RUNWAY RYOHEI

Session Four:

FRAN

Ako si Fran, dalawang taon din noong assistant ng dakilang si Madame Lussuria (*suka*). Ang totoo, na-bore ako sa buhay kaya ipinaampon ako ni ermat sa kanya para naman daw magkasilbi ako. Oo't hilig ko ang photography pero madali akong mabagot sa mga bagay na masyado nang pangkaraniwan sa paningin ko. Palagi na lang ganun, palagi na lang ganyan, wala nang bago. Kaya nga ako pumayag na sumama sa kanya, at least nakakalabas ako ng bansa't nakakakita ng mga bago't kakaiba. Pero ang kapalit, walang katapusang pang-aalipin. Hindi assistant ang turing niya sa akin—houseboy. Alam mo na ang ibig kong sabihin. Pero pake ko? Ang importante, nakakagala ako, nakakakain ng matino, at nakakakita ng bago: tao, lugar, bagay, hayop, pangyayari, pagkain, palabas, etc. Kahit 'yung ugali ni Madame, hindi na bago sa akin.

Kumusta si Madame bilang boss? Isa siyang pangkaraniwang mataray at overconfident na bading na adiktador. Hindi issue ang tungkol sa talent niya, hindi ko kinukwestyon iyon, tutal naman me kanya-kanyang galing ang tao, eh. Maraming pagkakataong nakakairita siya, lalo na pag utos ng utos, kahit ang mga bagay na imposible pinapagawa niya. Pero meron ding mga pagkakataong panay ang puri niya sa akin lalo na sa mga pictures ko. In fairness, sa tulad niyang may pagka-narcissist marunong siyang kumilala ng galing at ganda ng tao. At kahit pagdating sa sarili niya, alam niya ang limitasyon niya. Pero...

Sumablay yata siya nang makita niya't napili ang magiging star niya sa bago niyang collection. Sabi niya siya daw ang reincarnation ng Diyos ng Araw na si Apollo. Pero sa totoo lang, ano ang makikita mo sa isang pangkaraniwang graduating middle school stupident na nagpapalaki lang ng katawan dahil Captain siya ng Boxing Club nila? Pangkaraniwan ang mukha, pangkaraniwan ang katawan, itsura pa lang parang ang unang salitang natutunan niya noong bata pa siya eh 'boxing', so what isa siya sa mga tinatawag na 'campus celebrities'? Hindi ko noon ma-gets si Madame kung anong 'sinag' ang nakita niya sa taong iyon at gustung -gusto niya iyong kunin para mag-represent sa bago niyang collection, samantalang kung ako ang tatanungin wala akong makita sa kanya kundi kintab ng mukha't pawis sa katawan. Pero instincts na ng isang fashion designer ang pinag-uusapan dito, at 'pag sinabi ni Madame na 'siya si Apollo', bilang assistant niya hindi ako puwedeng mag-disagree. Oo na, isa siyang artist, nakikita niya kung ano ang out at kung ano ang in. Pero paano naman ako? Hindi rin ba artist ang photographer? Haynako...

At ito pa. Ang pangalan ng 'Apollo' na iyon, Ryohei Sasagawa. Sus, if I know pangkaraniwan din ang pangalang 'Ryohei' sa Japan. Hindi ko na nga noon ma-reach ang beauty sense ni Madame.

-0-

Matapos matalo ni Madame sa mismong three-round sparring nila ng Ryohei Sasagawa na iyon, malugod naman niyang tianggap ang pagkatalo niya. Nakipagkamay na parang wala lang, at umalis na rin sa ring. Pero matapos noon, buong araw siyang tahimik. Napahiya kasi. Akala ko nga magtititili iyon sa kilig at nahawakan niya ang katawan nuon, yuck, ech ech. Eh sino ba'ng hindi mapapahiya kung 'yung hinamon mo eh 'yung expert pa sa napili nilang hamon at doon pa nagtuos sa teritoryo niya? Akala niya kasi kung sasakyan niya ang gusto nu'n, makukuha rin niya agad ang loob nito. Hindi na batayan dito ang edad at kakayahan ng tao. Umpisa pa lang kasi, hindi talaga athlete si Madame kahit limang taon din siyang nasa Thailand. Kung talagang seryoso siya sa bagay na gusto niyang gawin, kinarir na lang niya sana. Tigas talaga ng ulo.

Dahil doon kaya umalpas mula sa kamay niya ang Apollo niyang tatlong buwan din niya noong hinanap. Sa bandang huli, nasayang lang ang lakad namin. Si Madame, olats na nga sa misyon, me souvenir pang pasa sa katawan. Hindi ma halata noong nasa kotse na kami, hirap siyang tanggapin ang pagkatalo niya. Kalahating araw din siya noong walang kibo. Hindi ko na kinausap para humupa lang ang imbyerna niya sa nangyari. Tsaka yari din ako kapag pinilit ko pa rin siyang kausapin kahit bad trip. Isang beses na akong napalayas sa apartment na tinutuluyan namin noon sa Milan dahil doon.

Pagkauwi sa apartment, nagpabili agad ng isang kaha ng beer ang lola. Binilinan pa akong in case na may tumawag sa kanya, sabihin ko daw either umalis, may sakit, o patay na. Pero alin naman doon ang puwede kong gawing alibi? Umalis siya tapos biglang nagkasakit at namatay? Kung sasabihin niyang nagpakamatay siya, katanggap-tanggap pa. Pero buong araw lang siyang nakababad sa TV na parang naghihintay na lang noon ke Kamatayan na kunin na siya ASAP.

At dahil doon, nasanay man akong makita siyang depressed sa loob ng dalawnag taon, sa pagkakataong iyon wala nang masidlan ang kanyang depression. Suicidal na noon si Madame, na sa kalasingan baka anytime maisipan niyang tumalon mula 11th Floor sa labis na kabiguang naranasan niya sa Japan. Isang buwan na lang kasi noon at ila-launch na ang Sunny Rush Collection sa Tokyo Fashion Carnival na ipinagmamalaki pa mandin niya, at naisip pa niyang sa Japan i-launch dahil sa isa pa niyang napiling model na si Kurenai Picart na makakatambal sana ng fake na Apollo na iyon. Peksman, iyon ang unang beses na naawa ako ako ke Madame Lussuria, at hindi man halata sa itsura ko, banas na banas ako noon ke Ryohei Sasagawa.

Until speaking of Kurenai...saka sumagi sa utak ko ang isang bagay na ngayon ko lang noon naisip at hindi man lang iyon naisip ni Madame.

-0-

Habang busy noon si Madame kasu-swimming sa beer, nasa kuwarto ako noo't kinokonsulta ang aking electronic directory kung saan naglulungga ang pekeng Apollong iyon. Sa isang segundo lang nakuha ko rin ang pakay ko. Kasado na ang plano ko.

"Oi," sinubukan ko noong gisingin si Madame na natulog na lang sa kalasingan, "labas lang ako saglit. Me bibilhin lang ako."

Logtu pa rin. As usual.

Kaya umalis ako na hindi niya nalaman. Nagpahatid ako sa driver niya't tinunton ang address na nakuha ko sa directory. At matapos kong maligaw ng dalawang beses kasusunod sa mapa, at ma-flatan ng dalawang gulong, natunton ko rin ang lungga ng pekeng Apollo na kung tutuusin, walang pinagkaiba sa mga bahay na dinaanan namin.

-0-

Sa mga syudad sa Japan, halos pare-pareho ang itsura ng mga bahay. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ako naligaw. Dalawang beses pa akong nahinto sa maling bahay. Doon ko lang na-realize na nagkakaiba lang sila sa mga pangalang nakapaskil sa mga bakod nila. Doon ko nalaman kung saan siya nakatira. Doon ko rin na-realize kung gaano ako ka-gunggong dahil kung tutuusin dalawang beses ko pa 'yun nilaktawan. Rakenrol.

SASAGAWA

At sa lahat ng mga bahay na dinaana't hinintuan ko sa lugar na iyon, mas malaki iyo't mas disente siyang tignan kesa sa iba na parang medyo angat sa buhay ang nakatira. At kung ito man ang dahilan kung bakit ko iyon nilaktawan, hindi ko na maalala. Ang importante'y nakita ko na noon ang pakay ko para sa plano kong hindi ko pa nga nagagawa, feeling ko na agad magba-backfire. Sinabihan ko ang driver na i-park ang kotse sa lugar na hindi takaw-pansin, saka ako nag-doorbell ng dalawang beses.

Isang cute na babae ang lumabas at nagbukas ng gate. "S-sino po sila?"

"Uh, hello, pasensya na sa istorbo, pero ito ba ang bahay ng mga Sasagawa?"

"Uh...ito nga," pero ito ang hindi ko inasahan. "Teka...pamilyar ka, ah...kasama ka ni Lussuria di ba?"

Sadya nga sigurong maliit ang mundo para mamukhaan niya ako, samantalang hindi ko man lang nakita ni anino niya sa loob ng gym. Sino ba'ng babaeng 'to, tanong ko sa sarili ko. "Kilala mo si Madame?" tanong ko na lang.

"Walang hindi nakakakilala sa creativity + versatility signature ni Lussuria! Kaya nga gustung-gusto ni Mama ang mga gawa niya, eh!"

Maliit nga talaga ang mundo—at least para kay Madame. Una, sabi ng mismong coach ng Boxing Club na paboritong designer siya ng asawa niya. At nang gabing iyon, sinabi ng cute na babaeng iyon na gustung-gusto ng ermats niya ang mga gawa ni Madame. Wala ngang dudang sikat si Madame kahit san pa kami magpunta. Pero sa totoo lang wala na akong pakealam doon. So what? Sanay na akong pinag-uusapan siya ng buong mundo.

Dahil doon kaya wala akong choice kundi ang magpakilala sa kanya ng maayos. "Ako nga pala si Fran, assistant ni Madame Lussuria-"

"Kaya naman pala, eh!" bulalas pa niya. "Ibig sabihin, nandito ka para kay Kuya Ryohei?"

Kung nasa isang quiz show lang ako nung mga oras na iyon, siguro naka-ten points na ako sa paghulang kapatid nga siya ng pekeng Apollong iyon—hindi man kapani-paniwala. Masyado siyang cute at maalaga para maging kapatid ng isang average-looking captain ng kanilang Boxing Club. Peksman. At kung tutuusin, mas puwede siyang maging model kumpara sa kuya niya, good Lord. Bugbugin na ako ni Madame, pero kung dala ko lang noon ang camera ko't kukunan siya ng picture at ikukumpara sa itsura ng kuya niya sa poster at ipamukha iyon sa kanya, mapapatunayan kong walang kuwenta ng kanyang 'sense of beauty'-unless kung matigas pa rin ang kanyang ulo, mabuti pang magpakamatay na lang ako.

"Parang ganun na nga," sabi ko.

Nang bigla siyang yumuko sa harap ko. "I'm sorry!" at humingi pa ng dispensa na medyo ikinagulat ko. "Ako na mismo ang humihingi ng pasensya para sa kuya ko! Hindi niya kasi kilala ang boss mo, eh, pinagkamalan pa niyang taga-ibang school, kaya pasensya na talaga! Lalo na kay Sir Lussuria! Hindi niya 'yon sinasadya-!"

Okay, misunderstanding ang dahilan. Hidni ko ma-gets kung papaano siya nauwi sa ganoong assumption pero nasisiguro ko noong narinig lang niya ang totoong kuwento mula sa iba't nabigyan ng maling interpretation. Pero ang makilala niya ako bilang kasama sa entourage ni Madame, inassume kong kararating lang niya nang matapos ang makasaysayang duwelong iyon. Lalo lang akong naawa sa batang babae dahil doon, siya pa ang nag-sorry para sa kuya niyang tungaw. Kung alam lang niya noon ang totoo...

Ah, ito na ang medyo exciting na bahagi. "Pasok ka muna," yaya niya. "Tatawagin ko si Kuya-"

"Ah, 'wag na," salag ko. "Hindi naman ako magtatagal, eh-"

"Deh, I insist. Tsaka malamig sa labas ngayon. Ano'ng gusto mo, coffee or tea?"

Iba talaga siya. Minsan nagduda pa ako kung magkapatid nga sila. Pero madalas hindi nangyayari to tumutugma sa realidad ang inaasahan mo. Kaya para hindi naman masayang ang kabutihan niya sa akin, nakituloy na rin ako. Maluwang, malinis at maaliwalas ang loob, obvious na galing pang ibang bansa ang chandelier nila sa sala, pero feel at home talaga di tulad sa apartment ni Madame na umaaliwalas lang 'pag naroon ako. Kulang na lang mainit na tsaa, solb na ang sugod-bahay sa kalagitnaan ng gabi. At ganoon na lang ang dasal ko na sana hindi sirain ng pekeng Apollong iyon ang gabi ko.

-0-

"Ba't mo siya pinapasok dito!"

"Huwag mo nang ipairal ang pride mo, Kuya. Humingi ka ng sorry-"

"Hindi 'yon ang inaaalala ko, eh. Baka isipin ni Mama nagpapapasok tayo dito ng hindi natin kilala-"

"Pero kung pababayaan ko lang siya sa labas, baka siya sipunin. Ang bastos naman kung hindi man lang natin siya papapasukin-"

"Oo na, oo na. Sabi mo saglit lang siya't me kailangan sa akin..."

"Makipag-ayos ka na kasi. Malaking tao ang binangga mo. Ikaw din ang mahihirapan pag hindi ka nakipag-ayos..."

Dinig ko ang sagutan nila habang bumababa. Obvious na ayaw akong kausapin ng pekeng Apollo, pero obvious ding under siya ng kapatid niyang babae't wala siyang magawa. Revelation, kung tutuusin, na ang isang tigasing boksingero sa school ay may itinatago palang kalansay sa loob ng aparador niya. Nagkunwari akong walang narinig sa pagdating nila. Pero pagsilip ko, hindi ko naiwasang mapasipol nang bumaba na ang pekeng Apollo. Ibang-iba sa nakita ko nang umagang iyon, parang ibang tao ang dumating. Lalo na nang lapitan niya ako.

"D-di ba," nakilala niya ako, "ikaw 'yung kasama ng kalaban ko kanina?"

"Ako nga," pakilala ko. "Fran, at your service."

"Ryohei Sasagawa," nakipagkamay sa akin.

Ayoko mang aminin, tama na naman si Madame. Nakakapag-iba ng tao ang sense of fashion. Para kang nag-transform at gumanda o gumuwapo sa suot mong ibang-iba sa madalas na nakikita ng ibang tao sa 'yo. Cinderella effect? Puwede. Pero IMHO, mas appropriate na tawagin iyong 'ugly duckling effect' dahil sa kaso ng pekeng Apollo—este Ryohei. Nakakagulat kasi para sa isang mukhang average campus jock na tulad niya na babagay sa kanya ang kahit anong trip niyang isuot. Tulad na lang nung gabing iyon: prim and proper ang loko sa suot niyang white polo, navy blue striped cardigan pullover and off-white jeans. Wala 'yung usual na benda ng boksingero sa mga braso, dyahe naman 'yon sa getup niyang kala mo kung sinong Atenista. Anak naman ng pitumput't pitong puting pating, maganda siyang magdala ng damit. Olats ako.

Kung ito ang sinasabi ni Madame na nakita niya sa kanya ang aurang wala sa halos 1,000 nangarap maging model niya, kabilang na doon ang Hari ng Hangin, no comment muna ako diyan.

-0-

Pinaupo ako't hinandaan ako ng kapatid niya ng langit-sa-bangong Japanese Tea. Pagkaalis niya, saka lang nagslita 'yung pe—uh...este, Ryohei pala. Ewan. Parang hinintay pa niya noong umalis ang kapatid niya bago siya magbukas ng bibig na para bang napakaselan ng pag-uusapan namin. Pero ano ba'ng maselan sa isyu ng modeling industry?

"Pa'no mo nga pala nalaman kung saan ako nakatira?" tanong niya bigla.

"Ganun talaga pag marami kang puwedeng pagkunan ng impormasyon tungkol sa target mo," sagot ko. "Pero hindi na 'yon importante. Aware ka naman kung bakit ako nandito, di ba?"

"T-teka," napalunok,"nanalo ako, di ba? Siya mismo ang nag-set ng mga kundisyon. Isa pa, wala pa ako sa tamang edad para makulong-!"

"Chillax lang, tsong. Walang balak na ganu'n si Madame. Ang totoo niyan, hindi niya alam na nandito ako-"

"HA! Eh ba't ka nandito!"

Uminom muna ako ng tsaa. "Para siyempre ialok sa 'yo ang gustong-gustong ialok sa iyo ni Madame."

Sumeryoso bigla ang mukha niya. "Nakuha n'yo na ang sagot ko sa laban, di ba? Wala akong intensyong saktan ang damdamin ng boss mo, pero hindi ako ipinanganak para maging isang modelo. Me mga pangarap din ako sa buhay. Sorry, pero," sabay tayo, "kahit sabihin pa niyang nasa akin ang kung kung anumang hinahanap niya sa isang modelo, hindi pa rin 'yon sapat para makumbinsi niya ako. Goodnight..."

Tulad nga ng inaasahan sa taong halos ipinanganak na sa loob ng boxing ring. Naawa tuloy ako sa kanya. Hindi pa niya siguro nasusubukan ang mga bagay na wala sa linya niya, sa takot na rin niya na ito pa ang hihila sa kanya pababa. Sa totoo lang, hindi mo 'yon masasabi hangga't hindi mo pa nasusubukan. Iyon sana ang gusto kong sabihin sa kanya kung hindi lang siya nag-walkout agad. Hindi pa nga noon nagiging model, me attitude problem na...

Iyon na mismo ang cue ko para gamitin ang aking trumpcard.

"So," sabi ko, "hindi pa rin ba sapat kahit na...

si Kurenai Picart pa ang makakapartner mo dapat sa launching next month?"

Nagmatigas pa rin. "Kahit si Kurenai Picart pa-"

Paakyat na siya noon nang bigla siyang napatigil. Nagsisimula na noong umikot ang plano ko, pero tuloy pa rin ang acting kong pam-FAMAS.

"Uh...K-Kurenai ba kamo?" tanong niya.

"Oo," sagot ko. "Bakit?"

"Sabi mo," lumapit, "s-si Kurenai Picart dapat ang...makakapartner ko sa launching...k-kung tinanggap ko lang ang alok ng boss mo...?"

"Oo," tumayo ako. "Pero since tumanggi ka pa rin, wala na nga kaming magagawa. Alam mo, kung ako ang tatanungin, di ko pa rin ma-gets kung bakit ikaw pa ang napili ni Madame sa lahat ng puwede niyang piliin (kahit na medyo gets ko na). Sinasabi ko sa 'yo, manghihinayang ka ng husto sa desisyon mong iyan. Sige, nice meeting you na lang..."

Sabay intentional walkout. Sinadya ko 'yon dahil alam kong pinipigilan na niya ako noon dahil lang pangalang binanggit ko—Kurenai Picart. Sino ba'ng hindi magkaka-crush sa half-Japanese, half-French Multimedia Frauline? May bago din siyang pelikula noon na shinu-shoot pa. Pumayag siyang mag-model dahil idol na idol niya si Madame. Tiyak tiba-tiba na naman siya sa mga TV guestings, commercials, movie project at kung anu-ano pa. Walang ayaw na makapareha siya. At kahit sa isang solid boxing freak tulad ni Ryohei Sasagawa, tiyak ang pagkakahulog niya sa patibong ko—sort of. Ang ibig kong sabihin, alam kong kursonada din niya si Kurenai Picart.

Gaya nga ng inaasahan kong mangyari. "SANDALEH!"

Natigilan ako. Tulad ng plinano.

Pero kung kinagat man o hindi ng pekeng Apollong iyon ang offer ko, isisikreto ko na lang sa 'yo. Tutal naman hahantong din naman iyon sa happy ending, isang ending na hindi inaasahan ni Madame. Palibhasa, sa sobrang asa niya na mapapaikot niya ang isang campus jock sa isang pitik lang niya, hindi na niya inisip ang iba pang maliliit pero importanteng detalye, tulad na lang kung papaano binabago kahit ang pangalan ni Kurenai Picart ang puso ng tao. O sino na ngayon sa amin ang mas me utak?

Pero pagdating sa fashion sense, nang makilala ko si Ryohei Sasagawa nang gabing iyon, aminado akong talo ako kay Madame. At least kahit silip lang, naunawaan ko rin kung bakit siya pa, na wala sa listahan ng mga gustong maging mukha noon ng Sunny Rush Collection, at basta na lang pinili. Pero tiyak kong hindi pa iyon ang dahilan, at nakita ko pa ang iba pang dahilan sa paglipas ng panahon. Naisip ko pa noon, kung tutuusin, may potential siya, eh. Huwag lang siyang matulad sa Hari ng Hanging iyon.

(NOTA BENE: Sorry for butchering or canon, LOL-WAIT, this in an Alternative Universe fic, right? Sort of. Anyway, WANTED: TRANSLATORS. If you're a Filipino who can translate these into English, please notify me and I'll be happy to accept it. Of course, it will have to be on my approval before I could publish them Maraming salamat!)