(BAGO ANG LAHAT: WOHOOO! Dalawang reviews na agad! Ehem... to Princess_Arcs_di_Cielo and ExtReme_Rain17, salamat sa reviews! Sagot sa pangalawang reviewer, ending na agad, noh? WAHAHAHAHA! Bakit nga ba doon ako nag-jump? Itong susunod na chapter ang sasagot d'yan! Pansin n'yong first person ang format, I made it in a documentary, biographical style. Malalaman n'yo rin ang dahilan. Oh well...)

(DISCLAIMER ULIT: Reborn! and all of its characters are all belonged to Amano Akira-sensei. Anuman ang mababasa n'yong pangalan dito na never n'yo pang narinig sa buong talambuhay n'yo, 'yon, akin 'yon.)

RUNWAY RYOHEI

Session One:

MHAR

Nagsimula ang lahat sa isang promotional poster.

Malapit na noon ang panibagong schoolyear, kaya puspusan ang paghahanda ng lahat ng clubs ng Namimori Middle School. Tiyak marami na namang incoming freshmen ang magsisipasukan dalawang linggo pa mula noon para sa orientation kaya dapat ayuz ang first impression. Excited na ang lahat, lalung-lalo na ang aming Boxing Club.

Naging maayos naman ang takbo ng club namin, nananalo sa mga tournaments, at kami pa ang naging National Champion nang panahong iyon. Pero sa nakuha naming tagumpay, iisa lang, kung tutuusin, ang nagdadala sa team namin—walang iba kundi ang aming Team Captain. Wala nang hihigit pa sa pagmamahal niya sa boxing, mula pa pagkabata. Lagi niya iyong kinukuwento sa amin. Ang problema lang noon, malapit na siyang grumuaduate. At sa oras na grumuaduate na siya, wala nang matitirang magaling sa team namin. Seryoso. Wala na sigurong makakatalo pa sa kanya, kahit pagtulungan pa siya ng mga naging seniors namin. Kaya siya nga ang pinakabatang captain sa kasaysayan ng Boxing Club eh...

Pero ito, atin-atin lang ah: kung ano daw ang ikinalakas ng kamao niya, iyon din daw ang ikinahina ng utak niya. Magtaka ka na lang kung papaano siya nakatungtong ng middle school. Pero oks lang, hindi naman mawawalan ng malakas ang team kapag hindi siya grumuaduate... Joke lang! Baka isulat mo ang sinabi ko, ah!

Ah, ito. Suwerte talaga ni Captain. Kapatid lang naman niya ang Prinsesa ng Namimori. Isa siyang anghel: napakaganda na nga, ubod pa ng bait. Marami nang sports clubs ang naglaban-laban at halos nagka-giyera na sa school makuha lang siyang manager—pero ayaw niya. Kahit ang maging manager namin, pass siya. Importante sa kanya kung ano ang gusto ng kuya niya, at nirerspeto naman iyon ni Captain. Overprotective din si Captain sa kanya, at sang-ayon nga sa tsismis, ang tanging kahinaan ng Captain namin ay kapag nakikita niyang umiiyak ang kapatid niya. Siyempre secret lang nilang dalawa iyon. Yung mga kaklase ng kapatid niya ang tanging nakakaalam.

At saka...secret lang din 'to: crush ko ang kapatid niya. Tural, sino namang hindi magkaka-crush sa kanya? Kaya nga ako nag-boxing dahil sa kanya eh! Ssssh...!

Iyan si Ryohei Sasagawa, ang aming magiting na Captain ng Namimori Boxing Club, ang binansagang Lion Puncher, kinatatakutan ng buong campus at ng buong prefecture. Wala na nga sigurong makakapantay sa kaligayahang nararamdaman niya sa tuwing tumutungtong siya sa ring at sumusuntok. Wala na rin sigurong hihigit pa sa pangarap niyang maka-sparring si Manny Pacquiao balang araw. Pero sa totoo lang... walang nag-akalang babaguhin ng ginawa kong poster ang buhay niya, gaya nga ng sinabi ko kanina.

At kung inaakala mong ang boxing ang nagpabago sa buhay niya, diyan ka nagkakamali.

-0-

"Yan na ba 'yung poster?" ipinakita ko ang ginawa kong promotional poster para sa club namin. Dahil alam nilang ako lang ang may alam sa computer graphics at dahil me negosyo kaming printing service kaya sa akin itinoka ang promotion para sa susunod na linggo. Dalawa ang ginawa ko, and as usual, si Captain ang poster boy. Mukha namang papatok kung siya ang gagawin kong model.

"Oks ba?" tanong ko.

"Kung lima ang hinlalaki ko, baka kanina pa ako nag-five thumbs up! Basbas na lang ni Captain ang kulang, puwede na 'yang ipaskil kahit ngayon na!"

"Yun na nga eh... Hindi ko siya mahagilap kung saan..."

"Sinubukan mo na bang hanapin sa classroom nila?"

"Wala namang tao sa classroom nila pagpunta ko doon. Tsaka saglit lang ako doon. Alam mo namang bawal ang lowerclassmen sa floor na 'yon eh..."

"Eh 'yung kapatid niya?"

"Uh...n-nakita ko sa me garden...kasama niya 'yung mga kaklase niyang mas nakakatakot pa yata kay Captain—teka nga, bakit pa? Ano ba'ng alam nu'n?"

"Di ka rin tangek, noh? Kapatid siya ni Captain, natural lang na me alam 'yon kung saan 'yon nagsususuot 'pag ganitong oras! Teka...'wag mong sabihing..."

Nahulaan din niya ang dahilan ko. Ano naman ngayon sa kanya? Oo nga't sumali ako sa Boxing Club dahil sa kapatid niya pero ni minsan, mula nang sumali ako, hindi ko pa noon pinangahasang lapitan siya sa anumang dahilan. Sinisiguro ko sa 'yo, kapag sinubukan mo siyang lapitan, hindi pa nga nakaharap sa 'yo, hindi mo na namalayang hinimatay ka na pala sa sobrang kilig. Para mo lang sinubukang makipag-eyeball sa isang diyosa.. Nangyari na 'yon sa akin. Hindi ko tuloy maiwasang mainggit noon kay Captain at sa mga kaklase niya, lalo na ke Tsunang Palpak. Sanay na sila kase. Immune na sa kagandahan niya, kumbaga. Kung kaklase ko lang siya noong first year, hindi ako mapapahiya sa harap niya!

"Ang torpe mo mhen!" nagsalita ang hindi torpe. "Para lang tanungin 'yung babae, magpapasama ka pa! Para saan pa't sumali ka pa sa Boxing Club?"

Kaya ang teammate ko na rin ang nag-alok na samahan ako kung nasaan si Kyoko Sasagawa, ang cute na kapatid ni Captain, para tanungin kung nasaan si Captain nung mga oras na iyon. Dalawang bagay lang ang inaalala ko noon: ang mangyayari sa amin kapag nakita na namin si Kyoko, at ang magiging reaksyon niya kapag nakita na niya ang poster. Hindi ko naman inaalala kung pangit o maganda ang ginawa ko. Yung subject mismo. Pero kung para sa kinabukasan ng Boxing Club, ano naman ang magagawa ko?

-0-

At gaya nga ng inaasahan ko, ni hindi pa nga kami nakakalapit kay Kyoko, nanigas na agad nag kasama ko. Pero hindi ko lang sure kung iyon talaga ang dahilan o 'yung mga kasama niya noong mga oras na iyon: 'yung mukhang foreigner na parang anak ng lider ng sindikato, Hayato Gokudera ang pangalan niya, matalino sana pero ang daming kaaway sa loob at labas ng school. Yung isa naman, 'yung Ace ng Namimori Baseball Club, si Takeshi Yamamoto. Mukha lang 'yon mabait pero ang sabi mas warfreak pa raw siya kay Hayato 'pag ginalit ng husto. Yung isa namang kasama niyang babae, si Hana Kurokawa, kalaban ni Hayato sa pagiging valedictorian at kilalang allergic sa mga lalaki...

At 'yung isang mukhang lampa't madaling lokohin, bawal siyang galitin. Sa maniwala ka't sa hindi, tinalo na niya minsan si Captain sa isang sparring match. At oras na galitin mo ang tinutukso noong 'Tsunang Palpak', sana naging buni ka na lang.

Kasi naman, sa lahat ng puwedeng maging kasama ni Kyoko nung time na iyon, sila pang apat! Pero naroon na rin lang ako, wala namang masama kung magtatanong ako. Eh 'yon lang naman ang pinakapakay ko, di ba? At ang rakenrol pa doon, mukhang kilala niya ako.

"Ikaw 'yung teammate ni Kuya, di ba?" tanong niya bigla.

Hindi ko alam ang isasagot ko noon. Tinanong lang ako ng isang diyosa, biglang pumulupot ang dila ko. Gustuhin ko mang magsalita, bigla naman akong nabangag. Tingin tuloy ng iba sa akin, isa akong adik na anumang oras dudukutin ang prinsesa nila kaya ganoon na lang ang sama ng tingin sa akin lalo na niya Hana't Hayato. At ang masaklap pa, pinagsuspetsahan nila pati ang mga pinaghirapan kong at bigla na nila 'yong kinuha mula sa akin!

"Ano 'to ha?" dekwat ni Hayato bigla.

"Uy, Hayato!" sinuway siya ni Tsunang Palpak. "Isoli mo 'yan-!"

"Pero Boss, mukha kasing kahila-hinala eh! Ikaw ba hindi manghihinala kung me kelangan ka ke Kyoko tapos me dala ka nito? Mahirap na, oy!"

"Pero ano naman ang kinalaman ng poster sa pakikipag-usap ke Kyoko?" tanong ni Takeshi. Oo nga naman. Pero...

"Wala kang alam kaya 'wag kang sumabat!"

"Me punto du'n si Takeshi noh," sabay dekwat ni Hana sa isa pang poster. "Ang sabihin mo, gumagawa ka lang ng alibi para makita mo kung ano'ng...meron...

dito..."

Patay na ako.

At gaya ng pinangangambahan ko, hindi si Captain ang unang nakakita sa poster kundi ang kapatid niya't mga kaklase nito. Gusto ko na noong bawiin mula sa kanila 'yung mga poster sa sobrang hiya ko, pero naisip ko rin, malalaman ba nila na ako ang gumawa? Nung mga oras na iyon paulit-ulit kong ipinagdarasal na sana hindi na nila iyon malaman, pambabawas-kahihiyan na rin, at konting delikadeza na rin sa kapatid. Mas ayos pa na makita nila ang poster na hindi nila malalaman kung sino ang may-gawa.

Tulad ng inaasahan, hindi maipinta ang itsura nila nang makita nila ang mga poster, lalung-lalo na 'yung kasama nilang si Hana. Lumala pa nang unang mag-react ang Tsunang Palpak:

"D-di ba," turo pa niya, "yan...si..."

"BA'T SIYA ME POSTER!" nabaliw bigla si Hana. "Isa siyang malaking kasiraan sa lahat ng lalaki! BA'T SIYA ANDITOH! KADIREEEH!" sabay balik ng poster ke Hayato't nag-walkout na ipinagtaka namin.

"Sa'n ka pupunta?" tanong pa ni Kyoko.

"Uuwi na! Magpapahangin! Whatever! Ilayo n'yo lang sa 'kin 'yan!" at nilayasan nga niya kami.

Kahit si Hayato, kulang na lang punitin sa harap ng lahat ang pinaghirapan kong poster dahil lang si Captain ang model. Hindi ko na tuloy alam kung ano ang naging kasalanan ni Captain sa kanila't ganoon na lang ang reaction nila nang makita nila ang poster. Hindi ko alam kung sila'y nang-iintimidate o nang-aasar lang.

"Hoy, ikaw!" bigla niya akong tinawag. "Ba't me ganito ang Captain n'yo? Para sa'n to? Alam mo, ok na sana 'to, eh, panira lang 'yung model. Gagamit na lang kayo ng picture, 'to pang sa Captain n'yo! Hindi ba pwedeng wala 'to? Sa'n ba kayo nagpagawa nito?"

Kung makapagtanong daig pa niya ang taga-Discipline Committee. Hindi naman ako makasagot, ano naman kasi ang isasagot ko? Kapag hindi naman niya nagustuhan ang sagot ko, todo-gisa ako. Pakiramdam ko tuloy dapat tama ang isasagot ko kung ayaw kong maprito ng buhay dahil lang sa isang poster...

Mabuti na lang, sa di-inaasahang pagkakataon, iniligtas ako ni Takeshi. "Promotional poster 'yan para sa orientation, ano?"

Nahulaan niya kung para saan ang poster. "O...oo! Para sa mga incoming freshmen!"

"Kaya naman pala eh! Grabe, parang kelan lang na freshmen pa lang tayo!"

Tanging siya lang ang nakahula kung para saan ang poster. Tural dahil miyembro siya ng Baseball Club kaya natural na nag-iisip na rin sila ng gimik para makapang-akit ng magiging members nila. Sabi pa niya, "Buti pa nga kayo, me gimik na, eh. Ang hirap kasing mag-isip! Wala kasi sa amin ang marunong gumawa ng poster kaya hindi kami makapag-promote ng maayos. Sa'n n'yo ba 'yan pinagawa? Papatulong sana kami, eh-"

"Hindi 'yon ang punto, gunggong!" sumabat ulit 'yung sigang foreigner. "Yang utak-damong nasa poster ang inaalala ko! Di kaya imbis na makasungkit kayo ng members eh-"

Biglang tinakpan ni Tsunang Palpak ang bibig ng kasama niyang negatron. Nakuha ko rin ang ginawa niya. Dahan-dahan niyang itinuro si Kyoko. Natigilan din siya, napahiya siguro. Natural na mahihiya iyon kapag nilalait-lait niya si Captain sa harap ng kapatid niya.

"P-pasensya ka na sa kaklase ko ha?" dispensa ni Tsunang Palpak. "N-nakalimutan niya kasing andito si Kyoko, eh..."

Sa dami tuloy ng interruptions na sinimulan ni Hayato, nawala na tuloy sa isip ko ang pakay ko. Hihilahin ko na sana ang kasama ko palayo para maka-eskapo pero sa di-inaasahan, si Kyoko pa mismo ang nagpaalala sa akin. Bigla niya akong tinanong:

"S-sandali! Hinahanap mo ba si Kuya?"

"Uh," agad akong bumalik. "O...oo sana...k-kaya nga kami nandito eh...nagbabakasakaling..."

"Kung hindi ako nagkakamali, 'pag ganitong oras wala na si Kuya sa campus. Pero tiyak wala pa rin siya sa bahay..."

Sa madaling salita, nasayang lang ang paglapit ko.

"Ano nga pala ang pangalan mo?"

Pakiramdam ko para akong kinantahan bigla ng isang napaka-cute na anghel nang itanong niya kung ano ang pangalan ko. Hindi ko naman siya bibigo. Hindi ko na naisip kung para saan iyon, malamang para siguro i-refer ako sa kuya niya. "Uh...H-Hidemaru... Hidemaru Nishiura..."

Medyo nagulat si Tsunang Palpak nang marinig niya ang pangalan ko. "N-Nishiura ba kamo!" nagtaka naman ako. "Uh, Hayato, pahiram muna ng poster..."

Nagtaka man si Hayato, sumunod rin siya. Doon ko lang naalala ang pinakamalaking kaengutang ginawa ko sa poster kaya ganoon na lang ang pagkabigla niya sa pangalan ko. At gaya ng kutob ko, nalaman din nila kung sino ang may-gawa ng nasabing mga poster. "Sabi na. Ikaw si Mhar Nishiura, no?"

Sabi ko na nga ba. Ni hindi ko na nga napansing kanina pa nangangamatis ang mukha ko sa sobrang hiya. "Uh...o-oo...ako nga-"

"ASTEEG!" halatang tuwang-tuwa si Takeshi sa ginawa ko. "Ang ganda nito mhen! Pa'no mo 'to ginawa!"

"Ah...eh..." napakamot na lang ako sa ulo, "yung kuya ko...me-ari ng graphics shop sa me kanto...kaya..."

"Puwede bang malaman kung magkano pagawa nito?" itinuro 'yung poster.

"Ha?"

"Sasabihin ko muna 'to sa Captain namin. Pag pumayag, kami na'ng bahalang magbigay sa 'yo ng material at ikaw na'ng bahala sa output. Ayos ba 'yun sa 'yo?"

"Uh...d-depende sa...sa material na ibibigay n'yo... titignan natin-"

"Di ka rin engot noh!" bigla siyang sinigawan ni Hayato. "Ba't ka magpapagawa sa taga-Boxing Club! Para ka na ring nagpatulong sa-"

Sila nang dalawa ang nagpatahimik sa kanya.

"P-pasensya ka na talaga ha?" nag-sorry ulit si Tsunang Palpak. "Ang totoo, ang ganda ng ginawa mo! Ang galing! Tiyak matutuwa ang Captain n'yo 'pag nakita niya 'to!"

"Tama si Tsuna!" kinuha ni Kyoko ang poster mula sa hustler. "Kung gusto mo ako na lang ang magpapakita nito kay Kuya. Kaya mo siya hinahanap di ba?"

Abot-tenga na noon ang ngiti ko nang si Kyoko Sasagawa na mismo ang nag-alok na siya ang magdadala ng poster kay Captain. "T-talaga!"

"Oo naman! At alam mo ba, malayo ang mararating mo dahil dito. Puwede kang maging magaling na graphic designer sa mga dyaryo, sa mga magazine, kahit sa internet pa! Basta ituluy-tuloy mo lang 'to, okay?"

Kahit na halos hindi na mawala-wala ang pamumula ng mukha ko, basta't si Kyoko Sasagawa ang nagsabing malayo ang mararating ko dahil sa mga poster na iyon, maniniwala nga akong mangyayari nga iyon. At kahit iba ang nakakita't nakaalam, iba pa rin talaga ang pakiramdam na pinupuri ang pinaghirapan mo. Ang sarap pala kahit medyo nahihiya pa rin ako. Ang totoo, mga taga-Boxing Club lang ang nakakaalam tungkol sa 'talent' kong ito, lalo na si Captain, kaya sa akin kinomisyon ang paggawa sa poster. Kaya nga hanggang sa oras na iyon hindi pa rin ako makapaniwalang pinuri ng mismong kapatid ng Captain ang ginawa ako. Hiningi pa niya sa akin ang isa sa mga poster para ipakita kay Captain mismo. Sobrang kinilig ako sa nangyari!

Tuloy, sa pag-uwi ko sa amin, hindi ako nakakin ng maayos. Hindi ko rin nagawa ang homework ko. At hindi rin ako nakatulog. Kinilig pa rin ako sa kasabay noon, nag-aalala pa rin ako sa magiging reaksyon ni Captain sa ginawa kong poster. Oo't alam niya ang kakayahan ko, pero paano naman ang kalalabasan ng gawa ko? Hindi ko tuloy naiwasang kabahan para bukas. Baka bukas hindi na niya ako pansinin dahil doon. O baka pa nga sigawan ako't palayasin sa Boxing Club! Kung anu-ano na noon ang naisip ko nang gabing iyon kaya napuyat tuloy ako nang maghalo ang excitement at kaba sa puso ko dahil lang sa ginawa kong poster.

-0-

Pinilit ko noong gumising ng maaga para sa club training. Akala tuloy ng mga kuya ko, nakabatak ako. Subukan kaya nilang matulog habang nag-iisip! Pero siguro nga nakabatak ako noon, tipong tulog ang diwa ko habang may ginagawa akong kababalaghan, dahil pagdating ko sa school, poster agad ni Captain ang sumalubong sa akin.

At hindi lang iyon nag-iisa. Kalat na iyon sa may entrance pa lang. Sa mga bulletin boards. Sa iba't ibang buildings. At pansin kong pirmado na iyon ni Captain, ni Coach, at ng representative ng Student Council. Dumami pa nang nakarating na ako ng gym. At sa pakiwari ko, isa lang ang ibig sabihin noon...

"Mga repapips! Andito na si Mhar!" bigla akong pinalibutan ng mga kasama ko, lahat nakangiti na parang mga hyena. Kung anu-ano na tuloy ang inisip ko dahil sa sobrang puyat, at buti napansin iyon ng iba.

"Wow, mhen!" gulat ng isang kasama ko. "Ano'ng nangyari sa 'yo! Nakabatak ka ba!"

"Hindi ako nakatulog," diretso ko.

"Sa sobrang excitement 'yan!" kindat ng kasama ko kahapon. "Uy, speaking of excitement, hinihintay ka na ni Captain sa loob para i-congratulate ka! Sabi ko sa 'yo, papatok ang poster mo eh!"

Hindi ko noon makuha ang mga sinasabi nila dahil puyat ako't litaw ang utak ko. Ang tanging alam ko lang noon itinutulak na ako ng mga kasama ko papasok ng gym, kung saan naghihintay na doon ang sentensya ko.

-0-

"BILIB NA BILIB na talaga ako sa 'yo, Nishiura! Instant hit ang poster mo! Umpisa pa lang 'to pero tignan mo: hindi pa 'yan mga incoming first year pero blockbuster na ang pila para sa mga gustong sumali! Dahil 'yan sa poster mo! Saludo ang buong Boxing Club sa 'yo TO THE MAX!"

Kulang na lang yakapin na ako't paghahalikan ni Captain sa sobrang tuwa. Kaya pala alas-sais y media pa lang noon ng umaga, puno na ang gym ng mga aplikante, partida puro mga incoming second at third year ang nakapila. Hindi ko alam kung ang ginawa ko ngang poster ang nagdala sa kanila sa gym o curious lang sila sa kayang gawin ng Captain namin... O baka naman katulad ko lang silang sumali lang para magkaroon ng chance na makalapit sa kapatid ni Captain. Gayumpaman, in fairness, nawala ang kabangagan—este ang puyat ko sa nakita ko. Nakakwala nga naman ng antok ang dami ng mga gustong sumali sa team. At para kay Captain, nakakataba iyon ng puso, kaya lalo siyang ginanahan sa training ng araw na iyon na kulang na lang magdamag na kami sa gym ma-accommodate lang ang silang lahat.

"Kayong lahat, makinig kayo! Gayahin n'yo si Nishiura!" at pinagyabang pa niya ako sa lahat. "Mabuting halimbawa siya ng isang dedicated na member ng Boxing Club! Hindi siya nag-atubiling ibahagi ang talento niya sa paggawa ng poster para maisalba ang club natin! Dahil sa kanya kaya tiyak may uusbong nang bagong pag-asa sa team natin! Dapat lang tayong magpasalamat sa kanya!"

"YES CAPTAIN!" sagot nilang lahat.

"At bilang ganti, magsikap pa tayo lalo next year! Di porke't tayo ang National Champion, magpapabaya na tayo! Kelangan nating panatilihin ang title! At hindi iyon imposible kung hindi tayo magtutulungan! Kaya ba natin 'yon?"

"TO THE MAX!" nakisagot na rin ako.

Doon pa lang, nahawa na ako sa pinakawalang energy ni Captain. Lagi naman siya ganoon, eh, kung ako ang tatanungin, pero iyon na siguro ang unang beses na nag-init siya ng husto. Iyon din ang unang beses na naging super-busy ang Boxing Club dahil sa dami nga naman ng mga nagbabakasakali. Doon ko lang naramdaman ang epekto ng ginawa kong poster. Tama nga si Kyoko. Doon pa lang, nakikita ko na ang future ko. Tuwang-tuwa pa si Captain. Sa isang iglap lang nawala ang puyat ko't tumulong na rin sa team. Doon pa lang, nasabi ko rin sa sarili kong ang laki nga ng silbi ko sa team. Mabuti na lang at pinanganak ako sa pamilya ng mga graphic designers!

Sa dami ng mga aplikante, napilitan kaming mag-extend hanggang alas-diyes ng umaga. Pero alas-nuwebe na noon at hindi pa kami nangangalahati. Katunayan, parami ng parami ang mga dumarating kahit na umpisa na ng first period. Oks lang daw, sabi ni Captain, nakakuha naman daw siya ng permiso sa Student Council na puwede kami hanggang lunchtime kaya wala nang problema. Isa pa, hindi lang ang Boxing Club ang busy nang oras na iyon, kaya ganadong-ganado siyang i-train ang mga bagong-dating...

Hanggang sa may pumasok na mga weirdong taong naka-amerikanang itim.

Mga anim silang matitikas na bodyguard. Yung nasa gitna, naka-mohawk pa, pero alam kong bading kasi kulay pa lang ng buhok niya, shocking neon green, me suot pang balahibo ng manok, naka-shades na kumikinang, kumikembot pa habang naglalakad. Me assistant pang pandak na naka-sumbrerong itim na palaka, me hawak na notebook, bolpen, may nakasabit na camera, at mukhang hindi nakatulog ng isang siglo. Huminto ang buong gym sa pagdating nila, ang lahat ng mata'y nasa kanila. Hindi ko alam kung ano ang pakay nila, pero sigurado akong hindi sila naroon para mag-tryout. Imposible kasi sa itsura nila.

At napansin ko na lang ang hawak-hawak ng bakla na kinausap noon ang assistant niya: isang nakarolyong poster. Bigla na lang akong nanigas.

"Franny dear," narinig ko siya, "sigurado ka bang ito ang lugar?"

"Ikaw ang me sabing pumunta tayo rito," sagot ng assistant, "tapos ngayon tatanungin mo ako kung ito nga 'yon?"

Hindi rin siya pilosopo. "Di ka rin etchuserong pagtanungan no? Tinatanong kita diyan ng maayos..."

Dahil kakaiba nga ang ereng pino-project ng mga weirdong MIB, ang coach na namin mismo ang lumapit. "Uh...excuse me, ano po ang kailangan nila?"

"You mean sino," sinagot siya ng bakla. Me pagka-suplado, uh, suplada. "Anyway, ito ba ang Boxing Gym ng Namimori Middle School?"

"Uh...ito nga ho-"

"So ibig sabihin," at biglang ipinakita kay Coach ang napulot niyang poster—at ganoon na lang ang tubo ng question mark sa ulo ko, "kilala n'yo ang nasa poster na 'to. Hinahanap namin siya."

Maging ang lahat ay nagtaka na rin—at si Captain, na nasa poster, na-curious na rin sa kung ano ang kailangan ng mga taong iyon sa kanya. "S-siya ang Captain namin dito," sagot ni Coach. "Ano'ng kailangan n'yo sa kanya?"

"Captain n'yo?" mukhang nagulat ang bading. "Kaya naman pala, Franny dear! Ah, anyway, hinahanap namin siya para ibigay sa kanya ang isang pambihirang opportunity!"

"Ano'ng...opportunity?" maging kami'y nagtaka rin sa kung anong 'oportunity' ang gusto nilang ibigay noon kay Captain, samantalang hindi pa nila sinasabi kung sino talaga sila't ano ang trabaho nila. Kaya para makasiguro, si Captain na mismo ang lumapit sa kanila.

"Ako ang Captain ng Namimori Boxing Club, Ryohei Sasagawa. Me kelangan daw kayo sa akin?"

Diretso't walang kiyeme si Captain, as usual. Pero nahuli ko 'yung bading na napagalaw ang tenga't napakagat-labi nang makita niya si Captain. Hindi ko naman maiwasang kilabutan. "Fran," bigla niyang tinawag ang assistant niya, "take down notes!"

"Yes Madame," sabat sulat sa notebook niya.

"Nakuha mo ba ang pangalan niya?"

"Yes Madame. Captain ng Namimori Boxing Club, Ryohei Sasagawa-"

"Good! Picture!"

"Yes Madame," sabay labas sa camera't bigla niyang sinunud-sunod ang kuha niya kay Captain na parang miyembro talaga ng paparazzi-

"Teka! Teka!" pinigilan sila ni Captain na naiirita na. "Ni hindi pa nga ako pumapayag magpa-picture eh! Sino ba talaga kayo! Ano'ng kelangan n'yo sa 'ken!"

"Fran!" me inabot ang assistant niyang calling card sa kanya. "Baka makatulong iyan para makilala mo kung sino ang babago sa buhay mo starting today."

Binasa niya ang nasbaing calling card, na halos mapakamot na lang kase parang hirap siyang basahin 'yung pangalan ng bading...

"Lus...suria...?" napakamot sa ulo. "Pangalan ba 'to...?"

Nang marinig siya ni Coach, parang kulang na lang mag-freakout na ito sa inasal ni Captain. "S-sabi mo? Lussuria?"

"Uh...opo—"

"PAMBIHIRA kaya pala hindi n'yo kilala eh!"

At mukhang kilala ni Coach 'yung bading. Pero kung makapag-react siya parang anlaki-laki ng kasalanan namin sa kanya.

"Siya lang naman ang isa sa mga pinaka-respetado't pinakahinahangaang fashion designer sa buong mundo! Kahilera niya sina Chanel, Girbaud, at Monique Lhuillier! Kilala siya sa kanyang versatile unisex collections! Pa'no ko nalaman 'yon! Paboritong designer lang naman siya ng asawa ko!"

Natural na hindi namin siya kilala. Ano naman kasi ang ginagawa ng isang tulad niyang fashion designer sa teritoryo ng Boxing Club? Pero nung sinabi niyang hinahanap niya si Captain, tapos bigla na lang inilista ang pangalan niya't kinunan ng litrato, parang unti-unti ko na noong nakukuha ang pakay nila, bagay na ipinag-alala ko ng husto dahil ako pa ang matuturong accomplice slash bugaw. Ang hindi ko lang sigurado ay ang magiging reaction ni Captain kapag nalaman na niya ang pinaka-pakay ng mga iyon.

"At pagkatapos ng halos tatlong buwang paglalakbay at paghahanap sa aking perfect Apollo," drama pa ng designer, "nahanap ko na rin siya sa wakas!"

Sabay turo kay Captain.

Nagkatinginan kaming lahat nang biglang ituro ni Lussuria ang Captain namin. Kung sila at si Captain, walang kaide-ideya kung ano talaga ang pakay ng mga iyon, ako, unti-unti ko na akong nanlata. Alam ko na, kung tutuusin, pero kahit sa sarili ko hindi ko maipaliwanag kung bakit ayokong magsalita kahit gustohin ko. Sa takot na rin siguro kay Captain, kasi ang alam ko sa kanya, hindi siya 'yung tipong kumakagat agad sa kahit anong pakulo lalo pa't busy siya ngayon, at lalo na kung wala iyong kinalaman sa boxing o sa kahit anong contact sport.

Itinuro pa noon ni Captain ang sarili niya para makasiguro. Pero siguradong-sigurado ang designer. "You. Yes, you!" kinumpirma pa niya. "Ikaw! Ikaw ang Apollong matagal ko nang hinahanap para sa aking Sunny Rush Collection! Salamat na lang sa poster na ito't matatapos na rin ang pagdurusa koh!"

"Eh ano ba talaga'ng gusto n'yo sa 'ken!"

"—I want YOU...to be my supermodel!"

At binanggit din niya ang pinakahinihintay na keyword bago makapag-react ang lahat. Tulala lang noon si Captain. Nakaturo pa rin sa sarili niya. Maya-maya, biglang niyaya ni Coach ang dalawa sa office niya't sumunod ang mga eksenang hindi ko na ma-imagine hanggang sa mga sumunod na araw.

Doon ko napagtanto ang naging malaking pagkakamali ko. Noong mag-design ako ng poster para sa Boxing Club, hindi ko inakalang makakatawag ito masyado ng pansin hindi lang sa school, pati na rin sa mga taga-labas pertikular na sa isang bigating fashion designer na naghahanap pala noon ng magre-represent sa mga bago niyang dinisenyong damit. Sinadya man o hindi, ang poster na ginawa ko ang naging nitsa pa ng malaking pagbabago sa buhay ng Captain namin. Wala akong kamalay-malay noon...

Binugaw ko si Ryohei Sasagawa!

...Pero sinadya man o hindi ang pagbugaw ko sa kanya, ito pa rin ang nagtulak sa akin para traydurin ang taong natutunan kong hangaan sa loob ng ring, sa panahon kung kailan pinagbagsakan siya ng langit.

(NOTA BENE: Hidemaru 'Mhar" Nishiura's my first OC, incoming second year sa Namimori Middle School at kasali sa kanilang Boxing Club. Higit pa sa 'pambubugaw' niya sa kanilang Captain ang magiging kasalanan niya sa kuwentong ito, alamin n'yo na lang. English Version's already available, please check that out as well! Salamat!)