Disclaimer: Hindi ko pag-aari ang Shingeki no Kyojin
A/N: Napag-alaman kong "bandana" pala ang tagalog ng "scarf" at hindi "balabal", patawad.
"At bakit ko naman kailangang paghirapang kunin ang tunay na sa akin?" sigaw ni Mikasa.
"Akin? Huwag kang mangarap, bata. Ako ang nakakita." Tinanggal ni Rivaille ang bandana sa pagkakapulupot nito sa kanyang leeg. Hinawakan niya ito sa dalawa niyang kamay at inilapit sa kanyang ilong. Sininghot ni Rivaille ang bandana na tipong sumisinghot lang siya ng ipinagbabawal na gamot. Nakapikit ang kanyang mga mata, nakangiti, at tila nasa alapaap ang diwa. Sa katotohanan, wala naman talagang amoy ang bandana, hindi rin alam ni Rivaille kung bakit iyon ganoon kaimportante kay Mikasa. Walang halaga sa kanya ang bandanang iyon. Naisip niya lang na asarin si Mikasa kapalit ng pangkukutyang ginawa nito sa kanya.
"Ikaw!" sigaw ulit ni Mikasa. Nasa akama nang susugurin ni Mikasa si Rivaille pero napigilan siya ni Sasha.
Ngumiti si Rivaille. Nagtatagumpay ang kanyang pang-aasar. Pinuri niya ang kanyang sarili sa galing niya sa pag-arte. Pero hindi pa sapat iyon, gusto niyang mas makitang magalit ang tampalasang cadet. Inilapit niya ang bandana sa kanyang pisngi. Hinaplos haplos ng kanyang pisngi ang bandana, kinuha niya ang dulo ng bandana at inilapit sa kanyang bibig. Unti-unting ibinuka ni Rivaille ang kanyang bibig at kasabay rin nito ang paglabas ng kanyang dila.
Tila may malamig na hangin na dumaan sa silid nang oras na iyon. Nakaramdam ng pangingilabot ang mga sundalo sa pinapakitang asal ni Corporal Rivaille. Hindi nila alam kung dapat ba silang matakot o mandiri. Hindi nila alam kung ano ang dapat na gawin, masusuka ba o hahayaan nila si Mikasa na sugurin ang corporal para lang itigil na nito ang paglapastangan niya sa kawawang bandana. Mabuti na lang at sa wakas ay nagparamdam na ang kanilang commander.
"Ahem," ubo ni Irvin.
Hindi na nagugustuhan ni Commander Irvin ang pinatutunguhan ng usapan o sigawan ng dalawang sundalo. Pinagbigyan niya ng ilang minuto na magsigawan ang dalawa nang hindi siya sumasabat sa pag-aakalang maayos nila ito sa kanilang barbarong pamamaraan. Ngunit, imbis na magkaintindihan, lalo pa silang nagkakalabuan.
"Ahem," ulit ni Irvin nang mapansin niyang patuloy pa rin si Rivaille sa kanyang nakakagambalang ginagawa. Sa pagkakataong ito ay narinig na siya ni Rivaille, bagay naman na ipinagpasalamat ng mga cadet at ni Hanji.
"Cadet Ackerman, maupo ka." Naging masunurin naman si Mikasa at mapayapang bumalik sa kanyang silya. "Corporal Rivaille, mabuting lumabas ka muna ng silid na ito. Bumalik ka muna sa iyong squad, magpalamig ka ng ulo at…" huminga nang malalim si Irvin "at pagmunihan mo ang mga nangyari ngayong araw."
Nakasemento ang tingin ng mga cadet kay Rivaille. Maging si Major Hanji ay kanina pa hindi tinatanggal ang pagkakatitig sa kanya. Naisip niya na marahil ay nasobrahan na ang ginawa niyang pag-arte, marahil masyado siyang nadala ng emosyon at imbis na magmukha siyang nang-aasar ay nagmukha siyang katawa-tawa. Ngayon, hindi na siya irerespeto ng mga cadet, para sa kanila isa na lang siyang lalaking may kakaibang pagkahumaling sa isang pulang bandana. Nabaling ang kanyang tingin kay Mikasa. Tila naglaho na ang galit sa mukha nito ngayon. Nakangiti ito sa kanya at tila nagpapakasayang panoorin ang nakakahiyang nangyayari sa kanya. Hindi na kaya pa ni Rivaille na tumayo sa harap ng mga mapanghusgang mata ng mga cadet, lalo na ni Mikasa, kaya minabuti niyang sundin and utos ni Irvin.
"Masusunod," sagot ni Rivaille.
Sa mga tingin pa lang ni Rivaille, alam na kaagad ni Mikasa na nanggagalaiti sa galit ang Corporal. Alam niya, kahit hindi sabihin iyon sa kanya ng corporal ng direkta, na nagsimula na ang giyera sa pagitan nilang dalawa.
Maraming salamat sa lahat ng nagbasa ng unang kabanata, lalo na sa mga nag-iwan ng rebyu! Nawa'y napangiti kayo ng kabanatang ito kahit na maiksi :)
