Bilog at maliwanag ang buwan nang gabing iyon. Ang mga ulap na dati rati'y tumatakip sa mga tala ay tila nagpaparaya ngayon at hinahayaan ang mga bituin na magbigay liwanag sa mundo. Maliwanag nang gabing iyon. Halos hindi na kakailanganin ang paggamit ng ilawang lampara para makakita sa daan dahil sapat na ang liwanag na ibinibigay ng langit. Ngunit, hindi lahat ng lugar sa loob ng pader ay naaabot ng biyaya ng liwanag ng langit. Mayroong isang lugar kung saan ang liwanag ay natatabunan ng kadiliman. Isang lugar na imbis na ang ganda ng kalangitan ang masilayan kapag tumingala ay mga naglalakihang sanga ng puno at mga nakalaylay na baging ang makikita.
Ang nasabing lugar na ito ay matatagpuan sa pagitan ng bago at lumang himpilan ng Scouting Legion. Isa itong kakahuyan na hangga't maari ay iniiwasang daanan ng mga tao kahit na nang mga matatapang na sundalo, lalo't lalo na kapag gabi. May iba pa namang daan kung nanaisin talagang magtungo sa lumang himpilan mula sa bagong himpilan ngunit aabutin ng halos dalawang oras ang paglalakad patungo pa lang at di pa kasama ang pabalik. Pero, kung ang kakahuyan ang babagtasin, na direktang nagdurugtong sa dalawang himpilan, ay aabutin lang ng halos labinlimang minuto ang paglalakad. Mas maiksi ngunit kahindik-hindik.
Nang gabing iyon, isang maliit na liwanag ang nagtangkang lumusob sa kadiliman.
Gamit ang isang maliit na ilawang lampara ay matapang na binagtas ni Mikasa ang masukal na kakahuyan. Diretso lang ang kanyang tingin at lakad. Hindi niya pinapansin ang mga kaluskos na naririnig niya ni ang mga nakakatakot na imahe na tumatakbo sa kanyang isipan. Diretso lang siya. Binilisan niya ang kanyang paglakad. Hindi niya akalain na magiging malaki ang epekto sa kanya nang panandaliang kadiliman. Nakakaramdam si Mikasa ng malalamig na hangin na tumatagos sa kanyang katawan. Hindi mawari ni Mikasa kung talagang tunay na malamig nang gabing iyon o dulot lang ito ng takot na kanyang nararamdaman o pinaglalaruan lang siya ng kanyang imahinasyon. Nararamdaman niya ang mga butil ng malalamig na pawis na tumutulo sa kanyang katawan. Ang kanyang mga kamay at paa ay nanlalamig. At mas lalo pa siyang nakakaramdam ng panlalamig ngayong wala sa kanya ang kanyang bandana. Ang kanyang bandana na nagbibigay ng init sa kanya kahit na gaano pa man kalamig ang dumating na mga panahon.
Sa tulong ng ilawang lampara ay nakikita ni Mikasa ang kanyang kinatatayuan ngunit hindi ang daan na kanyang babagtasin pa lang. Hindi niya tiyak kung ano ang naghihintay sa kanya sa kadilimang iyon pero ano pa man ang mangyari ay diretso lang siya sa pag-asang makikita ang liwanag sa hulihan ng kadiliman.
Hindi nga nagtagal ay nakita na rin ni Mikasa ang liwanag.
Sa paglabas niya ng kakahuyan ay tumambad sa kanya ang isang lumang kastilyo. Sa kabila ng mga baging at lumot na unti-unting bumabalot dito ay kakakitaan pa rin ng ganda ang lumang kastilyo lalo pa't mas pinaganda pa ito ng liwanag ng buwan. Pinatay ni Mikasa ang sindi ng kanyang lampara at iniwan ito sa bukana ng kakahuyan. Hindi niya tiyak kung paano niya hahanapin ang kanyang bandana sa lumang kastilyo. Napakalaki nito at wala siyang plano.
Pumikit si Mikasa at huminga nang malalim. Kasabay ng pagdilat ng kanyang mga mata ay ang paghakbang ng kanyang kanang paa pasulong sa lumang kastilyo. Sa dulo, makikita ang isang malaking pintuan na bahagyang nakabukas. Mukhang tiwalang tiwala ang mga nanunuluyan sa kastilyo na walang mangangahas na lumusob sa kanilang himpilan ngayong gabi. Iyon ang akala nila.
Pumasok si Mikasa at napatanga sa laki ng loob ng kastilyo. Sa gitna ng kastilyo ay makikita ang isang batong hagdanan. Ang mga malalaking bintana naman sa gilid ay nagbibigay ng natural na ilaw sa loob ng kastilyo. Natural na maisip ni Mikasa na sa itaas natutulog ang kanyang hinahanap dahil hindi si Corporal Rivaille ang tipo ng tao na matutulog sa basement kung saan malamang ay marumi. Pumanik siya ng hagdan. Ang bawat hakbang ni Mikasa ay dahan-dahan. Malayo na ang kanyang narating, ayaw niyang masira ang kanyang balak dahil lang sa isang malakas na yabag.
Sa ikalawang palapag ng kastilyo ay makikita ang isang hanay ng mga pintuan- limang pintuan lahat. Kagaya sa malaking pintuan ng kastilyo ay bukas din ang unang pintuan.
Dahan-dahang itinulak ni Mikasa ang pintuan. Sa punto pa lang na nagkaroon ng awang sa pagitan ng pinto at ng dingding na kinakakapitan nito ay narinig kaagad ni Mikasa ang isang malakas na paghilik. Sumilip si Mikasa sa awang at nadismaya na hindi si Corporal Rivaille ang nagmamay-ari ng kwartong iyon. Maliit lang ang kwarto na tamang tama lang para sa isang tao. Nakabukas ang isang malaking bintana na nagbibigay liwanag sa kwarto. Sa tabi naman ay makikita ang isang kabinet na nakabukas, iniluluwa nito ang mga damit na nakapasok dito. Sa gitna ng kwarto ay makikita ang isang kama na okupado ng isang lalaking kulay dilaw ang buhok. May isang bula na namuo sa bibig nito. Salitang lumiliit at lumalaki ang bula sa kanyang bibig sa tuwing siya ay humihinga. Pagkita nito ay biglang nabalot si Mikasa ng temptasyong putukin ang bula sa bibig ng lalaki. Kahit gaano pa siya ka na-eenganyo ay pinilit ni Mikasa na hindi magpatalo sa temptasyon. Isinara niya ang pintuan at pinilit na alisin sa kanyang isipan ang larawan ng bula na lumiliit at lumalaki.
Dumako si Mikasa sa ikalawang pinto.
Muli, dahan-dahan niyang itinulak ang pintuan. Sa awang ay nakita niya na halos kapareho lang ng naunang kwarto ang ikalawang kwarto sa pwesto ng kama, bintana, at ng kabinet. Pero, halos nagmukhang tambakan ng basura ang unang kwarto kung ikukumpara sa ikalawa. Kumikintab ang sahig ng kwarto. Ang kabinet sa gilid ay nakasarado at hindi nagluluwa ng mga damit. Ang kama sa gitna ay hindi kakikitaan ng kulubot, tila pinlantsa muna ang kumot at punda nito bago higaan. Ang may-ari naman ng kama ay parang estatwang natutulog sa gitna nito, marahil ay ayaw niyang kumulubot ang kanyang kumot at punda kaya diretso lang siyang natutulog sa gitna. May pantakip siya sa mata na yung tipong inilalagay kapag gusto ng mga tao na ibabad sa pipino magdamag ang kanilang mga mata para mawala ang mga itim na bagaheng pinaghirapan nilang pagpuyatan ng ilang gabi. Marahil nga ay may pipino sa likod ng pantakip na iyon, kung mayroon man ngang pipino ay ayaw nang malaman pa iyon ni Mikasa. Iniiling ni Mikasa ang ideya ng pagbabababad ni Rivaille sa pipino.
Dahan-dahang pumasok si Mikasa sa kwarto at maingat na isinara ang pinto sa kanyang likuran. Lumapit siya sa kama ng Corporal, sa ikalawang pagkakataon ng gabing iyon ay nabalot ni Mikasa ng temptasyon, ngayon naman ay temptasyong sakalin ang maliit na lalaki sa kanyang harapan. Muli, sa ikalawang pagkakakataon ay pinigilan niya ang kanyang sarili. Pumunta siya sa kabinet sa gilid ng kwarto at maingat itong binuksan. Namangha si Mikasa sa kanyang nakita. Maayos na nakasalansan sa isang sabitang bakal ang mga damit ng Corporal. Ang kanyang mga uniporme ay nasa kaliwang bahagi ng sabitan samantalang ang mga pang pormal niyang damit ay nasa kanan na kung saan ay nakaayos base sa kulay ng damit. Ang kanya namang mga pambahay at pantulog na damit ay makikita sa ibaba ng mga nakasabit na damit, maayos itong nakatiklop at naka-ayos base sa kulay.
Thump Thump
Nakarinig at nakaramdam si Mikasa ng paparating na yabag na nagmumula sa labas ng kwarto. Natigilan siya at nakiramdam sa kanyang paligid. Ilang segundo pa ay dahan-dahang bumukas ang pintuan ng kwarto. Nagsimulang mataranta si Mikasa. Siguradong malilintikan siya sa oras na may makahuli sa kanya. Iginala niya ang kanyang mga mata sa loob ng kwarto sa pag-asang makahanap ng matataguan hangga't sa nakita niya ang kabinet sa kanyang harapan. Bahagya siyang nakaramdam ng panghihinayang dahil tiyak na magugusot ang mga damit sa loob ng kabinet sa oras na magtago siya rito. Pero nang maisip niya na kung si Corporal Rivaille naman ay ayos lang ito, magiging isang karangalan para kay Mikasa na guluhin ang kabinet lalo na kung para mahanap ang kanyang bandana. Itinago ni Mikasa ang kanyang sarili sa loob ng kabinet, nag-iwan siya ng maliit na awang nang kanyang isinara ang kabinet para makita niya kung sino ang bisita ng Corporal. Nang tuluyan nang nakabukas ang pinto ay dahan-dahang pumasok ang isang lalaking nakasuot ng puting pang-itaas at pajama. Sabog-sabog ang kanyang itim na buhok ngunit buhay na buhay ang kanyang malalaking kulay berde na mga mata.
"Eren," bulong ni Mikasa sa kanyang sarili.
Sa ikatlong pagkakataon ay nabalot ng temptasyon si Mikasa, gusto niyang lumabas mula sa kabinet para mayakap niya si Eren pero minabuti niyang manatili muna sa kanyang pagkakatago para malaman niya kung ano ang pakay ni Eren sa kwarto ni Corporal Rivaille. Lumapit si Eren sa kama ng Corporal. Iginala nito ang kanyang mga mata sa kwarto, lumapit siya sa kabinet nang madaanan ito ng kanyang mga mata. Lumapit siya sa kabinet at nasa akma nang bubuksan ito nang biglang lumabas sa kabinet si Mikasa.
"Mika…," Itinakip ni Mikasa sa bibig ni Eren ang kanyang kanang kamay para pigilan ito sa pagsasalita samantalang iyinapos niya naman sa baywang ni Eren ang kanyang kaliwang kamay, at ang kanyang ulo ay malumanay niyang ipinatong sa balikat ni Eren.
"Anong ginagawa mo rito?" ang mahinang tanong ni Mikasa.
"Uhmm," ungol ni Eren.
"Bakit?"
"Uhmm," ungol ulit ni Eren.
Ini-angat ni Mikasa ang kanyang ulo at tinignan ang mukha ni Eren. Doon niya lang napagtanto na nakatakip nga pala ang kanyang kamay sa bibig ni Eren.
"Patawad," bulong niya. "Anong ginagawa mo rito?"
"Nakita ko kanina na may suot siyang bandana. Alam kong iyo ang bandanang iyon pero gusto kong makasiguro bago ko siya kumprontahin." Itinuro ni Eren ang tao sa kama nang hindi lumilingon dito, nakatuon pa rin ang kanyang mga mata kay Mikasa. "Nandito ako para kumpirmahin kung sa iyo nga iyon."
"Oo, sa kanya nga iyon."
Sa likod ni Eren nanggaling ang boses. Nakita niya na nanlalaking nakatingin ang mga mata ni Mikasa sa kanyang likuran. Dahan-dahan siyang umikot. May ideya na siya kung ano ang kanyang makikita sa kama kung saan nanggaling ang boses at kung saan nakatitig si Mikasa.
Narealize ko na napakahirap pala talagang magsulat sa Filipino, ang daming dugo ang nawala sa akin sa pagsulat ng kabanatang ito haha. Sana naenjoy niyo naman ito :)
