Hindi nga nagkamali si Eren. Paglingon niya ay nakita niya ang kaniyang heichou na nakaupo sa kama, nakapamewang, nakakunot ang noo, nakataas ang kanang kilay, ang pantakip nito sa mata ay nakasabit sa kanyang kaliwang tainga, at may pipinong nakadikit sa pisngi.
"May sarili naman kayong kwarto diba? Bakit niyo naman naisipang sa kwarto ko maglandian?" ang naiiritang tanong ni Rivaille.
"Ah, heic-" Hindi pa man halos nasisimulan ni Eren ang kaniyang makabagdamdaming paliwanag ay bigla na siyang pinutol ni Mikasa.
"Nanggaling na rin sa bibig mo na sa akin nga ang bandana! Ibalik mo na bago pa magdilim ang paningin ko!"
"Teka lang Mika-" ang sabi ni Eren ngunit bigla siyang pinutol ni Rivaille.
"Wala akong naaalalang sinabi ko iyon," wika ni Rivaille sabay ngiti ng abot hanggang tainga.
"Hayop kang pandak ka! Kasasabi mo pa lang nakalimutan mo na agad!" ang nanggagalaiting sabi ni Mikasa.
Napatayo si Rivaille nang marinig niya ang tinuran ni Mikasa. Agad pumagitna si Eren ngunit hinawakan siya ni Rivaille sa kaniyang balikat at hinawi gamit lamang ang isang kamay. Tumilapon si Eren sa kama ni Rivaille.
"Eren!" ang sigaw ni Mikasa. Lumapit si Mikasa kay Eren upang tulungan ito.
Pagkaalis ni Mikasa sa harapan ni Corporal Rivaille ay tumambad sa corporal ang kaniyang kabinet. Ang dating maayos na nakasalansang mga damit ay gulo-gulo na, ang mga damit na nakaayos naman base sa kulay ay naghalo-halo na, ang mga damit niyang plantsado ay gusot-gusot na, at ang pinakamasakit, ang kaniyang mga damit na nakatiklop ay may mga marka na ng sapatos at putik.
"Ayusin mo ito," ang utos ni Rivaille na nakaturo sa kabinet.
"Ibalik mo muna ang bandana ko," sabi ni Mikasa.
Humarap si Rivaille kay Mikasa at Eren, ang pipinong nakadikit sa kanyang pisngi ay nalaglag dahil sa labis na pagkakunot ng kaniyang mukha, marahil ay dahil sa sobrang galit.
"Bata, alam mo ba ang parusa sa mga nahuhuling nagnanakaw?" tanong ni Rivaille.
Tumayo si Mikasa mula sa kaniyang pagkakaupo sa tabi ni Eren at humarap kay Rivaille.
"Hindi ako nagnanakaw, binabawi ko lang ang gamit ko," ang malumanay pero maangas na sabi ni Mikasa na ang mukha ay ilang pulgada lang ang layo sa mukha ni Rivaille.
"Sige, sabihin na nga nating pumunta ka rito para bawiin ang bandana. Pero paano siya? Pumunta siya rito para nakawin ang bandana." Itinuro ni Rivaille si Eren.
"Teka lang heichou, pumunta ako dito para tiyakin ko lang na kay Mikasa nga ang bandana," sabat ni Eren na nakaupo sa kama.
"Kapag isinuplong ko ang halimaw na iyan sa mga kinauukulan sa tangka niyang pagnanakaw... at mapunta siya sa kamay ng Military Police, alam mo na siguro ang mangyayari?" banta ni Rivaille na hindi pinansin ang mga sinabi ni Eren.
Alam ni Corporal Rivaille na kung ipipilit niya na si Mikasa ang parurusahan ay hindi iyon uubra. Alam niya na walang pakialam ang bata sa kung anong mangyayari sa kanya pero, kung si Eren ang kaniyang aatakihin ay mukhang malaki ang pag-asa niyang manalo sa larong ito.
"Wala kang ebidensiya na pinagtangkaan kang pagnakawan ni Eren," sabi ni Mikasa, ang angas sa kaniyang tono kani-kanina lang ay napalitan ng pagkayamot.
"Hindi ko na kailangan pa ng ebidensya. Isuko ko lang si Eren sa Military Police at dagdagan ko lang ng konting pagsisinungaling at pag-arte, tapos na ang kaso," ngumiti siya, "alam mo namang magaling akong umarte... medyo nasobrahan nga lang kanina," dagdag pa niya. "Isa pa, alam mo naman kung gaano kagusto ng Military Police na mapasakamay nila si Eren. Iyon, dagdagan pa ng kitid ng utak ng mga tao sa Military Police, alam mo na ang mangyayari."
Tumayo si Eren at nagtangkang magsalita pero agad na itinakip ni Mikasa ang kaniyang kanang kamay sa bibig nito. Huminga nang malalim si Mikasa at pilit na pinigilan ang kaniyang kamao na itama sa panga ng lalaki sa kaniyang harapan.
"Anong gusto mo?" tanong ni Mikasa, ang kaniyang mga mata ay nanlilisik.
"Nabalitaan kong ikaw ang pinakamagaling sa inyong klase. Ibig sabihin lang noon na marami kang talento, hmmm… kailangan nating hasain ang mga talento na iyan."
"Ibig sabihin?" tanong ni Mikasa.
"Ibig sabihin gusto kong tulungan ka na hasain ang iyong talento, sayang naman kung hindi magagamit. At magaganap lang iyon kung papayag kang maging apprentice ko? Ay teka, bakit ba kita tinatanong e wala ka namang pagpipilian kundi 'Oo' at 'Oo' lang." ika ni Rivaille, ang kaniyang kanang kamay ay nakahawak sa kanyang baba at umarteng nag-iisip.
Alam ni Mikasa na ang ibig sabihin ni Rivaille ng salitang 'apprentice' ay 'alalay' o 'utusan'. Sa mga titig pa lang sa kaniya ni Rivaille ay alam na niya na hindi maganda ang kahihinatnan nito. Pero naisip rin niya na para ito kay Eren at pagkakataon din ito para mabawi niya ang bandana. Isa pa, magkakaroon din siya ng pagkakataong isabotahe si Rivaille at makapaghiganti rito ngayong gagawin siya nitong alalay. Sabi nga sa isang sikat na kasabihan, "Panatilihin mo ang iyong mga kaibigan na malapit sa iyo pero ang iyong mga kaaway na mas malapit sa iyo."
"Rivaille Heichou, isa pong karangalan ang maging apprentice ninyo," sagot ni Mikasa. Iyon ang unang pagkakataon na tinawag ni Mikasa si Rivaille sa kanyang pangalan at ranggo.
Alam din ni Rivaille na may ibang binabalak si Mikasa, na hindi magpapatalo ng basta basta sa kanya ang bata, bagay na gusto niya. Medyo nababagot na rin siya at naghahanap ng mapaglilibangan, at ang bata sa kaniyang harapan ay handang makipaglaro sa kaniya.
"Mabait na bata, kung parati kang ganiyan ay baka ibigay ko na lang sa'yo ang AKING pulang bandana," pang-aasar ni Rivaille na idiniin ang pagkakasabi sa salitang 'aking'. "Magsisimula ka na bukas."
Sa wakas ay tinanggal na rin ni Mikasa ang kanyang kamay sa bibig ni Eren.
"Mikasa, aalilain ka niya! Wag mo 'tong gawin."
"Eren, hindi yun magagawang gawin sa akin ni Rivaille Heichou. Wala kang karapatang husgahan siya," pa-inosenteng sagot ni Mikasa sabay ngiti kay Rivaille na ngumiti rin sa kanya.
Ang ngiting iyon ang tanda na opisyal nang nagsimula ang laro sa pagitan nilang dalawa.
Sa silid kainan ay maagang nag-agahan ang mga bagong miyembro ng Scouting Legion. Dahil sa kakaunti lang ang narecruit ngayong taong ito, bakante ang halos lahat ng lamesa sa silid kainan maliban sa isang mahabang lamesang kahoy.
"Wala nanaman si Mikasa," nag-aalalang sabi ni Armin.
"Wala na siya sa kanyang kama kanina paggising ko. Akala ko nga noong una tulog pa rin siya na nakataklob ng kumot, yun pala unan lang yun at hindi si Mikasa," ika ni Sasha.
"Baka naman di na napigilan ni Mikasa ang tawag ng kaniyang laman at pinuntahan na si Eren," buong kumpiyansang sabi ni Connie.
Lahat ng tao sa lamesa ay napatingin kay Connie.
"Loko lang iyon ah," depensa niya. "Ahh Jean, sa tingin mo, nasaan si Mikasa?" tanong ni Connie sabay kindat kay Jean.
Lahat ng mata ay napunta kay Jean.
"Bakit ba kapag naiipit ka na palagi mo na lang ipinapasa sa akin ang atensyon?" pagalit na tanong ni Jean.
"Hindi ah," pa-inosenteng sagot ni Connie.
"Pero Jean, seryoso, sa tingin mo nasaan si Mikasa?" tanong ni Bertholdt.
"Bakit ba ako ang tinatanong niyo?"
Nagkatinginan ang lahat ng tao sa lamesa at sabay-sabay na ngumiti kay Jean.
"Te-ka, nakakatakot kayo! Ano bang nginingiti-ngiti niyo?" Namumulang parang kamatis ang mukha ni Jean, ang kaniyang mga kamay at paa ay nagpapawis at nanlalamig.
"Sus, nagmamaang-maangan ka pa!" sigaw ni Ymir.
"Hindi, mali ang-" Hindi pa man natatapos ni Jean ang pagdepensa niya sa kaniyang sarili nang biglang may nakita siyang pamilyar na pigura na dumaan sa pinto ng silid kainan. "Hindi ba si Mikasa iyong dumaan?"
Napatingin sa pinto ang mga cadet, wala silang nakita.
"Wala naman ah," sabi ni Christa.
"Lumagpas na kasi siya." Tumayo si Jean at lumabas ng pinto, sumunod din sa kaniyang likuran ang ibang cadet.
"Si Mikasa nga iyon," pagkumpirma ni Armin.
"Teka, si… ano ba yung kasama niya?" nagtatakang tanong ni Sasha.
"Si Corporal Rivaille.. pero bakit? At bakit andaming bitbit na panglinis ni Mikasa?" tanong ni Jean na parang nabunutan ng tinik sa dibdib nang makita si Mikasa.
Guluhin niyo na ang buhay ni Corporal Rivaille, wag lang ang kaniyang kabinet haha.
