Sa daigdig na ito, ang kaluluwa ng mga taong namatay ay nananatili sa loob ng libingan kasama ang sariling bangkay ng patay na katawan ng tao, ang kaluluwa ay ang hindi nakikitang liwanag na nasa loob ng katawan, kung saan ang mga pangkaraniwang mortal ay hindi nakikita ang liwanag na ito, kung ang patay na tao ay nagkalasug-lasog ang kaniyang katawan dahil sa aksidente, ang kaniyang katawan at kaluluwa ay hindi naghihiwalay sa mahabang panahon, kung ang patay na tao ay nagiging alikabok, humahalo din ang kaluluwa ng taong ito sa katawan niyang naging alikabok, at kung ipinangangalat ito ng hangin, sumasama rin ang ga-pulbos na mga liwanag saan man ito ipinapadpad ng hangin. pagdating ng huling panahon, ito'y kusang maiipon sa iisang lugar, ang maliliit na ga-pulbos na liwanag ay ang kaluluwa na ipinapadpad ng hangin. ang kaluluwa ay humahalo sa alikabok kapag bumalik na ang katawang laman sa lupa. samakatuwid, ang lupa ay napupuno ng kaluluwa ng mga patay na tao.

Ang mga maliliit na alikabok ay nagkadikit-dikit sa isa't-isa, at naiipon ito sa iba't-ibang lugar, ito'y nagkaroon ng hugis, ito'y hugis kabaong. kung saan inilibing ang isang bangkay, naroon din ang mga alikabok na hugis kabaong. kung ang parte ng katawan ng patay na tao ay nakakalat sa iba't-ibang lugar, ito'y kusang maiipon sa lugar kung saan niloob ng Tagapaglikha. ang kabaong na gawa sa alikabok ay naging gawa sa kahoy. sa loob ng kabaong na gawa sa kahoy ay may nakahiga ritong bagong nilalang na may nagliliwanag na katawan. ang kabaong ay bahagyang umuusok dahil sa apoy na pumulupot sa buong sandaigdigan. usok na mula sa kabaong, usok na mula sa kapaligirang nasusunog, at ang nagliliwanag na usok mula sa nakahiga sa mga kabaong.

Nagising si Tupi sa mahabang pagkakahimlay sa libingan. nasabi niya sa sarili niya, "Ahh! Ang haba ng tulog ko ah!" Nasambit niya ito na parang taong naalimpungatan at nagising sa tanghaling tapat. inayos niya ang kaniyang mahabang puting buhok na abot hanggang balikat, dahil ito'y nakatabon ng bahagya sa paningin niya, namatay siya sa edad na ochenta y uno, sa pinaghigaan niyang ataul ng mahabang panahon ay bumangon siya.

Gayundin ang mga patay na kasama niya na nagising dahil sa matinding ingay at ugong ng trumpeta na animo'y parang siren ngunit iba ito sa ordinaryong siren dahil niyanig nito hindi lang ang buong lupa kundi pati na rin ang buong sangkalangitan.

Gayundin ang mga libingan ng mga kakalibing pa lamang na mga patay na tao ay nangabuksan at ang kanilang naagnas na bangkay ay napalitan ng bago at nagniningning na katawan, animo'y kinain ng bago ang luma. kung ang kaluluwa na dati ay nakasuot ng nabubulok na damit, ito'y nadamitan ng bago.

Hindi makapaniwala si Rocky sa tanawing nakikita sa paligid niya, ng magising din siya sa pagkakatulog, katulad lang din noong hindi pa siya pinapanganak, ang panahon ng walang hanggang kawalan ng malay-tao hanggang sa loob ng sinapupunan ng kaniyang Ina ay sandali lamang, sa kabila ng katotohanang matagal ng panahong umiiral ang sanlibutan.

Gayundin naman siya na nag-iisip kung gaano na siya katagal sa pinaghigaan niyang kabaong, gayong napakadali lang ang nagdaang mga taon. sa dalawampung kisapmata ay nagbalik ang malay-tao niya.

Habang tumayo siya sa kaniyang pinaghigaan kabaong, nakatingin siya sa kaniyang nakabukas na palad, at pinagmamasdan ang karingalan ng kaniyang bagong katawan. kahit kulubot ang kaniyang balat dahil sa katandaan ay naramdaman niya na iba ito sa dati niyang kalagayan.

Ang kabaong kung saan sila humiga ay tuluyan ng nilamon ng apoy sa paligid nila, gayunman, hindi sila nasusunog, ni nakakaramdam ng matinding init.

Noong hindi pa sila magkakilala ni Ka-Tupi ay nagtatrabaho siya bilang isang sekyu na nakatoka sa paghahatid ng pera sa mga banko, kalaunan ay naging isa siya sa mga kaanib ng bagong tatag na relihiyon ni Ka-Tupi at naging kanang kamay nito, nahulog sa kaniya ang tiwala ni Pastor Tupi, kaya siya ang may hawak sa pananalapi ng kanilang relihiyon, sa gilid niya ay nakita niya ang isang taong pamilyar sa kanya, tinanong niya si Pastor Xanchyz,

"Hoy! kapatid na Tupi! akalain mo magkatabi lang pala tayo ng libingan? hahaha! nagkataon lamang ba ito o itinadhana ng mga kapangyarihan sa kaitaasan?"

Sagot ni Tupi "ngayon naalaala ko na ang lahat, kailangang linisin ang dapat linisin." nasambit niya ito dahil ang ilan sa mga taong hindi pinalad na makapunta sa langit ay susunogin sa apoy na panlinis magpakailankailanman.

Nasabi niya ito habang nakatingala sa langit at may naaninag siyang maliit na ilaw sa malayong hilaga papalapit sa kanilang lokasyon.

"Ang seryoso mo naman Ka-Tupi kakagising lang natin eh trabaho na agad?"

sabi ni Rocky habang nangungulangot at pinapagpag niya ang suot niyang puting polo na hindi transparent na may mahabang sleeves, maitim na slacks, at black shoes, tanaw rin niya ang maliit na liwanag na paparating sa kanila.

"Wala tayong magagawa diyan kapatid na Rocky dahil yan ang kalooban ng ating Panginoong Si Yuwe, ginaganap lamang natin ang ating tungkulin para sa Kaniya."

tugon ni Tupi kay Rocky habang inaayos nito ang kaniyang sariling kuwelyo.

Ganito na lamang magsalita si Ka-Tupi dahil sa kanyang masidhing debosyon sa kinikilala niyang Dios. para sa kaniya, mas mahalagang sundin ang tuntunin at batas na pinasulat niya sa isang aklat.

Pitong daang libong taon ang nakakalipas ng mamatay si Ka-Tupi, ngunit hindi niya alam kung ilang taon na ang lumipas, ang alam lang niya ay parang natulog lamang siya sa katanghalian tapat at nagising sa may dapit-hapon, ang kaniyang isipan ay presko, magaan ang pakiramdam ng kaniyang bagong katawan, ang suot niya sa Kaniyang kabaong ay puting polo na may long sleeve, black trouser at black shoes.

Ngunit sa pagdaan ng mga panahon,

ang libingan, ang kabaong,

at ang katawan ay naging alikabok na, naibalik lang uli ito sa dati nitong anyo ng bumagsak ang apoy mula sa sangkalangitan. ito rin ang araw na ang lahat ng mga patay ay bumangon sa kanilang libingan.

Kung ano ang suot niya noong inilibing siya sa cementeryo, yun din ang suot niya noong magising siya sa araw ng paghuhukom, ang nabulok niyang katawang bumalik na sa pagka-alikabok sa pagdaan ng maraming panahon gayon din ang kaniyang damit ay naging bago ulit na may ibayong ningning, kintab, at liwanag kaysa noong binili ito sa pamilihan ng mga mamahaling damit.

Maya-mayâ ay malapit na sa kanila ang liwanag at sa gitna ng liwanag ay nakita nila ang isang babae, kulay puti ang buhok, kulay asul naman ang mata ng babae, nakasuot siya ng kuwintas na may centerpiece na lapis lazuli, at may mapuputing pakpak na gaya ng isang puting kalapati.

Sa mata ng mga nakakakita, Siya'y karapatdapat pintakasihin lalupa't maikukumpara ang kanyang anyo sa isang walang dungis na birhen.

Nagliliwanag ang paligid sa presensiya ng Babae at ang suot nitong mahahabang damit na animo'y yari sa seda ay transparent.

Nagsisigawan ang ibang mga patay na nagising sa libingan.

"Ito na ang hinihintay natin! ang Anghel ng Panginoon Yuwe!" Ang mga mata ng mga taong nagsasabi nito sa malakas na boses ay parang kumukutikutitap na kristal, at ang kristal na ito ay umaagos sa pisngi nila!

maluha-luha ang mga tao sa paligid dahil sa galak na nadarama nila.

Katulad ng isang batang matagal ng hindi nakapiling ang kanyang minamahal na Ina ng mahabang panahon, ang mga tao ay sumusunod sa babae saan man siya naroroon gamit ang kanyang mahiwagang mahika, siya'y nakalutang, parang balahibo ng ibon na ipinapadpad ng hangin.

Magaan ang pakiramdam nila at nakakita sila ng isang makalangit na nilalang sa gitna ng kaguluhan, pagkawasak, at naglalagablab na apoy na tumupok sa lahat ng gawa ng kamay ng tao sa lupa.

At ang dagat ay natuyo sa matinding init at napalitan ito ng dagat na apoy, ang araw ay hindi maaninag ng mga tao sapagkat ito'y wala na.

Nagsalita ang babae habang nakalutang ito sa ere, animo'y hindi na kailangan ang kaniyang pakpak sa paglipad, dahil hindi siya gumagalaw sa kinaroroonan niya.

"Sumunod kayo sa akin, ang aking pangalan ay "_ "sa inyong wika ang aking pangalan Ay Venus o Ishtar,"

Ang pangalan ng mga tao, bagay, mga hayop at pangyayari ay binubuo ng titik, at ang bawa't titik ay kumakatawan sa bawat tunog na maaaring mabigkas ng bibig ng tao, ngunit kung ang bawat titik ng pangalan ng isang nilalang ay hindi mabigkas ng kahit sinomang tao, sinong nakakaalam kung paano bigkasin yaon?

Sumigaw si Rocky "isa kang demonyita!"

"Mga kapatid huwag kayong sumunod dyan!"

Galit na galit na tugon ni Rocky sa nakakahikayat na salita ng anghel. "..dadalhin lang kayo niyan sa kapahamakan!"

"Ako Si Ishtar! Sumunod kayo sa akin, Pakiusap! matagal kong hinintay ang pagkakataong ito upang makasama kang muli!" sabi ng nakakabighani na tinig ng babae na nagngangalang Ishtar, nakatutok siya sa direksyon kinaroroonan ni Ka-Tupi, habang ikinukumpas niya ang kaniyang dalawang kamay na parang kundoktora sa isang orkestra, walang anu-ano ay may bilog na liwanag na sari-saring kulay na lumabas sa ibabâ ng kaniyang paa, kasabay ng paglaki ng bilog at patag na liwanag ay nadaragdagan ang mga titik na hindi mabasa ng mga nakatingin. ito'y lumubo na kasing-laki ng dalawang hektarya sa harapan nila

"Magic Circle!" Naisambulat kaagad ng Pastor. "Napag-aralan namin ito noong nasa kolehiyo pa ako, hindi ko aakalain makakakita ako ng ganyan, ito ay sumisimbolo sa kapangyarihan ni Enlil!" sabi ni Ka-Tupi na bakas sa mukha ang pag-alala. kaya tumakbo siya papalayo sa bilog na liwanag, na sinundan naman ni Rocky.

Noong nag-aaral pa lamang si Tupi sa pagka-pastor ay itinuro sa kanila kung ano ang magic circle, ito ay geometrical pattern na walang kapangyarihan sa kanilang mundo, minsan ay napapatanong na lamang sila kung bakit pa itinuro ang walang saysay na simbolong ito, ngunit sa pagkakataong ito ay ginamit sa harapan nila ang kapangyarihan nito.

"Tama nga ako Ka-Tupi, siya ay hindi anghel ni Yuwe kundi isang demonyita na nagpapanggap na anghel!" Pagsang-ayon ni Ka-Rocky sa konklusyon ni Ka-Tupi.

Pagkaraan ng sampung kisapmata ay bumaba ang nasabing magic circle sa lupang tinatapakan nila, doon patungo ang mga taong nabighani sa kagandahan ni Ishtar.

Isa sa mga nagising sa libingan ay si Jake, siya ang nagsisilbing driver ni Ka-Tupi noong nag-aaral pa siya sa pagka-pastor, lumayo ang loob niya sa Pastor noong nakapagtapos na sa kolehiyo Si Ka-Tupi, dahil lagi siyang sinisita sa mga gawain niyang labag sa itinataguyod ng kanilang relihiyon, at batas ng tao, kagaya ng pambababae, paglalasing, pagsusugal at mga gawaing ilegal.

Ang kaniyang matipunong katawan na hinubog ng maraming taon sa pagtatrabaho ay nakakaakit ng maraming mga babae sa isang nightclub na malapit sa kaniyang pinagtatrabahoan, kaya kahit na hindi siya nakatapos ng pag-aaral sa highschool ay mayroon naman siyang negosyong talyer na namana niya sa kaniyang tatay.

"Kapatid na Rocky paano mo nasabi yan sa napakagandang anghel na pinadala ng Panginoon Yuwe upang ating maging tour guide sa langit?" Malabo man ang mata dahil sa katandaan ay magaling pa rin kumilatis ng kagandahan si Ka-Jake.

Nasabi niya ito habang inaayos niya ang kaniyang salamin sa mata, at nakaakbay Siya kay Rocky na may ibayong paghanga at naapektuhan ng charisma ng anghel.

Sumagot si Rocky, na may pasukdol na boses, animo'y isang ama na galit na galit habang pinangaralan ang kaniyang pasaway na anak.

"Yan ang nakukuha mo dahil tulog ka palagi sa mga sermon ni Pastor Tupi, lagi ka pang absent sa ating mga fellowship!

Lesson No.13 huwag padadaya sa hitsura ng isang magandang anghel o ng sinumang umaangkin na tagadala sila ng mensahe, o pinadala sila ni Yuwe na taliwas sa turo ng aklat kahit na ang nasabing anghel ay nakakahikayat ang hitsura!

Kahit anghel man o kahit anong nilalang na iba o kabaliktaran, o sinsay sa turo ni Ka-Tupi ay dapat nating itakwil!"

Maya-mayâ ang ilan sa mga patay na nagising ay nagsisunod sa anghel dahil na rin sa charisma at alindog nito, sumunod ang mga tao sa nilalang.

Nagsimulang magsalita at sumigaw si Tupi,

"Huwag kayong sumama diyan, hindi yan ang susundo sa atin, kailangan na nating pumunta sa pintuan..." Ayon sa turo ni Ka-Tupi, noong dating buhay niya, ang pintuan ay lugar kung saan ang mga tao ay nag-uunahang makapasok.

Habang hindi pa natatapos magsalita si Ka-Tupi ay sumagot ang mga tao na may titig ng paghihimagsik,

"Sino ka ba at pakikinggan ka namin?"

Hindi siya pinakinggan ng mga tao dahil hindi na siya kilala ng mga ito, o nabuhay ang mga ito na hindi kilala si Ka-Tupi at hindi nakapakinig ng kaniyang mensahe, o ayaw lang talaga nila kilalanin si Tupi dahil nahalina na sila sa alindog ng babaeng tumatawag sa kanila, hindi alam ni Ka-Tupi ang dahilan. Sa kanilang paningin ay nakakita sila ng isang Diosa at sa ganang kanila ay sapat na yun upang sumunod kay Ishtar.

•••

Noong veintisiete años pa lamang si Ka-Tupi ay Nagtayo siya ng relihiyon, Ang pangalan ay Taga-linis ni Yuwe, Samahan ng Katotohanan at Walang Hanggang Kapayapaan Incorporated, maliit lamang ang samahan na ito na may limang libo apat na raan at tatlumpu't pitong kaanib.

Lagi nitong sinasabi sa Kaniyang mga Sermon: "Mga Kapatid! ang katapusan ng sanlibutan ay malapit na, hindi ninyo alam, baka mamaya, paggising ninyo sa umaga, pagkain ninyo sa tanghalian, baka bumisita sa inyo ang itim na uwak at makita kayong nasa sugalan, inuman, nasa kalayawan at hatulan kayong hindi karapatdapat sa kaniyang kapahingahan!"

"Ang langit na inyong nakikita ngayon at ang lupa ay tutupokin ng apoy, hindi kayo masusunog dahil kayo'y mga hinirang ni Yuwe, tayo ay papapasukin niya sa kaniyang banal na siyudad, na mayaman sa púlót at gatas. doon ay hindi na tayo magugutom pa, hindi na tayo mauuhaw pa, hindi na tayo malulungkot pa, at higit sa lahat ay hindi na tayo mamamatay, doon ay pawang kaligayahan at pag-aawitan, lahat ng mga sinasabi ko ngayon kahit tuldok ay mangyayari sapagka't ito ang kalooban ni Yuwe na Pinakamakapangyarihan sa lahat, Siya ang ating Dios at ang ating Hari, at tayo ay ang kaniyang mga lingkod."

maluha-luhang talumpati ni ka-Tupi.

Ang buong gusali na pinagdausan nila ng fellowship ay napuno ng hagulgol ng iyak dahil ang mga dumalo at nakarinig sa sermon ni Ka-Tupi ay napukaw ang damdamin at nagbigay ito sa kanila ng bagong pag-asa upang harapin ang bagong bukas.

Ngunit sa gitna ng pagnilay-nilay ng kaniyang mga kaanib ay may babaeng tumayo sa gitna ng kapulongan, Thelma ang kaniyang pangalan. Ang Sabi:

"Kasinungalingan ang lahat ng iyan!"

Noong maalaala ito ni ka-Tupi ay nahahapis siya sa mga taong walang pananampalataya sa itinuturo niya.

Sa kaniyang isipan ay tinutupad lamang Niya kung ano ang kalooban ni Yuwe,

Lahat ng mensahe na pinangangaral niya noong nabubuhay pa siya ay nasa aklat na Pinamagatang "Patnubay ni Yuwe kung Paano Mabuhay ng Matuwid." ito ang aklat na natanggap niya kay Yuwe noong umakyat siya sa bundok kaylinaw.

Gayunman lahat ng mangangaral sa lupain ay may gayon ding libro ngunit magkakaiba sila ng pang-unawa sa kanilang binabasa at paano ang kanilang interpretasyon sa nasabing aklat.

At ang mga tao na nakakasalubong nila sa kanilang pangangaral ay pinagtatawanan sila dahil ang tingin ng mga tao sa kanila ay kulto.

Ngunit walang tigil si Ka-Tupi sa pangangaral na sumisigaw;

"Ang katapusan ng daigdig ay malapit na! Ang kaharian ni Yuwe ay malapit na!"

Ayaw silang pansinin ng mga tao.

Sa taong dos mil a trenta, sa ikaapat na buwan ng pag-aayuno sa bansang Maharlika sa siyudad ng Bagong Pag-asa. Sa ganap na ika-apat ng hapon ay nagpasimulang mangaral sa plaza si Ka-Tupi, ito ang panahong nagsisimula pa lamang ang kaniyang relihiyon na may labing dalawang kaanib na nakarehistro sa pamahalaan.

May lumapit sa kaniyang matandang lalaki na may tatlong pares ng bigote sa ibabaw ng kaniyang labi, may dala itong rebulto ng pusa sa kaniyang kaliwang bisig, ang pangalan ng nasabing lalaki ay Louie, sa kanang bahagi ng kaniyang barong ay may nakatatak na kanang paa ng pusa sa harapan ng kaniyang kanang dibdib, at ito'y nakaburda, siya ay Sacerdote ng relihiyong ang pangalan ay;

Pangkalahatang-Sansinukob ni Yuwe, Pagpapala at walang hanggang kapayapaan Incorporated.

na nagsasabi:

"Ano itong isinisigaw mo dito sa gitna ng plaza Ginoong Xanchyz? Lahat ng relihiyon dito sa mundo ay iisa ang Dios na sinasamba at ito ay Si Yuwe, anong kaibahan ng samahan ninyo sa ibang Secta?"

Sumagot si Ka-Tupi,

"Kami lang ang relihiyon na naniniwala sa pagkabuhay na maguli ng mga patay mula sa libingan at bibigyan sila ni Yuwe ng bagong katawan na hindi mabubulok, sa ganung paraan ay hindi na sila mamamatay, at mali ang inyong paniniwala na pagkatapos mamatay ang isang tao ay hahatulan agad sa pangkalangitang husgado ang kaluluwa ng patay na tao,

"Kung masama ang kaniyang gawain dito sa lupa ay mapupunta agad-agad siya sa Impyerno, at kung mabuti ang kaniyang gawa ay sa banal na siyudad sa langit siya mapupunta.

"Mali ang gayon dahil hindi pa nagaganap ang araw ng paghuhukom,

"Mali rin ang inyong pamamaraan ng pagsamba kay Yuwe! Ano ito?

bakit mayroon kayong debuho ng pusa na niyuyukoran at niluluhudan ninyo

ito'y kasalungat sa turo ng aklat ng Patnubay ni Yuwe kung paano Mabuhay ng Matuwid. Paano diringgin ang mga panalangin at dasal ninyo kay Panginoong Yuwe kung nakaharap at nakatuwad kayo sa rebulto ng pusa?

"Isa itong malaking kasalanan at kalapastanganan kay Yuwe na inyong Dios at ito'y nakasulat sa aklat ni babaylang dalamhati kapitulo Anim napu't Anim bersikulo Anim, kapatid na Louie ayaw kong hamakin ang inyong samahan sapagkat ito ang isa sa mga may pinakamaraming kaanib sa daigdig at ang relihiyon din ninyo ang may hawak sa mga nangungunang pahayagan at news agencies sa ating bansa.

Ngunit sinasabi ko lamang kung ano ang nasusulat sa aklat at wala ng iba pa!"

Sumagot si Louie habang hinahaplos ng kaniyang kaliwang kamay ang kaniyang babâ: "Ginoong Xanchyz, mukhang hindi mo yata nababasa ang nasa aklat, hanapin mo sa librong hawak mo, ang aklat ng babaylan nagngangalang Luwalhati, kapitulo animnapu at bersikulo siyam, mababasa dun na nagpakita Ang Panginoong Yuwe kay luwalhati na babaylan sa anyong pusa! Oh ano ka ngayon? balita ko ang edad mo ay Dalawampu't-pitong taong gulang ka lamang pero napakalabo na ng iyong mga mata mukhang kailangang mo munang magsalamin Ka-Tupi?"

Napangiti na lamang ang mga nakakasaksi at pinipigilan ng mga tao na tumawa nang makita nila ang may nagaganap na panrelihiyong patalastasan. ang iba ay itinatala nila sa kanilang smartphone at nila-live nila sa internet,

dagsaan ang maraming tao upang makinig sa nangyayaring debate maging sa plaza o online.

lahat ay gustong marinig ang bawat panig.

"Mukhang ikaw yata ang may mali dito Ginoong Louie dahil mali ang Pagkaunawa sa mga binabasa mo, ang nagpakita kay babaylang Luwalhati ay ang

espiritu Ni Yuwe,

hindi ang mismong Panginoon. Ang Espiritu ay walang anyo at walang materyal.

San mababasa sa libro na sambahin ang rebulto ng pusa? Tatanungin kita kung kakausapin mo ako sa pamamagitan ng telepono, ikaw ba ay naging telepono na rin?"

Nagtawanan ang mga taong nanunuod sa Plaza sa tagpong ito,

"Kung maka-asta ka akala mo alam mo ang lahat! Palibhasa'y sulpot lang ang bagong tatag mong kulto!"

dagdag ni Louie habang galit na galit sa pamimilosopo ni Ka-Tupi.

Isa lamang ito sa mga makulay na nakaraan ni Ka-Tupi noong kabataan pa niya sa dati nitong buhay.

Pagkatapos maglakbay ang kaniyang isipan sa nakaraan niyang buhay

At magbalik ang kaniyang ulirat sa kasalukuyang pangyayari ay

sumagot Si Tupi:

"Nakikita nyo ba itong apoy na nakapaligid sa atin? Kung napapansin nyo hindi tayo nasusunog sa apoy kahit isang hibla ng ating buhok, ang buong mundo ngayon ay napapalibutan ng apoy, na tutupok sa sangkatauhan, hindi nito masusunog ang mga pinili dahil isa itong uri ng binyag, bininyagan uli tayo sa pamamagitan ng apoy na ito upang kung pumasok tayo sa ating bagong tahanan sa langit ay malinis ang ating kaluluwa at budhi, ngayon kung susunod kayo sa isang nilalang dahil sa panlabas na anyo ay hindi kayo karapat-dapat pumasok sa kapahingahan."

Ngunit sa isipan ni Tupi alam niya na dadalhin lamang ng anghel ang ilang mga sumusunod sa babaeng may pakpak patungo sa magic circle upang matanggal ang immunity Nila sa init ng apoy.

Pagdaka'y yung mga sumunod sa anghel na nakatapak sa magic circle ay nakakaramdam ng init at pagkapaso,

at ang balat nila ay nagsimulang umusok at magliyab.

Nang makita ng anghel na may paparating na kalaban at napagtanto niyang iilan lang ang nasunog sa lugar na yaon ay umalis ito at lumipad sa ibang libingan.

pagkatapos makita ito ng mga tao sa paligid ay nagimbal sila sa takot.

Pagkaraan ng sandaling kinakailangan upang lumambot ang pinakuloang munggo, ay may dumating na isang pulutong ng mga uwak na kasing laki ng tao.

Ang ilan sa kanila ay may habang walo hanggang siyam na talampakan at napakaitim ng usok na lumalabas sa kanilang katawan at ang mga mata nila ay nanlilisik na nagliliwanag na kulay pula,

At nung dumapo sila'y kung maglakad ay parang tao na nakasuot ng balabal. tinatago ng balabal ang buo nilang katawan. ang mga ito'y lumapit sa mga tao na nangasa-libingan.

Si Pastor Xanchyz at ang lahat ng mga tao sa dakong iyon ay nawalan ng lakas at nangatumba, tumatayo ang balahibo nila sa katawan at hindi sila makakilos.

Naalaala ni Jake ang isa sa mga sermon ni Ka-Tupi na ang mga Anghel ng Panginoon Yuwe ay nakakatakot ang hitsura at sino mang tao na mapalapit sa kanila ay hindi kakayanin ang presensiya nila at mawawalan ng lakas o kung hindi kakayanin ng isipan ay mawawalan ng malay-tao. "lesson no.14" yun!"

bulong ni Jake habang nanginginig sa matinding takot.

Ang mga itim na uwak ay lumapit kay Ka-Tupi at nag-anyong aninong tao,

Nang hawakan ng Pastor ang balabal ng isa sa mga nilalang ay bahagyang nabuksan ang damit nito at bumungad sa kaniya ang hindi niya inaasahan, ang mga uwak ay puno ng mata sa ilalim ng kanilang pakpak at ng ibinuka ng mga uwak ang kanilang pakpak,

Lahat ng kanilang mata sa likod at sa harapan ng kanilang katawan ay nangahayag, tumambad ito sa dalawang lumuluhang mata Ka-Tupi dahil sa sobrang takot, napadasal siya na may halong talumpati!

"Oh Panginoong Yuwe Ikaw ang makapangyarihan sa lahat at Dios na walang kamatayan, hubo't-hubad akong isinilang noon sa lupa at namuhay ng naaayon sa iyong kalooban. ibinangon mo lang ba ako mula sa libingan at kinalagan mula sa dakmal ng kadena ni kamatayan upang masdan ang nakagigimbal na tanawing ito sa aking unahan?"

Pagkatapos nito, nawala ang itim ng mata ni Ka-Tupi, dahil nakatutok ito sa bandang taas ng kaniyang noo, dito na nawalan ng malay-tao ang Pastor at ang mga kasama nito.

Ibinangon sila ng mga uwak sa pagkakasubasob at pagkakahiga sa lupa na animo'y ang mga ito'y nagbibigay lakas sa kanila, at silang lahat ay bumangon at tumayo sa harapan nila.

"Huwag kayong matakot." sabi ng mga nilalang.

Nangyayari ang lahat ng ito habang ang alon ng apoy na parang tsunami ay papalapit sa kanila, ito'y mula sa mga natunaw na bato at ibang mga bagay na gawa ng kamay ng tao sa lupa, nagngangalit ito at bumubula, nilalamon nito ang anumang madaanan, wala itong patawad maging sa mga templo na itinalaga kay Panginoong Yuwe, ang kulay nito ay ang nag-aagaw na pula at dilaw, walang sinumang nilalang na nangahas lumangoy dito kahit na mga hinirang na kamakailan lang binuhay na maguli.

Nang makita ito ng mga taong nabuhay sa kinaroroonan nila Ka-Tupi ay nangasidlan sila ng malaking takot!

Nang dumating ito sa kanila sa distansiyang sampung talampakan,

Si Xanchyz, Si Rocky,

Si Jake at ang iba pang mga tao na hindi nagsisunod kay Ishtar ay inilipad ng mga higanteng uwak gamit ang kanilang paa na may matatalim na kuko sa sangkalangitan na may ibayong bilis at liksi.

Iniwanan nila sa kanilang pinagliparan ang ibang mga tao na palaging nasusunog dahil ito'y nagsisunod sa nakakahikayat ng hitsura ng anghel.

Nang mapunta sila sa ibabaw ng alapaap sa taas na isangdaan kilometro mula sa ibaba ay bumungad sa kanila ang isang malaking siyudad, ito ay hugis parisukat, nagniningning ito at nakalutang sa kalawakan, animo'y gawa ito sa ginto, ito'y nababakuran ng mahahabang malasalamin na pader na may laking isangdaan metro, na siyang nagsisilbing moog ng lungsod, bawat panig ng pader ay may tig-iisa at malalaking gintong pintuan, ang apat na pintuan na ito ang siyang daraanan ng mga nakaligtas sa init ng impiyerno, ang mga bahay at gusali ay gawa sa bubog na magkakapareho ang laki at sukat, ang disenyo ng mga bahay sa lungsod ay katulad ng isang ice cube na kulay dilaw, ngunit sa siyudad na ito ay walang nakatirang tao, dito dadalhin ang mga pinili ni Yuwe na nakaligtas sa kaniyang poot, Siya ang bubuhay at siya rin ang papatay, ginagawa niya kung ano ang kaniyang maibigan gawin, at isinasakatuparan kung ano man kaniyang panukala.

Sa gitna ng siyudad ay may altar at rebulto ng isang babae na nakasuot ng balute,

may hawak siyang aklat sa kaniyang kaliwang kamay,

at tabak sa kaniyang kanang kamay, habang ang kaniyang tabak ay nakasaksak sa rebulto ng tupa,

sa tabí ng nasabing altar ay isang umaagos na fountain,

at sa gitna ng fountain ay may rebulto ng babae na may hawak ng nakatagilid na tapayan na walang humpay ang labas ng tubig.

mapapansin din ang buhanging orasan na nasa likod ng altar.

Ang kabuoang sukat ng siyudad ay anim na raan at dalawampu't-dalawang kilometro kuwadrado ayon sa pagtatantiya ni Pastor Tupi at batay na rin sa kaniyang mga sermon na nakuha niya aklat ng Patnubay sa dati nitong buhay.

Sa babâ ay makikita ang napakaraming mga tao sa lupa ang nasusunog sa apoy, nasusunog lamang sila ngunit hindi sila natutupok pati na rin ang uod na kumakain sa kanilang laman ay hindi namamatay, dahil nagse self-regenerate yung laman nilang kinakain ng apoy kaya yung pagtitiis nila ay nagpapanibagong-sigla palagi.

Pagdating nila Ka-Tupi, Ka-Rocky at Ka-Jake sa malaking gintong pintuan ng banal na siyudad ay binitawan sila mula sa dakmal ng kuko ng mga uwak at inihulog sa sahig sa may pasukan ng pinto na may lawak na limang daang metro kuwadrado,naghihintay sila kung kailan bubuksan ang malaking pintuan na may laki na walumpung talampakan, at haba na dalawampung talampakan, habang ang ibang mga tao ay hindi muna binitawan ng mga uwak dahil isa sa mga dahilan ay hindi na sila magkasya sa pasukan, ang mga tao ay nag-uunahan makapasok sa pintuan sapagka't sa labas ng banal na siyudad ay napaka-init at dahil na rin sa dala ng pagkasindak, nanghihina ang kanilang pananampalataya kay Yuwe, kaya nararamdaman nila ang init sa labas dahil nawawala ang sanggalang nila sa katawan mula sa nagliliyab na palaso na siyang dahilan ng pagkasunog ng buong sanlibutan.

•••

Samantala, walong daang kilometro mula sa timog kanlurang bahagi sa labas ng banal na siyudad at apat na libong talampakan mula sa dagat na apoy ay may lumabas mula sa lagusan na nagliliwanag na kulay asul.

Sila'y mga pulutong ng mga taong may pakpak sa likod na katulad ni Ishtar, sila'y pinangungunahan ng isang lalaking may apat na pares ng pakpak na nagkakasapin-sapin sa bawat isa.

Na nagsasabi: "Ang mga tao na nasa dagat na apoy, tatakan n'yo sila, upang kung mamatay sila sa dakilang digmaan ay maipapanganak muli sila sa ating sansinukob!"

"Opo Pinunò!" sabi ng marami at umalis ang tatlong milyon mula sa kanilang harapan at bumaba malapit sa dagat na apoy.

"Ano na ang lagay ng mga anghel ni Yuwe?" sabi ng Pinunò.

"Pinunò. nakatanikala na po silang lahat sa higher spatial dimensional plane!"

"Kung ganun, mas maigi! Valuz saan na ang kuta ni Yuwe?" sabi ng Pinunò.

"Archgeneral Holv-ot, ang gintong siyudad ay malapit lang dito, nararamdaman ko ang barrier na gawa sa Faith Magic, dapat wasakin na natin ito upang mapasok na natin ang kuta ng ating kalaban." sabi ng anghel na kulay berde ang buhok.

"Kung gayon tayo na mga kasama!" sigaw ni Archgeneral Holv-ot.

Sumigaw ang nakararami: "Tara na!"

Pagkatapos nito ay lumipad sila patungo sa kinaroroonan ng Banal na Siyudad na kasing-bilis ng kidlat.

Pagkarating nila sa pakay nilang lugar ay napansin nilang napakaraming mga higanteng uwak ang nakabantay sa ibabaw ng pader ng lungsod. ng lumapit ang isang anghel na berde ang buhok na kasapi nila ay hinipo nito ang harang na ilaw na kulay lila, ang harang na ito ay may layong dalawang kilometro mula sa pader ng lungsod, nakapaligid lang ito sa may bandang pader ng lungsod at hindi nahaharangan ang bahaging itaas.

"Huh?! tama nga ako!" sabi ng lalaking may pakpak na berde ang buhok

"Ano sa tingin mo Valuz?" sabi ng kanilang pinunò.

"Pinunò, Isa itong Spacetime Differential Barrier, ang nasa loob ng siyudad ay makakaramdam lamang ng paglipas sa loob ng isang oras, ngunit ang katumbas sa atin na nasa labas ay umaabot na ng isang libong taon. pwede rin gawing baliktad ang epekto nito at gawing isang oras sa ating kinaroroonan, habang sa loob ay isang libong taon na. ngunit pansamantala itong itinigil dahil may ipinasok na mga tao sa loob ng lumulutang na siyudad."

"Pwede din ba i-adjust ang pagkakaiba ng panahon sa labas at sa loob na angkop sa hinihingi ng magic caster?" sabi ng Pinunò.

"Opo Pinunong Holv-ot, pwede gawing ang isang oras sa loob ay gawing isangdaan taon sa labas, at pwede ring isangdaan taon sa loob ng barrier at isang minuto sa labas, depende sa gusto ng magic caster." sabi ng dalubhasang nagngangalang Valuz.

"hmm. katulad din ito ng ating Cryogenic Time Coffin ngunit napakahina ng magic barrier na ito." sabi ng kanilang pinunò.

"Tama po kayo, kaya wala na pong dapat ipag-alala." sabi ng anghel na berde ang buhok.

"Kung gayon, pwede na tayong pumasok habang hindi pa naka activate ang Spacetime Barrier!" sabi ng kanilang Pinunò.

"Opo Pinunòng Holv-ot!"

"Kung magkagayon, tara na!" sabi ng kanilang Pinunò.

"Lusob!" sigaw ng karamihan.

*Note: Sansinukob= Universe

Pangkalahatang-sansikubob = Macroverse

tabak= sword

balute= armor

debuho/rebulto= statue

tapayan/banga=jar]