Ang Ginto.

Isa sa mga sagisag ng kayaman, lalo na sa pananalapi.

Ngunit para sa iba, ang salitang ito ay may ibang kahulugan.

Para sa kanila, ito ay maaaring nangangahulugang kayamanan mula sa kalikasan, kaibigan, pang-sarili, pang-kalahatan, atbp.

Gayunpaman ang salitang ito, para sa isang manlalakbay, ay nangangahulugang ang kanyang kakambal na kapatid na matagal nang nawawala at hinahanap.

Sa simula ng kanyang paglalakbay ay marami na siyang nakilala.

Mula kina Amber, Bennett, Jean, Zhongli, Tartaglia, Beidou, atbp; sa kaniyang paglalakbay, karamihan sa kanila ay naging matalik nang kaibigan ni Aether.

Hanggang sa mapadpad siya sa bansang Inazuma na kung saan ito ay kasalukuyang dumaranas ng limitado at halos saradong pang-ugnayan at kalakal sa mga karatig-bansa. Kung hindi sa tulong ni Beidou ay hindi makakapasok si Aether sa kakaibang bansa na ito. Ngunit, salamat sa kakilala ni Beidou sa Inazuma na si Thoma, ay naging maayos ang pagpasok ng banyagang si Aether.

Samakatuwid, naging malaking tulong ang serbisyo na binigay ni Thoma at dahil rito ay nawari ni Aether na isang mabait at tunay na matulunging tao si Thoma.

Nang matapos ni Aether ang mga kailangang gawin sa Inazuma ay lubusan niyang nakilala si Thoma nang sumama ang lalaki sa kanyang paglalakbay upang hanapin ang nawawala niyang kapatid. Sa ilang buwan nilang pagkakasama ay napadpad na rin sila sa lupaing malalaki at maliliit, mula sa mga lupaing halos 2 kontinente ang lawak, hanggang sa mga pinakamaliliit na mga isla, sina Thoma at Aether ay magkasama. At sa paglalakbay na ito ay naging kaibigan na rin ni Thoma ang mga kaibigan ni Aether.

Para kay Thoma, wala bahid ng pagsisisi na umalis sa Inazuma at sumama sa dayuhang manlalakbay na ito.

Para kay Aether, malaki ang pasasalamat niya kay Thoma sa desisyong pagsam anito sa kanyang paglalakbay.

Ngunit...

Sa patuloy na paghahanap ni Aether ng kanyang tunay na ginto...

Isang araw...

Sa isang munting kubo na nasa gitna ng isang kapatagan na nasa hangganan ng mga bansang Sumeru at Liyue, ay nagpapahinga ang grupo nina Aether. Nung una'y nagaalangan sila at baka may nagmamayari na ng kubo na iyon ngunit ng kanilang silipin ay halos wala itong kalaman-laman. Napansin naman ni Aether na pagod na pagod na sina Paimon, Bennett, Chongyun at ang iba pa kaya napagisipan niyang linisin muna, sa tulong na rin ni Jean at Lisa, ang nasabing bahay bago nila ito ginawang pahingahan.

"Magpahinga muna kayo," ika ni Thoma kay Aether. "...habang kami nina Ayaka, Xingqiu, Xiangling at Razor ay maghahanap nang ating makakain para sa ating munting hapunan." Ngiti naman ng binata habang kinakausap ang manlalakbay na inaasikaso rin ang mga pagod na kasamang sina Klee at Bennett.

"Salamat sa tulong Thoma." Sagot naman ni Aether, habang binabasa ang libro na dala ni Lisa na tungkol sa mga halamang makakatulong sa pagpawi ng pagod at panghihina. "Maari rin bang kumuha ka na rin ng mga ilang pirasong mga matatamis na bulaklak at sunsettia? May gagawin lang akong matamis na inumin para sa kay Klee."

"Sige lang!"

At sa pagkakataong iyon, umalis na rin sa munting kubo ang lima upang maghanap ng kanilang makakain.

Makalipas ang ilang oras ay nakabalik rin sila sa sinasabing bahay, na dala-dala ang kanilang mga kailangan para sa hapunang iyon.

Nang matapos ang kanilang munting salu-salo ay nagsitungo na ang karamihan sa kanila sa dalawang kwarto na halos magsiksikan ang lahat, ngunit wala silang reklamo dahil para sa kanila, bahagi ito ng kanilang paglalakbay kasama ni Aether.

Habang sina Aether at Thoma ay nasa sala, magbabantay buong gabi.

Una'y asiwa pa silang dalawa sa kung anong pwedeng mga paksa ang kanilang pagusapan pero kinalauna'y halos maubusan na rin sila ng mapaguusapan habang inaantay dumating ang liwanag ng umaga.

Mula sa simpleng buhay nilang magkapatid hanggang sa mga simbolismo ng mga kwento at tula at mitolohiya sa kanilang mga inang-bayan ay kanilang walang-sawang pinagusapan. Hanggang sa makarating sila sa mga malalalim na mga katanungang hindi masasagot ng mga tao sa mundong ito.

Nang magtagal ay napansin na lang ni Thoma na nakatitig na lang sa nagniningning na kalawakan si Aether mula sa maliit na bintana ng bahay na kanilang tinuluyan, mga kayumangging mga mata ni Aether ay halos puno ng katanungang hindi niya, o ni Thoma, kayang sagutin. Sinubukan ni Thoma na pagaanin ang pakiramdam ni Aether ngunit wala itong natanggap na anuman mula sa mas nakakbaatang lalaki.

Sinubukan niya ulit magtanong kay Aether.

"Ito bang ginto na hinahanap mo ay mahahanap mo rin sa darating na hinaharap?" Matapos niyang bigkasin ang huling mga salita'y kinagat ni Thoma ng kapirangot ang mansanas na nito'y hawak-hawak sa kanyang malapad na palad. Tuloy pa ring nakatitig si Aether sa maliwanag na gabing kalangitan at hindi ito sumagot sa tanong ng binata. Tila ba'y talagang nababagabag si Aether sa kanyang iniisip.

Hindi nakatanggap ng sagot si Thoma mula kay Aether pero binalewala niya lang ito at nagpatuloy siyang kainin ang mansanas na kaniyang hawak-hawak.

Sa katahimikang iyon, naaalala ni Thoma ang mga panahong bigla na lamang humuhuni si Aether ng mga kantang puno ng lumbay at lungkot. Hindi man niya alam ang mga liriko sa likod mga huni ni Aether ay ramdam pa rin niya ang tono ng pagkalungkot sa mga ito.

Para kay Thoma, ang halos maamong boses ni Aether ay parang awit sa kanyang tainga.

Mahinhin.

Nakakaginhawa.

Ngunit, sa pagkakataong ito, hindi na nakita ni Aether ang tunay na ginto sa pinakapuro nitong anyo.

Para kay Thoma, bahagi na ito ng kanyang hindi maibabalik na damdamin kay Aether.

Parating nagbibigay si Thoma, ngunit

Hindi man lang ito naibabalik ni Aether.

Para kay Thoma, kaya naman ito sumama sa paglalakbay ni Aether ay para makapiling ang taong nagpaintindi sa kanya na ang buhay hindi limitado lamang sa isang lugar; ang buhay ay parang isang mapa na napakalawak, napakalaki, at hindi dapat minamadaling tapusin.

Para kay Aether, hindi lingid sa kanyang kaalaman na si Thoma ay mayroong gusto sa kanya.

Para kay Aether, ang presensya ni Thoma ay isang malaking tulong, ngunit hindi pa niya naiintindihan ang aspeto ng pagmamahal.

Kaya sa pagkakataong ito, parati na lang ikukubli ni Thoma ang kanyang nararamdaman para kay Aether.

Ay, ginto! Kung nasaan ka man, magpakita ka na dahil kahit saan mang sulok ng mundo magpunta ang mga tao, ay tunay kang mahirap hanapin!