nag-isip." Wika ni Pirika habang nilalagay ang tabo sa maliit na lamesa sa tabi ni Tamao. Kinuha ni Tamao ang bimpo niya at binabad sa tubig, piniga at nilagay sa noo ni Horohoro.

"Oo… nga… ngunit dahil sa kanya pinasya kong hindi na umalis." Ngiti ni Tamao.

"Boto talaga ako sa inyong dalawa. Sana nga maging ate na kita." Patawa nito habang namumula na ng todo si Tamao.

"Salamat. Mabuti pa sabihin mo kay Chocolove na okay na si Horo… baka hanggang nagyon ay nag-aalala pa rin siya dito."

"Oo nga pala no!" Nasambit bigla ng Usui sabay kuha ng cell ng kuya niya, "salamat nga pala ate Tamao."

"Walang anuman." Wika nito sabay tingin muli kay Horohoro.

-----------

Samantala si Ren naman ay abala pa rin sa trabaho niya, pinipilit niyang mawala ang mukha ni Pirika sa isip niya ngunit sa tuwing lalo niyang pinipilit lalo pa niyang naaalala ito.

"Boss Ren… cr lang muna ako ah." Paalam ni Chocolove na kanina pa ihi na ihi.

"Ano pang tinutunganga mo dyan! Baka magkalat ka pa sa carpet! Labas na!" sigaw agad ni Ren.

"Oo na! Tenk you!" Wika ni Chocolove sabay takbo palabas.

Matapos lumabas nung alalay niya bumalik na muli si Ren sa kanyang inaasikaso. Ngunit bago pa niya mabasa ang mga papeles biglang nag-ring ang cell ni Chocolove.

"Hoy! Chocolove! Yung cell phone mo!" sigaw ni Ren pero walang sumagot sa kanya.

Dahil nakakaistorbo ito si Ren na lang ang sumagot.

"Hello!" Masungit niyang sigaw.

"Chocolove? Anong nangyari sa boses mo?" wika ni Pirika sa kabilang linya.

Agad na nakilala ni Ren ang boses niya, at napahinto ito sandali.

"Chocolove ikaw ba iyan?" tanong ni Pirika.

"Um… Hindi." Pautal na wika ni Ren. Hindi niya malaman kung bakit parang kinakabahan siya na nasasabik na natutuwa na… basta ang gulo ng nararamdaman niya.

"Snatcher ka noh! Hoy ang kapal mong nakawin yan sa kaibigan ko! Ibalik mo yan! Ang konti na nga lang ng sahod niya tapos nanakawan mo pa siya! For your information mas mahirap pa siya kaysa sa iyo!" Sigaw ni Pirika, dahil sa lakas ng boses niya medyo nilayo muna ni Ren sa eardrums ang mapanganib na cell phone.

"Tapos ka na? Anong karapatan mong manigaw! Kilala mo ba kausap mo?" sigaw ni Ren na para bang gumaganti.

"R-Ren… I mean… ginoong Tao. Ikaw po ba iyan?" Tanong ni Pirika na para bang bumaligtad na ang sitwasyon.

"Oo. Nasa banyo si Chocolove… anong sasabihin mo sa kanya?"

"Sabi ko na nga ba dapat hindi na niya kinain yung tuyo sa ref… lokoloko kasi." Bulong ng dilag.

"Ano?" taka ni Ren.

"Ah!... ano… pakisabi na lang po sa kanya na ayos na si Kuya… hindi na niya kailangang mag-alala. Salamat po."

"Teka! Ibig mong sabihin may sakit kuya mo?" tanong ni Ren.

"Opo… nagpaulan po kasi siya eh."

"Bakit mo ba ako pinopo… ilang taon lang naman tanda ko sa iyo ah! Ang tanga naman ng kuya mo." sigaw ni Ren nang makahalata siya. Gusto rin naman na galangin siya ni Pirika pero parang kinikilabutan siya pag pinopo siya nito.

"Ah… patawad. Talaga ngang tanga siya minsan… pero kuya ko pa rin siya."

"Pinadoktor niyo na?" tanong muli ni Ren.

"Hindi pa naman… atsaka hindi na kailangan gumagaling na siya."

"Sabihin mo wala lang kayong pera panggamot?" bulong ni Ren sabay tawa.

"Ano!" Galit na sigaw agad ni Pirika na biglang nagpatigil sa binata. Hindi man lang alam ni Ren kung paano niya nagawa iyon sa kanya.

"Wala… di ba yung jeep lang ang kinabubuhay niyo? Pano yan baka ilang araw siyang magkasakit… ibig sabihin hindi siya pumasada?"

"Ah… medyo parang ganon na nga. Alam ko na sayang ang isang araw… pang-ulam rin namin iyon pero. Okay lang ang mahalaga magpagaling kuya ko."

Medyo naawa at natuwa si Ren sa sinabi ni Pirika at sa isang mahiwagang kadahilanan na hindi niya talaga mapaliwanag bigla na lang nasabi niya ang…

"Kung kailangan mo ng tulong andito lang ako."

"Ano?" taka agad ni Pirika na para bang hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.

"Bingi ka ba o ano? Ang sabi ko kung kailangan mo ng tulong wag kang mahiya na humingi sa akin. Lagi akong handa na tulungan ka." Namumulang wika ng Intsik.

Hindi talaga makapaniwala si Pirika. Para bang isang himala ito… pakiramdam nga niya dapat siyang magdiwang dahil dito… isang ngiti tuloy ang namukadkad sa kanyang mga labi.

"Sure?" tanong ng babae.

"Oo sabi eh!" sagot agad ni Ren na parang naasar na.

"Marunong kang magdrive?" tanong ni Pirika.

"Oo… hindi ako engot tulad ni Chocolove. Gusto mo bukas ako ang magdrive sa jeep niyo? Ano?"

"Talaga!" masayang wika ng dalaga. Sabay tili sa kabilang linya dahilan upang ilayo nanaman ni Ren ang cell sa tenga niya, sensitive yata ang eardrums niya noh, "akala ko talaga masungit ka. Mabait ka pala hindi lang guwapo. Salamat. Bukas ha… inaasahan kita. Maghihintay ako sa bahay ni Chocolove. Mga 7:00 dapat naroon ka na. Salamat uli… labs you. Bye." Wika ng babae sabay baba ng cell.

Medyo namula si Ren habang napatulala siya sa kawalan…

"Totoo ba ang narinig ko… sinabi ba niya na labs you… ang baduy." Bulong niya. Kahit na ba sinabi niya iyon hindi pa rin maikakaila ang kakaiba niyang ngiti sa mukha.

"Bukas." Bulong ni Ren sabay pasok naman ni Chocolove.

"Boss bakit hawak niyo cell ko? May tumawag po ba?" tanong nito.

"Wala! Bumalik ka na nga sa trabaho… hoy naghugas ka ba ng kamay mo. Ang tagal mo ah anong ginawa mo sa banyo? Baka mamaya iba na iyan." Sigaw ni Ren habang nilalagay ang cell sa tabi.

"Boss Ren naman… yuck."

"Loko-loko!"

----------

Balik kay Pirika…

Ang babae ngayon ay nagsasayaw-sayaw sa tuwa… hindi talaga niya mapaniwalaan na ang matapang, masungit at mayaman na si Ren ay handang magdrive ng jeep para sa kanya… ngunit biglang nawala ang kaligayahan niya nang may maisip siya…

"Pumunta kaya siya… o baka naman pinapaasa niya lang ako?" tanong nito sa sarili.

"Wala namang mawawala sa kanya kung hindi siya pupunta… Ren Tao… sana pumunta ka bukas… hihintayin kita." Bulong nito habang hindi namamalayan ang paghigpit ng hawak niya sa cell.

Malakas ang pintig ng kanyang puso na para bang sinasabing sabik na sabik na siya sa mangyayari bukas… sabik na sabik nang makita muli yung mayabang na mayaman na iyon… ang mayabang na mayaman na nagpaganito sa puso niya…

--------

Ano pupunta kaya si Ren o maghihintay si Pirika sa wala? Si Hao ba talaga ang kumanta ng three bears song o baka naman may masama lang siyang plano kay Anna? Gagaling pa kaya si Horohoro? Umihi lang ba talaga si Chocolove sa banyo… bakit kaya ang tagal?

Iyan at marami pa sa susunod na kabanata

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Marami pong salamat sa pagbabasa nito… tangkilikin natin ang sariling atin! Tama iyan! Dapat talaga suportahan natin ang sarili nating wika… Sabi nga naman ni Jose Rizal… ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang fish… este isda…(Chocolove?)

Sana po nagustuhan niyo ito… marami pong salamat muli.

Pasensya na po kung may mga mali-mali ako sa spelling… sorry uli…

Sana po magreview kayo… para naman malaman ko na may nagbabasa pala sa mga pinaghihirapan ko… talagang natutuwa ako pag may nababasa akong review.

Salamat po uli! Mwah!