Natapos din ang mahabang araw ng masinsinang pag-aaral ng mga bagong miyembro ng Scouting Legion. Ang dating mga okupadong silya sa loob ng silid ay unti-unting nabakante sa pag-alis ng mga cadet. Ang malawak at walang laman naman na pasilyo na nagdurugtong sa silid kainan at sa mga silid aralan ay unti-unting nabalot ng mga tao. Dahil sa papalubog na ang araw, nagmistulang kulay kahel ang langit sa labas ng himpilan ng Scouting Legion. Ang bahagyang sinag ng papalubog na araw ay pumapasok sa puwang ng bawat bintana sa pasilyo.

Grupo-grupong umalis ng silid ang mga cadet patungo sa silid kainan para maghapunan. Kagaya noong sila ay nagsasanay palang sa pagsusundalo, magkakasamang naglalakad ang mga matatalik na magkakaibigan; si Bertholdt at si Reiner, si Ymir at Christa, atbp. Ang naiba lang ay may mga grupong nadagdagan at sa kasawiangpalad ay mayroon ding nabawasan. Si Jean na palaging kadikit si Marco dati ay makikitang nag-iisa na lang ngayong naglalakad, samantalang ang dating tatluhang grupo nina Mikasa, Armin, at Eren ay dalawa na lang ngayon.

Makikitang nakikipagtalastasan sa isa't isa ang miyembro ng bawat grupo habang naglalakad. Maririnig sa pasilyo, kasabay ng bawat yabag ng kanilang mga sapatos, ang alingawngaw ng mga takot na bulungan at usapan. Sa dulo ng pasilyo ay makikitang nahuhuli sa paglalakad ang grupo ni Mikasa at Armin. Hindi gaya ng ibang grupo na dinadaan sa pag-uusap ang kaba at takot na kanilang nararamdaman bunsod nang nalalapit nilang paglabas ng pader, si Mikasa at Armin ay minabuting hindi umimik. Paminsan-minsan ay sumusulyap si Armin sa kanyang kaibigan na kanina pa mukhang may malalim na iniisip. Nakatingin nang diretso si Mikasa sa pasilyo, ang kanyang itim na mga mata ay pinatingkad ng bahagyang sinag ng papalubog na araw. Walang mababasang reaksyon o emosyon sa mukha ni Mikasa, hindi kagaya ng ibang cadet na kakikitaan ng takot at pangamba sa kanilang mukha, lalo na pagkatapos nilang marinig ngayong araw ang ilang istoryang kagimbal-gimbal mula sa mga datihang miyembro ng Scouting Legion. Pero, dahil sa matagal ng kaibigan ni Armin si Mikasa, nahuhulaan niya ang iniisip ng kanyang kaibigan base sa ikinikilos nito. Napabuntong hininga si Armin, kumuha siya ng lakas para basagin ang katahimikang bumabalot sa kanila ni Mikasa.

"Mikasa…," ang tuyot na pagkakasabi ni Armin. Tila hindi siya narinig nito kaya inulit niya ulit ang pagtawag sa pangalan ng kanyang kaibigan, "Mikasa."

Tumingin sa direksyon ni Armin si Mikasa. "Bakit?" tanong ni Mikasa, hindi pa rin nagpapakita nang kahit kaunting reaksyon.

"Alam kong may binabalak ka," wika ni Armin.

Napatigil si Mikasa sa paglalakasd nang marinig ang tinuran ni Armin, ang dati niyang walang reaksyong mukha ay nabalot na ngayon ng pagkagulat.

"Ano?" ang nalilitong tanong ni Mikasa.

Sa pagkakakataong ito, tumigil na rin si Armin sa paglalakad at ngumiti nang bahagya kay Mikasa.

"Matagal na tayong magkakilala, Mikasa. Hindi ko alam kung ano eksakto ang binabalak mo, pero alam ko na may binabalak ka." Tumingin si Armin sa kisame na tila nagninilay. "Ganyang ganyan ang itsura mo dati kapag nagbabalak kang ipaghiganti ako sa mga batang umaapi sa akin. Parang nawawala ka sa mundo, tapos titignan ka lang namin ni Eren hangga't sa bumalik ka na sa katinuan, at pagkatapos noon may maganda ka ng plano para mapaiyak yung mga nang-api sa akin."

Nangiti si Mikasa sa ala-ala ng kanilang kamusmusan. Dati rati'y mga malalaking batang hambog lang ang problema nilang tatlo. Noon, ang palagi niya lang iniisip ay kung paano maproprotektahan si Armin sa mga batang naghahari-harian at kung paano niya maiiwas sa pakikipagrambol si Eren. Ngayon, mga higanteng kumakain ng tao na ang kanilang pangunahing suliranin. Hindi na lang si Eren at Armin ang kailangang protektahan ni Mikasa kundi ang buong sangkatauhan na.

"Wala akong binabalak, Armin."

"Alam kong importante sa iyo ang bandanang iyon." Pagsabi pa lang ni Armin ng salitang 'bandana' ay hindi namalayan ni Mikasa na nasa akma na siyang hihipuin ang bandana sa kanyang leeg, ngunit bigla niyang naalala na wala nga pala ito sa kanya sa ngayon. Napansin iyon ni Armin at nalungkot siya para sa kaibigan, kaya minabuti niyang bigyan ito ng bugso ng pag-asa.

"Kausapin natin siya bukas, marahil ay pwede naman siyang pakiusapan," wika ni Armin.

"Matapos ko siyang tawaging pandak? Sa tingin mo mapapakiusapan ko siya?" Hindi alam ni Armin ang kanyang isasagot. May punto si Mikasa. Isa pa, mukhang galit na galit si Corporal Rivaille kanina, at mukhang siya ang tipo ng tao na hindi madaling magpatawad.

Nang mapansin ni Mikasa na natahimik ang kanyang kaibigan ay nilapitan niya ito at ipinatong ang kanyang kamay sa balikat nito.

"Nagugutom na ako, halika na baka akalain ni Sasha na hindi tayo kakain at kainin niya na yung pagkain natin," biro ni Mikasa. Nagsimula nang maglakad si Mikasa patungo sa silid kainan. Hindi na umangal si Armin. Naririnig niya na rin ang kanyang tiyan na gumawa ng ingay dahil sa gutom. Napabuntong hininga siya at sumunod na naglakad sa likod ni Mikasa.

Sa labas ng silid kainan ay maririnig ang ilang usap-usapan. Pagpasok ni Mikasa at Armin sa silid ay biglang tumigil ang mga usapan. Lahat ng mata ay nakatuon sa kanilang direksyon na wari bang sila ang pinag-uusapan nila. Matapos ang ilang segundo ay bumalik na sa kanilang kinakain ang atensyon ng mga cadet. Nakita ni Mikasa ang dismayadong mukha ni Sasha nang makita siya nito na papalapit sa hapag. Napakalinis ng plato sa harap nito na tila ba'y kakahugas lang at di pa nalalagyan ng pagkain. Ang mga mata ni Sasha ay nakatuon sa plato ni Mikasa na puno pa ng pagkain.

"Akala ko di ka na kakain," ang malungkot na tugon ni Sasha.

"Bakit naman?" Naupo si Mikasa sa tabi ni Sasha at nagsimulang kumain.

"Wala lang, naisip ko lang," ang sagot si Sasha. "Akala ko makakadami ako ngayon," bulong niya sa kanyang sarili.

Nagpatuloy sa pagkain ang mga cadet. Walang nagtangkang mag-ungkat sa mga nangyari noong umagang iyon. Makikitang walang ganang kumain ang ibang cadet dahil sa tirang pagkain sa kanilang plato. Marahil ay dahil na rin iyon sa mga nakakasindak na istoryang napakinggan nila kanina. Iniisip nila na ano mang oras, sa oras na lumabas sila ng pader, maaring mangyari iyon sa kanila at sa kanilang mga kaibigan. Tahimik silang kumain. Nakatuon ang tingin ng lahat sa plato sa kanilang harapan, maliban sa ilan, kagaya ni Sasha na malagkit na tumitingin sa plato ng kanyang mga kasamahan na hindi naubos ang pagkain, si Jean na panaka-nakang sumusulyap kay Mikasa, at si Connie na binibigyan si Jean ng mga makahulugang titig sa tuwing mahuhuli niya si Jean na nagnanakaw ng tingin kay Mikasa.

Sa wakas ay natapos na rin ang nakakailang na hapunan ng mga cadet. Agad silang nagtungo sa kani-kanilang mga kwarto upang makapag pahinga. Walang imik na naglakad patungo sa kanilang kwarto sina Mikasa at Sasha. Pagpasok ng pinto, hindi pa man nagpapalit ng damit, ay sumalampak kaagad si Mikasa sa kanyang kama at nagtaklob ng kumot.

"Mikasa, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Sasha.

"Ayos lang. Magandang gabi, Sasha," wika ni Mikasa na nakataklob pa rin ng kumot.

"Ikaw rin."


Mag-aalas dos na nang umaga.

"Akin na lang… tira mo," nananaginip na sabi ni Sasha.

Sa wakas ay narinig na rin ni Mikasa ang hudyat na maari na siyang bumangon. Pagkarinig nito ay dahan-dahang tinanggal ni Mikasa ang kumot na nakataklob sa kanya. Ngayong nagsasalita na si Sasha sa kanyang pagtulog, alam niyang kahit anong ingay ay hindi na ito magigising. Ngunit para makasiguro ay walang ingay pa rin siyang bumangon. Tumayo si Mikasa sa tabi ng kanyang kama, kinuha niya ang kanyang unan at isinilid ito sa ilalaim ng kanyang kumot para kahit magising si Sasha ay aakalain nitong natutulog pa rin siyang nakataklob ng kumot. Kinuha niya ang ilang gamit sa kanyang kabinet. Itinago niya ang kanyang ulo gamit ang talukbong ng kanyang unipormeng balabal na nagmula sa Scouting Legion. Bubuksan na sana ni Mikasa ang pinto ng silid nang biglang

"Hoy."

Halos napatalon si Mikasa nang marinig niya ang boses ni Sasha. Tumingin siya sa direksyon nito at nakitang nakaupo na ito, nakapikit ang mga mata, tumutulo ang laway sa gilid ng bibig, at nakaturo sa kanya. "Ibalik mo…" Bumalik sa pagkakahiga si Sasha at humilik ng malakas na parang walang nangyari. Iniwanan ni Mikasa si Sasha ng isang ngiti at daling lumabas nang kanilang silid.