DISCLAIMER: di ko pagmamay-ari ang Naruto… Peksman!
AN: Ang kwentong ito ay para kay Redzin. Pre, kakatuwang paglaruan itong si Gaara!
Paglalahat: Si Gaara, gutom na. Si Gaara, nakakita ng piso. Ang piso, nawala. Ang piso, hinanap. Ang buhay nga naman... umiikot sa piso at kay Gaara...
Babala: Masyadong hyper ang mga nilalaman... 'wag kalimutang mag-take ng pampakalma matapos basahin...
"Kawawang Gaara"
Zinds: Taghirap sa Konoha kaya walang free breakfast.
ANG NAKARAAN:
"Alam ko na!", May kasama pang pukpok ng kamao sa palad ang impluse ni Naruto. At ngumisi siya, na siya namang ikinatakot ni Gaara...
ANG KARUGTONG:
Dug-dog... Dug-dog...
Malakas ang kabog ng dibdib ni Gaara dahil sa magkahalong excitement at takot.
Dug-dug... Dug-dog...
"Okay na ba sayo ang isang pandesal?" tanong ni Naruto.
"Pandesal?", napatingin sa Gaara sa itaas. Tirik na tirik na ang araw. "Meron pa kayang pandesal sa bakery?"
"Bakit di mo subukan?"
At nagtungo si Gaara sa pinakamalapit na bakery.
"Ale, isang pandesal nga po..."
"..." tingin sa orasan ang ale. At binaling uli kay Gaara ang tingin. "Iho, alas otso palang ubos na ang pandesal dito..."
"..." Mukhang mawawalan na ng pag-asa si Gaara.
"Kung gusto mo, spanish bread nalang. O di kaya, Pan de Coco." Sabi ng ale habang pinapagpag ang pambugaw ng langaw.
"Piso po ba yun?", tanong ni Gaara.
Tumango ang ale kaya naman agad na inilabas ni Gaara ang kanyang piso. Pero nang iaabot na niya sa babae ay biglang may nakatabig sa kamay niya at nalalag ang piso.
"PISO KO!"
Hinabol ni Gaara ang nalaglag na piso ngunit nagpagulong-gulong ito hanggang sa mahulog sa butas ng kanal. Sinilip ni Gaara. Hayun ang piso! Nasa gitna ng kung-anu-anong maitim at mabahong bagay na nasa loob ng kanal. Sa kagustuhang huwag mahawakan ang nasasabing maitim at mabahong bagay, naghanap si Gaara ng panungkit.
"Eto, kahoy." Iwinasiwas pa ni Gaara ang kahoy at ipinalo-palo sa palad. "Pwede na..."
Sinungkit ni Gaara ang piso hanggang sa... O.o... Nalaglag sa mas malalim na bahagi ng kanal... Sinubukang abutin ni Gaara ng kamay niya ang piso. Kasya naman pala ang kamay niya sa butas...
Ayan na... Malapit na...
At pagkatapos ng 15 minutes na pagkapa ay naabot din ni Gaara ang piso. Nga lang...
Naligo sa itim at mabahong bagay ang kamay niya. Parang dinaig nya pa ang taong grasa. At ang piso na kanikanina lang ay kumikinang sa ilalim ng araw ay nagmistulang itim na tansan...
"Kailangan kong maghugas ng kamay...", bulong ni Gaara sa sarili. Kaya naman naghanap siya ng public faucet... Pero mukhang taghirap ata sa Konoha. Tuyo ang mga public faucet kaya naisipan niyang maghanap ng butas na tubo ng NAWASA or KWSS(Konoha Waterworks and Sewerage System). Pero tuyot din! Kaya napilitan siyang maghanap nalang ng malapit na ilog...
Buti nalang at hindi tuyo ang ilog sa Konoha. Hinugasan ni Gaara ang kamay niya. "Yuck! Ambaho, amoy patay na daga!" pag-iinarte ni Gaara habang hinuhugasan ang kamay. Tapos ay tinignan niya ang piso. "Kailangan ko rin itong hugasan. Baka hindi tanggapin sa tindahan..."
Kaya hinugasan ni Gaara ang piso. Pero mapaglaro ang tadahana. Pagkalublob ni Gaara ng piso sa tubig, biglang lumakas ang agos ng ilog at natangay ang piso...
"Ha? Piso ko!", sigaw ni Gaara habang hinahabol ang piso.
Tinangay ng agos ng tubig ang piso. Oo. Kayang tangayin ng tubig ang piso. X-D. Kaya naman habol to the max si Gaara. Hanggang sa:
"Huh? Parang lumalakas ang tunog ng tubig...", tumungin si Gaara sa harapan at nakita niya ang inaasahan... Isang talon. "Naku! Kailangan na mahabol ang piso!" Binilisan ni Gaara ang takbo. Inabangan niya ang piso malapit sa dulo ng ilog na pababa na sa talon. "Ayan! Maaabot ko na!", todo na ang pagkaka-stretch ng kamay ni Gaara para lang maabot ang barya. "Konti pa..."
Maaabot na sana ni Gaara ang piso ng biglang... May tilapia na sumagip sa barya.
Parang gusto nang pumutok ng mga ugat sa ulo ni Gaara. "Ang Tilapiang yun! Nilunok ang piso ko!"
Desperado na talaga si Gaara dahil nagsimula na siyang tumakbo patungo sa isda. Wala siyang pakialam kung mabasa man siya, ang mahalaga, mabawi niya ang pisong ninakaw ng isda.
"Ibalik mo ang piso ko!", sigaw ni Gaara sa isda. Langoy lang ang isda. Tumalon-talon pa ito sa tubig at ikinawagkawag ang buntot na tila nagpapahabol. Nauubos na ang pasensya ni Gaara sa isda. Sinubukan niya itong hulihin gamit ang mga kamay niya ngunit hindi yata purong tilapia ang isdang ito! Parang crossbreed ng tilapia at palos sa sobrang dulas!
Maya-maya ay may nakita ang isda na sumasayaw sa tubig... isang bulate. At mukha siyang katakamtakam. Kaya naman agad na sinunggaban ng isda ang nasabing bulate.
"Heheheheh...", Malademonyo ang boses ni Gaara. Yung tipong natutuwa sa pagpatay... "Kung ayaw mong makuha sa santong hulihan, makuha ka sa santong bingwitan..." Sabay banat ng halakhak. Malamang ay mapahiya pa ang boss ng impiyerno dahil kahit demonyo pa ay kikilabutan sa tawa niya.
"AHA-HAHAHA-HAHA-HAH! AHA-HAHAHA-HAH!"
Nanginig sa takot ang isda. At kung makakapagsalita lamang ito, sisimulan na niyang magmakaawa at magpa-cute kay Gaara. Pero hindi nagsasalita ang isda kaya...
"..."
"Iluwa mo ang piso ko...", inilapit ni Gaara ang mukha niya sa isda, "...kundi, ida-dissect kita!", Parang lalabas na sa mga socket ang mga eyeballs nya sa sobrang laki.
"..." kumawagkawag lang ang isda.
"Ayaw mo ha!", inuga-uga at inalog-alog ni Gaara ang isda. Baka sakaling magsalita.
"..." . Hilo na ang isda.
"Ilabas mo na kasi!", ipinagpag pa ni Gaara ang isda. Binaliktad at saka itinaktak na parang pitakang walang laman. Baka kasi malaglag nalang ang piso...
"Kainin mo 'ko pagkatapos mong maglaba!", sabi ng isang maliit na boses.
Napangiti si Gaara... "Mweheheheh... Bakit nga ba hindi kita kainin?", sabi ni Gaara sa pag-aakalang ang isda nga ang nagsalita. Ang hindi niya alam ay si Neji lang iyon - nasa itaas ng puno at ikinakabisado ang mga linya niya para sa dulang gaganapin sa peace offering ceremony ng Suna sa Konoha.
"Pero kailangan pa ba akong maglaba bago kita kainin?", napaisip si Gaara.
Muli, narinig niya ang maliit at tila ipit na boses. "Kainin mo 'ko pagkatapos mong maglaba!"
"Okay." tugon ni Gaara. "Pero anong lalabahan ko?"
Ano ang lalabahan ni Gaara?
Makabisado pa kaya ni Neji ang linya niya?
SUSUNOD:
Ang nalalapit na katapusan ng kabaliwang ito
QUOTABLE KOTS:
-Hunter Kai
