Hindi agad makapasok si Topher, Rocky, at Jake dahil siksikan sa may pasukan ng gate, kaya pina-una lang muna nila ang mga sanggol at ang mga tao na mas matanda pa sa kanila na uugod-ugod na kung maglakad,

Kung ano ang edad ng mga tao nung namatay sila, ay ganun ding edad sila binuhay na maguli,

may binuhay ng mahigit tig-iisang daang taong gulang na ang edad, at may binuhay ring kasing-liit pa ng nasa sinapupunan pa sila ng kanilang ina, gamit ang kapangyarihan ng mga uwak kaya nakatakas sila sa impiyerno.

Pagpasok nila sa malaking gintong pintuan ng siyudad, lahat ng mga matatanda ay nagiging bata, at ang lahat ng mga sanggol ay lumaki na nasa hustong gulang, ito ay dahil sa apoy na harang na dinadaanan ng mga tao sa may bandang dakilang pintuan, ito ang dahilan kaya hindi sila pwedeng ilipad ng uwak sa ibabaw ng pader ng lungsod, datapuwa't ano ang kapakinabangan kung matanggap nila ang walang hanggang buhay ngunit ang katawan naman nila ay mahina gawa ng katandaan?

Kapag ang harang na ito ay nadaanan ay nagbabago ang hitsura at katawan ng mga matatanda patungo sa pagiging bata, na ang hitsura at katawan ay nasa edad na dieciocho años hanggang veinti taong gulang, ang mga sanggol na binuhay ay gayundin, ang kanilang bagong katawan ay katulad ng sa isang binata, at kung ang sanggol ay babae, magbabago ito patungo sa pagiging dalaga, ngunit ang pag-iisip nila ay katulad pa rin ng mga sanggol, kaya palagi silang bitbit ng mga uwak sa kanilang kuko, dahil wala silang magawa sa ganang kanila!

Si Ka-Tupi ay binuhay na maguli ng matanda na, ngunit noong pagpasok niya sa nakabukas na gintong pintuan ay lalong nahayag ang karingalan ng kaniyang bagong katawan, mula sa pagiging mataba at kulubot na mukha, ang matanda na may mahaba at puting buhok, ay naging bata at balingkinitang katawan katulad noong kabataan niya noong nasa lupa pa siya, Ang mahaba at puting buhok niya ay bumalik sa pagiging itim at preskong presko katulad ng sa isang bagong ligo na tao. bumalik ang kaniyang tangkad mula sa bako-bakong 5'4 patungo sa 5'7.

Noong nag-aaral pa sa kolehiyo si Ka-Tupi bilang isang Pastor ay sinisitá siya ng Kaniyang mga Guro dahil ayaw niyang ipa-gupit ang kaniyang mahabang buhok, napatawag pa nga siya sa Guidance Councilor, ngunit sadya lang talaga na matibay ang kaniyang paninindigan ukol sa kaniyang buhok.

Isa sa mga sumita sa kaniya ay ang kaniyang adviser asignaturang arithmetic na si Prof. Jeff.

"This is your last warning Mr. Xanchyz kung hindi mo ipapa-gupit yang mahaba mong buhok ay tanggal ka na sa school!"

"Ah, basta ayaw kong ipa-gupit ang mahaba kong buhok, dahil sina babaylan luwalhati at babaylan dalamhati nga ay hindi nagpapagupit sa kanilang buhok na abot hanggang paa, ayon sa aklat ng Patnubay, ang lalaki at babae ay pantay-pantay sa Paningin ni Yuwe na ating Panginoon, kaya wala dapat diskriminasyon pagdating sa kung ano ang estilo ng buhok, lalong-lalo na sa mga mag-aaral!"

Hindi makasagot ang kaniyang Guro sa Kanyang pangangatwiran dahil mabilis ang kaniyang isipan sa pagbato ng mga rebuttal na mula sa aklat ng Patnubay.

...

Si Ka-Rocky ay gayundin, mula sa pagiging panot na matanda ay naging bata ulit, pagdaan niya sa harang na apoy.

Noong nasa lupa pa siya ang kaniyang tiyan ay lumaki dahil kulang na sa ehersisyo at dumami ang kaniyang kain resulta ng katandaan, pagpasok niya sa malaking gintong pintuan ay lumiit muli ito katulad noong nagsasanay pa siya sa pagiging sekyu. ang kaniyang tangkad ay ay bumalik mula sa 5'6 patungo sa 5'8.

Sa kasalukuyan, nasabi niya sa Pastor;

"Ka-Tupi! nandito kaya sa gintong siyudad ang aking asawa na si Edna? hindi ko siya mahagilap pati ang aking mga anak at mga apo, dahil sa di-mahulogan ng karayom na dami ng mga tao!"

"Hindi ko rin makita ang anak kong si Karen at mga apo ko eh," sabi ni Ka-Tupi na may pag-alala.

Si Jake naman ay hinubad ang kaniyang salamin sa mata dahil mas malinaw na ang kaniyang paningin, at ang balat niya na napuno ng pekas ay bumalik uli sa pagiging makintab na kayumanggi at matipunong katawan. ang kaniyang tangkad ay bumalik mula sa bako-bakong 5'6 patungo sa 5'8. ito ang eksaktong hitsura noong kabataan niya.

Ang siyudad na pinasukan nila ay puno ng maraming gintong bahay, ang mga lansangan ay animo'y gawa sa bubog, kaya ang mga tao ay pwede manalamin sa kanilang paanan, sa pagkakataong yun, ang mga tao ay nakatayo lamang sa tabi ng pader ng lungsod, dahil ang mga tao ay hindi pinapayagang pumunta sa gitna ng siyudad, dahilan kaya sila Ka-Tupi at ang kaniyang mga kasama ay pansamantalang lumabas sa may pasukan ng gate.

Pagkaraan ng kinakailangang sandali upang lumambot ang pinakuloang munggo ay may sumigaw ng malakas na tinig na katulad ang tunog sa isang rumaragasang baha.

"magmadali kayong pumasok! dahil sisimulan na agad ang piging!"

Sabi ni Rocky' "Ka-Tupi parang mapagsarhan tayo ng pintuan ah!" pag-aalalang salita niya.

"Ah, hindi! hayaan mo na sila, ganyan kasi pag mahina ang pananampalataya inuuna nila ang kanilang sarili."

Si Ka-Tupi ay ayaw magpauna sa pila dahil hindi niya tinitingnan na importante siya sa paningin ng kaniyang sinasamba, ang tawag pa nga niya sa sarili niya sa kaniyang mga sermon ay "..walang kabuluhan at abang alipin.."

Kalaunan ay nakapasok din silang tatlo, at napansin nila sa loob, ang mga tao ay may hawak na kaniya-kaniyang tinapay at katas ng ubas na nakasilid sa saro, tinagubilinan ang mga binigyan na kapag wala pang hudyat, ay wag munang kanin at inumin ang mga binigay sa kanilang tinapay na walang lebadura at katas ng ubas na nakasilid sa saro.

May isang tao na hindi nakapaghintay at tinikman ng inom ang likido na nasa saro, napansin agad ito ng mga nagbabantay na uwak, ang taong yaon ay itinapon agad sa labas ng gintong siyudad, walang nakakaalam ng kapalaran ng taong yaon, ngunit sa mga nakasaksi sa pangyayari ay nangatigilan na lamang sa kanilang kinatatayuan, dahilan kaya wala ng sinumang nangahas na kumain at uminom ng wala pang hudyat.

Pagkatapos ay lumapit si Jake sa isang babae na parang tuta dahil nagagandahan siya sa hitsura nito.

"Hi Miss! mukhang may libreng meryenda ha, Sino nagbigay niyan?"

"Ang mga uwak po ang nagbigay."

tugon ng babae,

Napansin nilang hindi na sila nahihimatay o nanghihina kapag lumalapit sa kanila ang mga uwak na nag-aanyong aninong tao kapag naglalakad papalapit sa kanila.

Sumagot naman ang isang lalaki,

"Oh, kayo bakit wala pa kayong tinapay at katas ng ubas? hindi-hindi kayo makakatanggap ng kapahingahan ng inyong kaluluwa niyan!"

"Oo nga eh, pwede humingi ng kakaunti?" sabi ni Jake.

Sumagot naman ang isang lalaki:

"Naku hindi pwede, sabi ng nagbigay sa amin, huwag daw namin ipamimigay ang tinapay o bahagiin kahit kanino man kasi kung sino man ang magbahagi ng kanilang pagkain o inumin maliban sa mga uwak na nagbigay ay itatapon daw sa sanlibutan." napakamot na lamang ng ulo si Jake dahil kapag nagkataon, ay siya pa ang dahilan kaya mapatapon sa impiyerno ang pinaghingi-an niya.

Kaya pumunta sila Topher, Rocky at Jake sa mga uwak para humingi ng tinapay at katas ng ubas ngunit biglang may sumigaw sa may gitna ng siyudad, nagliliwanag ito ng kulay dilaw ngunit kalaunan, naging kulay lila, ito'y mula sa dambana at nayanig ang buong siyudad sa lakas ng tinig.

At ang matinding alon ng malamig at maitim na pwersa ay umiihip na parang hangin ng desyerto sa kapanahunan ng taglamig sa kabuwanan ng panganganlong, ang enerhiya na ito ay napakatuyo, mula sa gitna ng siyudad patungo sa apat na gintong pintuan ng lungsod.

"Kainin na ninyo ang tinapay at inumin na ninyo ang katas ng ubas." ang tinig na ito ay mula sa liwanag na palaki ng palaki.

Dahil sa takot ay dali-daling kumain at uminom ang mga tao ng marinig nila ang pambihirang boses na ito, "ito'y hindi tao!" sabi ng isa, pagkaraan ng ilang sandali ay natumba ang mga tao na kumain at uminom sa piging, ang ilan ay nasuka at nanghina.

At narinig nila Tupi, Rocky at Jake na sa gitna ng siyudad ay nag-iiyakan at nagsisigawan ang mga tao, ito ay matinding sigaw ng pagkasindak dahil sa matinding takot dahil may lumabas na kung ano, umaalingawngaw ang hiyaw nila mula sa apat na sulok ng siyudad kaya hindi tiyak ang eksaktong kinaroroonan ng nakakapanghilakbot na sigaw at ayon sa kanilang masusing pag-uusisa ay may nakita silang kulay lila na liwanag na umakyat sa gitna ng madilim na kalawakan sa ibabaw ng siyudad.

"Isang halimaw!" narinig nilang sigaw mula sa di kalayuan.

Hindi kumbinsido si Ka-Tupi sa narinig niya, pagkatapos ng lahat ay paano magkakaroon ng halimaw sa gitna ng sagrado at banal na lugar?

Nang may lumabas na animo'y maitim na ugat ng isang kahoy mula sa nakalutang na bagay, ay nasambit ni Ka-Tupi ang pangalan ni Yuwe; "isa ba itong masamang pangitain Oh aking Panginoong Yuwe?"

Pagkaraan ng sandaling kinakailangan upang lumambot ang pinakuloang munggo ay nakita nilang ang bagay na nakalutang sa ere sa gitna ng siyudad ay palaki ng palaki, natatabunan ng katawan nito ng bahagya ang walang hanggang kalawakan sa ibabaw ng siyudad. umuusok ang bagay na nakita nila at napakaitim nito.

"Isa nga itong halimaw!" nagpasimulang mataranta at nangatigilan ang mga tao dahil sa kanilang nakikita.

Ang halimaw sa gitna ng siyudad ay hindi kailanman pumasok sa isipan ni Ka-Tupi, ni itinuro niya sa kaniyang mga sermon, may laki itong lima hanggang anim na kilometro, ito'y nakalutang sa ibabaw ng mga bahay na may mahahabang galamay, na sa unang tingin ay ugat ng umitim na lumot.

Ang ugat ng nilalang na ito, ay bumababa patungo sa mga tao na parang galamay, ang ugat na ito ay dumadampi sa balat ng mga tao.

At sinumang madampian nito ay nasisipsip ang dugo at papalitan ng likido na mula sa galamay ang dugong nawala sa mga ugat at kung maubos na ang dugo ay hihigupin ng galamay ang walang malay na katawan ng

kaawa-awang tao, at kung hindi nito magustuhan ang tao na kinain nito ay iniluluwa ng galamay at itinatapon sa impiyerno, dahil abot nito ang dulo at labas ng siyudad, may mga tao na sinubukan pang tumakbo mula sa galamay ng halimaw ngunit naabutan pa rin sila nito.

Ang halimaw ay may mukha ng babae na may mahahaba at kulot na buhok, at pula ang mga mata nito ngunit ang katawan nito ay katawan ng isang matipunong lalaki, sa halimaw galing ang malamig at maitim na hangin nakikita nila, ang pwersa na ito'y paroo't-parito sa lahat ng sulok ng siyudad, ang halimaw ay may pakpak katulad ng isang buwetri. kahit gaano karaming tao ang kinain ng halimaw ay hindi lumalaki ang tiyan nito, tila wala itong kabusogan!

Ang mga tao ay tumatakbo patungo sa gilid ng siyudad, ang iba ay pumasok sa mga bahay na walang laman upang makahanap ng matataguan, ang ibang mga tao ay tumakbo ng pasuray-suray at ang iba ay pahapay-hapay, ito ay dahil sa kinain at ininom nila, kaniya-kaniya sila ng takbo papunta sa pader at sa apat na malalaking gintong pintuan ng siyudad upang makatakas, at iilan na lamang sa kanila ang nakaligtas sa pangyayaring ito.

Ang mga taong nalalabi na nasa pintuan ng gilid ng siyudad ay hindi makapagpasya kung tatalon ba sila at magpapatihulog na lamang sa ibaba at hayaan na ang apoy ng impiyerno ang lalamon sa kanila,

"Sa bagay hindi naman kami masusunog doon sa ibaba!" Giit nung isa. dulot ng kawalan ng pag-asa, ngunit nang tingnan niya ang mabangis na apoy sa ibabâ ay nagdalawang-isip Siya.

Sa gilid ng siyudad ay may nagpatihulog nga, ang pangalan ng lalaki ay Si Henry, isa rin siya sa mga kasapi ng relihiyong itinatag ni Ka-Tupi.

"Hindi ako magpapakain riyan!" tumalon ito ng muntikan na siyang maabot ng galamay.

Sa gitna ng kaguluhan ay

napansin nila Topher, Rocky, At Jake. na hindi sila nilalapitan ng galamay.

Nagtaka sila sa pangyayaring ito gayunman nagpapasalamat sila kay Yuwe dahil sa gayong paraan ay iniligtas sila mula sa halimaw.

Nang humupa na ang galamay sa pagsalakay sa mga tao na nasa loob ng siyudad ay lumapit sa kanila ang isang uwak na nagsasabi.

"Pumili kayo kung gusto ninyo ng kapahingahan magpakain kayo kay Ekklezia ngunit mawawala sa inyo ang inyong kalayaan pumili o kung ayaw ninyong magpakain ay magpapatuloy ang inyong individualidad, nguni't kayo'y gagawing taga-linis!" nabigla sila sa pananalita na ito ng uwak na sumundo sa kanila.

"Papipiliin daw tayo Ka-Tupi kung magpapakain tayo, pero mawawala sa atin ang free will! Anong ibig sabihin nun?" sabi ni Ka-Rocky na naguguluhan sa mga nangyayari.

Dito nila nalamang Ekklezia ang pangalan ng halimaw, hindi sila makapagpasya dahil sa isip nila ay kasabwat ni Ekklezia ang mga uwak, hindi ba pareho silang mga halimaw?

Pagkatapos nito, ang higanteng halimaw na kung tawagin ay Ekklezia ay nagliwanag ng kulay lila at paliit ito ng paliit hanggang sa naging katiting ito sa kanilang paningin.

Laking gulat ng Pastor ng tinangay silang tatlo ng mga uwak na may ibayong bilis patungo sa ibabaw ng dambana malapit sa fountain, Ang pook na ito ay nasa kalagitnaan ng siyudad at may kalayuan, ngunit narating nila ito sa loob lamang ng isang kisapmata. nakita nila ang halimaw na kumain sa mga tao ay bumalik sa dambana at naging rebulto. katabi ng rebulto ang higanteng buhanging orasan na naglalabas ng mga numero na may 6 digit.

hindi nila alam kung para san ang buhanging orasan ito at kung para saan ang anim na digit na nakalagay dito, ang alam nila ay pinanghinaan sila dahil sa pagkasindak.

Habang nanginginig sila sa takot ay sinabihan sila ng uwak na masdan nila sa fountain kung ano ang mangyayari.

"Ito'y magsisilbing bintana ninyo sa mga taong nalunon na ni Ekklezia." giit ng uwak, dahil dito ay nanunuod sila sa fountain na animo'y manghuhula na nanunuod sa isang bolang kristal.

Ang diametro ng fountain ay umaabot sa limampung talampakan, at sa gitna ng fountain ay may rebulto ng babaeng may pakpak ng buwetri habang may hawak itong tapayan na walang tigil ang agos ng tubig, kung hindi papansinin ang mga pangitain na nakikita sa ibabaw ay mapagtatanto ng tumitingin na malinaw ang tubig at kung mamasdan ng mga tao ang ilalim ay makikita nila ang gintong sahig gayundin ang paagusan ng tubig.

Naging maliwanag sa kanila ang nangyari sa mga taong kinain ng halimaw, ayon sa napanood nilang pangitain sa ibabaw ng tubig, nagiging bahagi ng halimaw ang mga taong kinain nito at silang lahat ay nagiging isa.

Ang mga tao na nalunok ni Ekklezia ay nagising muli sa bagong daigdig na hubo't hubad at ang malisya sa kanilang pag-iisip ay natanggal sa kanilang kamalayan.

Sa mga nasa loob ng katawan ng halimaw ay hindi kakaunting tao, sila'y tumanaw sa bagong daigdig na may bagong pag-asa at sigla dahil nakikita nila na ang banal na siyudad na lumulutang sa kalawakan ay siyang replica lamang sa tunay na banal na siyudad na nasa loob ng katawan ni Ekklezia.

Kabaliktaran ito sa panlabas na hitsura ng halimaw na napaka-itim, umuusok ito at ang buong katawan nito ay inuuod, kaya nitong pahabain ang galamay nito, at sa bawat galamay ay may tumutubo na iba pang mga galamay, na abot mula sa gitna ng altar hanggang sa dulo ng siyudad.

Nagsalita ang mga uwak ng sabay-sabay'

"Sa loob ng katawan ng nilalang na inyong kinatatakutan ay may kapayapaan, bakit kayo tumatakas, at sa impiyerno ay nagtatalunan? ngunit ang isipan ninyo ay hindi na ninyo pag-aari datapuwa't pag-aari na ni Ekklezia!"

Sa pananalita ng uwak, may halong pagkadismaya dahil sa mas pinili ng ilan ang buhay sa labas na marami ang iisipin kaysa sa buhay sa loob na walang hanggang biyaya.

Ipinaliwanag sa mga tao na nangasa banal na siyudad sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan gamit ang pag-iisip.

na ang inaapakan nila ay nakalutang sa kalawakan sa taas na isangdaan kilometro at ang nagbibigay liwanag sa siyudad ay ang mundo na kasalukuyang nasusunog sa walang hanggang apoy sapagka't ang araw ay wala na.

"Sa loob ng katawan ni Ekklezia ay ang tunay na banal na siyudad." sa kanilang isipan ipinadadala ang mensaheng ito na sa loob ng katawan ng halimaw ay may bagong langit at bagong lupa.

Nagpapakita si Ekklezia sa mga mamamayan ng siyudad sa anyong Babaeng-ulay, malinis at nagniningning at ang mga mahahabang buhok na abot hanggang binti ay ginintuan, kapag minamasdan siya ng mga mamamayan ay gumagaan at sumasaya ang mga nakakakita sa kaniya na siyang dahilan kaya nagpapasalamat sila sa Panginoong Yuwe.

Araw at gabi walang humpay ang pagsamba nila.

Ang mga buwan ng taon ay ang mga sumusunod:

1. Ulalong

2. Daghangkahoy

3. Daghangbuwan

4. Kiling

5. Himbabuyan

6. Kabay

7. Hidapdapon

8. Lubod-Lubod

9. Kanggurolsol

10. Bagyobagyo

11. Panglot nga diyutay

12. Panglot nga daku.

Sa banal na siyudad ay nahahati sa tig-aapat. at tig-dadalawa

1. Apat na buwan pag-aayuno.

2. Apat na buwan ng Kapistahan ng Pulut-pukyutan, gatas at mayonesa.

3. Dalawang buwan ng pangingitlog

4. Dalawang buwan ng Panganganlong.

Ang apat na buwang pag-aayuno, mula sa buwan ng Daghangkahoy hanggang sa buwan ng Himbabuyan, ang apat na buwang pista ng pulot, gatas, at mayonesa ay nagsisimula mula sa buwan ng Kabay hanggang sa buwan ng Kanggurolsol, ang dalawang buwan ng pangingitlog naman ay mula sa buwan ng Bagyobagyo hanggang sa buwan ng Panglot Nga Diyutay, at ang dalawang Buwan ng panganganlong naman ay mula sa buwan ng Panglot Nga Dako hanggang sa buwan ng Ulalong, kabuoang labing-dalawang buwan ang bumubuo sa loob ng isang taon, alinsunod sa mga buwan noong nabubuhay pa sila sa lupa.

Ang mga uwak ay nagsasalita ng sabay-sabay.

"limangdaang-libo katao lamang ang nakain ni Ekklezia gaya ng inaasahan kakaunti lamang ang naligtas. dahil hindi kayo nabigyan ng tinapay at katas ng ubas, ay kayo na mismo ang magkusang pumunta kay Ekklezia at lumapit sa pinaka bibig niya upang kayo ay kainin, makakaramdam lang kayo ng kakaunting sakit ngunit pagkatapos niyan ay makakamit na ninyo ang walang hanggang kaligayahan, kapayapaan at kapahingahan ng inyong mga kaluluwa."

Nang marinig ito nila Tupi, Jake at Rocky ay bakas ang pagdadalawang-isip sa kanilang mukha, hindi ito ang inaasahan nilang daratnan nila sa gintong siyudad, kaya si Rocky at Jake ay nakatutok kay Tupi na may malaking pagdududa, ang pinaniniwalaan at sinampalatayanan nila ng mahabang panahon ay isa nga lamang bang kasinungalingan?

Pagkatapos salitain ng uwak ang mga pahayag na ito ay may boses ng babae na lumabas mula sa rebulto.

"Hindi na kailangan! hindi sila karapat-dapat sa aking katawan, ni sa kapahingahan." sabi ng isang boses na mula sa kinaroroonan ni Ekklezia.

Pagkarinig ng mga uwak ukol dito ay nagsalita sila at naririnig naman ng karamihan;

"Sa lahat ng mga tao na nandito sa loob ng replica ng banal na siyudad ay makinig kayo sa sasabihin namin. dahil kulang ang inyong pananampalataya at kayo'y natakot mula sa galamay, ay nagpasya si Ekklezia na hindi na kayo karapat-dapat sa kapahingahan ng inyong kaluluwa, at kayo'y gagawin na lamang taga-linis. kayo'y tinimbang ngunit kulang ang inyong pananampalataya, ang iba naman sa inyo ay may ibang panukala si Yuwe na para lamang sa inyo. kaya ngayon idineklara kong ang banal na piging na ito ay tapos na!"

Ang tinig ng uwak na animo'y rumaragasang baha ay umaalingawngaw sa apat na sulok ng siyudad, dahilan kaya naririnig sila ng malinaw ng mga taong hindi nakain ni Ekklezia.

Nang marinig ito ni Jake ay nagdilim ang kaniyang paningin dahil sa galit at sinuntok si Ka-Tupi sa panga. "Sabi ko na nga ba isa kang bulaang mangangaral!" nanggagalaiting sambit ni Jake,

Lumayo ang loob ni Jake kay Xanchyz simula noong nakapagtapos ito ng pag-aaral sa kolehiyo, dahil lagi na lamang siyang pinagsasabihan ni Ka-Tupi na ang ginagawa niya ay labag sa aklat ng patnubay, ang kaniyang bisyo, ang kaniyang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang siyang dahilan kaya naririndi na siyang pakinggan ang mga payo at saway ng Pastor.

"Paulit-ulit na lang tong kumag na to ah, simula noong maging Pastor ay akala mo kung sino!"

Ganun na lamang niya itinatatuwa ang kaniyang dating kaibigan dahil nagbago ang ugali nito,

Ngunit laking gulat na lamang ni Ka-tupi ng lumapit si Jake sa kaniya at magpasyang kusang-loob, na maging kaanib sa bago niyang itinatag na relihiyon, para kay Xanchyz, ito ay himala mula kay Yuwe, ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, ang pakay ni Jake ay si Michelle na dalagang kaanib sa kanilang bagong tatag na samahan, kapag nakasuot ang dalaga ng kasuotang pang fellowship ay napapanganga na lamang si Jake kapag dumadaan ang dalaga sa kanyang talyer, dahil tumutulo ang laway ni Jake sa pangangatawan ng dalaga ay nagpasiya itong gawin ang pinaka-ayaw niya, ang magsimba!

•••

Kaya sa kasalukuyan, ng makita ni Jake na iba ang nangyayari sa mga itinuturo ni Ka-Tupi ay nagpasiya siyang kwestyunin ang Pastor, upang subukan ang integridad nito.

"Noon pa man ay ramdam ko ng isa kang bulaan at dinadaya mo ang mga tao na makinig sa iyong mga turo na malayong-malayo sa katotohanan!"

"Sabi mo sa iyong mga sermon pagpasok natin sa siyudad ang sasalubong sa atin ay pag-aawitan at wala sa mga salita na pinagsisigaw mo sa sermon ang hindi mangyayari? ngunit tingnan mo tayo ang muntikan ng ginawang handa sa piging na ito!" natumba si Tupi at habang gumagapang ito ay sinipa siya sa tagiliran ni Jake

"Tama na yan Ka-Jake!" habang inaawat siya ni Rocky upang pahupain ang gulo. "May buhay na walang hanggan ka na naman eh! naligtas ka sa apoy ng impyerno, ano pa ang inaatungal mo?!

Sumagot si Jake, "Isa ka rin Ka-Rocky sa humuhuthot sa kaban ng ating samahan dahil ginagamit mo ang mga abuloy ng mga kaanib pambili at pangangalaga ng manok panabong, kaya kumakampi ka kay tupi palibhasa'y nakikinabang ka rin noon!" mahigpit ang pagkakahawak ni Rocky si kwelyo ng Barong ni Jake habang iniisip niya kung paano sasagutin Ang mga paratang ni Jake ngunit walang salita na lumabas sa Bibig ni Rocky at marahil tama si Jake na ang mga sermon ni Pastor Tupi ay malayo sa katotohanan.

Nadungaw nila sa malayo ang isang babae na 5'6 ang taas na nakasuot ng isang kulay pilak na kasuotan na bumabakat ang hubog ng kaniyang katawan at malulusog na dibdib sa kaniyang kasuotan, may mahaba siyang buhok na abot hanggang balikat. isa rin siya sa nakaligtas sa galamay ni Ekklezia, tumatakbo ang babae papunta sa kanila at hinahabol nito ang kanyang hininga habang papalapit ang babae, nagsalita si Jake,

"Sabi mo Ka-Tupi sa iyong mga sermon, sa loob ng banal na siyudad ay hindi na tayo mapapagod, tingnan mo ang babaeng ito hinihingal, Hay Naku! napakasinungaling mo talaga, dapat ibalik mo ang pera namin na nilustay mo sa iyong mga bakasyon sa ibang bansa at sa pagbili mo ng mga mamahaling sasakyan, bahay at private jet."

Noong nasa lupa pa si Ka-Tupi ay mahirap ang estado ng kaniyang kalagayan, lalong-lalo na noong nagsisimula pa lamang siya sa bagong tatag niyang relihiyon at ng i-rehistro niya ang kaniyang samahan sa pamahalaan ng Maharlika, ngunit nagbago ang lahat ng ito noong matuklasan niya na may kakayahan siyang magpagaling ng may sakit sa pamamagitan ng faith healing, may naniniwala at meron ding hindi sa kaniyang pambihirang kakayahan na siyang pinakadahilan kaya sumikat ang kanilang samahan, kakaunti man ang kaniyang mga kaanib, ay may mga nagbibigay naman ng hindi kaliitang salapi na siyang dahilan kaya nakapagpatayo siya ng malaking bahay, mamahaling sasakyan, at nakabili ng Private Jet.

•••

Sumagot si Ka-Tupi

"Hindi ko alam ang sinasabi mo! lahat ng tinuturo ko ay hindi sa akin nanggaling kundi mula mismo sa libro na bigay sa akin ni Yuwe. Kung ang lahat ng nangyayari ngayon ay taliwas sa iyong inaasahan ay malaki naman ang pintuan ng siyudad at pwede ka ng lumabas." habang pinapahid ng kamay niya ang kaniyang labi na nagdurugo dahil sa suntok ni Jake.

Sumagot Si Jake, "Diba sabi mo sa iyong sermon, Lahat ng lumalabas sa iyong Bibig kapag nagtuturo ka ay pawang katotohanan? Pastor Tupi ang ating samahan, ang pinaglalaban ay katotohanan, ngayon itong ating sekta ay wala ng pinagkaiba sa sekta ng ibang relihiyon sumasamba rin naman kay Yuwe!

Nang marinig ito ni Rocky ay sinuntok niya si Jake sa mata, galit na galit ito na tawaging secta lamang ang relihiyon na kaniyang tinangkilik ng mahabang panahon. Si Rocky ay masunurin sa tuntunin ng kaniyang relihiyon, Noong sumapi na siya sa relihiyong itinatag ni Ka-Tupi ay hindi na siya masyadong nag-iinom ng nakakalasing na inumin, noong binata ito ay hindi siya nambababae at matapat ito sa kaniyang kasintahang si Edna hanggang sa makasal silang dalawa at magkaroon ng apat ng anak, lahat ng pinatutupad niyang batas sa loob at labas ng kaniyang tahanan ay ayon sa aral na sinisigaw ni Ka-Tupi sa kaniyang mga sermon.

"Maghinay-hinay ka sa iyong salita Ka-Jake dahil hindi secta ang ating relihiyon tandaan mo yan!" galit na galit na tugon ni Rocky.

Nang malapit na ang Babae sa kanila, nagsalita ito kay Tupi habang habol nito ang kaniyang hininga.

"Kayo po ba si Pastor Topher Xanchyz? Haah!" habang habol ang kaniyang hininga

"Ako nga! Bakit"

"Kung gayon kayo nga nagtatag ng samahan!"

"Sino ka ba?"

"Ako nga pala si Lalaine

Masaya po akong makadaupang palad kayo! Pastor lagi po akong nagbabasa ng aklat-kasaysayan tungkol sa inyo at kayo po ang aking naging inspirasyon upang maging isang Pastora ng ating samahan!"

Sumagot si Jake. "Pastora? Akala ko ba bawal ang mga babae maging Pastor sa ating secta Ka-Tupi? Sabi mo noon sa iyong sermon na kailanma't ika'y nabubuhay ay hinding-hindi magkakaroon ng babaeng Pastor sa sting relihiyon. lesson#: 16. Bawal ang babae sa pulpito mula sa iyong kamatayan Ka-Tupi hanggang sa katapusan ng sanlibutan."

Dahil ayon sa aklat ng Patnubay ay tanging sa dalawang babaylan lamang ang binigyan ng karapatang magsalita sa harap ng pulpito.

Habang nagsasalita Siya ay may paparating na mga kasama ni Lalaine na nakaligtas sa hagupit ng galamay ni Ekklezia.

Sumagot Si Ka-Tupi. "pakinggan muna natin si Lalaine sa kaniyang usap."

Sumagot si Lalaine, "Opo, bawal po talaga ang Babae na maging pastora pero nagkaroon ng maraming pagbabago sa sitwasyon, namatay po kayo sa edad na ochenta y uno, nung a trenta ng ikalawang buwan ng Panganganlong dos mil ochenta y cuatro, ayon sa aking pagtatansiya, pitong daang libong taon na po ang nakakalipas mula sa inyong kamatayan hanggang sa pagkabuhay na maguli ng mga patay sa araw ng paghuhukom ngayon. ang petsa po ng araw ngayon ay ikasiyam na araw ng buwan ng Daghangkahoy. sapagka't ngayon po ay ang kasagsagan ng buwan ng pag-aayuno." nasabi ito ni Lalaine dahil nabuhay siya sa taong setecientos dos mil ochenta y cuatro. sa ikalawang buwan ng pag-aayuno, kung saan naabutan niya ang pagkagunaw ng daigdig.

"Kami po ng mga kasama ko ay nasa huling salinlahi bago ang katapusan ng sanlibutan ang kabuoang bilang ng mga kaanib sa ating relihiyon ay pitumpong milyong kaanib."

"Pitong Daang Libong taon? paano nangyari yun? sa isipan ko parang sandali lang ako nagpahinga, paggising ko ay araw na ng paghuhukom!" Hindi makapaniwala si Ka-Tupi sa narinig niya sa babaeng ito,

"Nasan na ngayon ang iba pang mga kaanib? Bakit hindi rin sila naligtas mula sa pagkasunog mula sa Impyerno?"

Sagot ni Tupi na nagdududa sa sinasabi ng babae. sa isipan niya, hindi kaya niloloko lang ako ng babaeng ito?

Sumagot si Lalaine

"Hindi po ako nagsisinungaling, pitong daang libong taon na po talaga simula noong namatay kayo Pastor!" Pagkarinig ni Ka-Tupi dito ay nagkaroon ng haka-haka sa kaniyang puso na ang babaeng ito ay nagsisinungaling.

"Sila po Pastor ay dinampot ng mga nagpapakilalang tagalinis ng ibang mga dios, kaya kakaunti lamang ang naligtas."

Sumingit si Jake sa usapan.

"Hahaha! Lagi mong sinasabi sa Sermon mo Ka-Tupi na malapit na magwakas ang sanlibutan, hindi na magluluwat pa, tapos inabot ng pitong daang libong taon? Sabi mo ang maliligtas ay iaakyat sa langit ay isang daang libo lamang, bakit naging pitumpong milyong kaanib? Malakas ang kitaan ng negosyo natin Ka-Tupi ah!

Paano tayo magkakasya niyan sa anim na raan at dalawampu't-dalawa kilometro kuwadrado na Siyudad niyan? Haha." nasabi niya ito na may kaakibat na pang-aasar.

Sumagot si Lalaine, dahil po yan sa tagalinis ng ibang mga Dios. Mister...

"Ako nga pala si Ka-Jake ang inyong Lingkod! Pastora Lalaine maaari nyo pang ipaliwanag ang lahat? Kasi yung mga turo ni Ka-Tupi sa pulpito ay malayong-malayo sa mga pangyayari ngayon."

Sumagot si Lalaine

"Opo ka Jake.!

marami pong mga anghel ng ibang mga Dios ang nagtangkang pumasok sa ating sansinukob mula sa kabilang sansinukob na likha ng ibang mga dios, pumunta sila dito upang agawin o nakawin ang mga kaluluwang nilikha ni Yuwe at dadalhin nila sa mundo Nila."

"Ibang mga dios? paano nagkakaroon ng ibang dios, iisa lamang ang Tunay na Dios! Si Yuwe at wala ng iba pa! Baka demonyo ang inyong nakasagupa na nagpapanggap na isang dios o mga demonyong inilalagay ang kanilang puso bilang isang dios?"

Ganito na lamang manghawak si Pastor Tupi sa turo niya at patuloy niya itong pinaninindigan at ang ibang turo ay ayaw niyang paniwalaan. masasabing isa siyang dogmatic pagdating sa mga doktrina.

Dugtong ni lalaine

"Pumuslit sa libingan ang isa sa mga tagalinis ng ibang mga dios na ang pangalan ay Ishtar. Ang gawain ng tagalinis ay nakawin ang bangkay ninyo pastor."

"Hoi! Pastora Lalaine wag na wag mong tawaging secta ang relihiyon natin baka hindi ako makapagpigil kahit babae ka baka masampal kita!"

Galit na galit si Rocky kapag tinatawag na secta ang kanilang relihiyon dahil ito ay para sa kaniya ay paghamak, na parang bang ang samahan nila ay galing lang rin sa naglalakihang relihiyon sa panahon nila at bumuwag lang sila at nagtayo ng sariling kanila.

Inawat si Rocky ni Tupi, "pabayaan muna natin siyang Magsalita."

"Yung libingan po ninyo Pastor Tupi napakahigpit po ng seguridad marami pong mga Anghel na nag-aanyong tao ang gustong nakawin ang bangkay ninyo at ng unang mga kaanib papunta sa mundo nila, ngunit napigilan namin sila, yung isa sa mga anghel na pumunta sa inyong libingan ay nagngangalang Ishtar gusto niya po kayong dalhin sa mundo niya upang ipanganak muli sa bagong katauhan."

"Ngunit nilagyan ng dasal mula sa aklat ninyong taglay ang lapida ng inyong libingan, yung paborito nyo pong dasal mula sa babaylan na si Dalamhati.

"Sa ngalan ni Yuwe lumayas kayong mga demonyo." gayon po ang nakalagay sa lapida, sabi ni Lalaine.

Noong kasagsagan ng kasikatan ng Faith healing ni Ka-Tupi at lagi nitong sinasabi sa kaniyang exorcism session na; "Sa ngalan ni Yuwe, lumabas kang demonyo ka sa katawan ng taong ito!"

Nanggilalas sila ng marinig nila ito kay Lalaine dahil pagkalipas ng pitong daang libong taon ay ginagamit pa rin nila ang incantation na ito!

Naalaala ni Jake ang magandang babae na nagpakita sa kanila sa lupa habang ang ibang mga tao ay sumunod kay Ishtar dahil nahalina sila sa alindog nito. Na siyang dahilan ng pagkasunog nila dahil nawalan sila ng pananggalang sa apoy.

Habang minumuni ni Jake ang Pangyayaring ito ay nagsimulang magsalita ang isa sa mga uwak.

"Mayroon kaming misyong ipapagawa sa inyo."

"Linisin ninyo ang siyudad, lalong-lalo na ang mga lansangan nito, magsimula kayo mula sa pinaka-altar ng siyudad hanggang sa pinaka gilid ng gintong pintuan ng siyudad"

Halos ang buong siyudad ay napuno ng mantsa ng dugo dahil ang ibang mga tao na isinuka ng galamay ni Ekklezia ay tumutulo ang dugo bago itapon ang kanilang katawan sa labas ng siyudad, kaya binigyan sila ng walis at pampunas.

Sa isipan ni Jake, 'teka hindi ito ang inaasahan ko!'

Narinig nila ulit na magsalita ang mga uwak.

"Katulad ng mga taong kasalukuyang nasusunog sa walang hanggang apoy sa labas, hindi na rin kayo mamamatay dito sa loob, ang kaibahan nga lang ay nagtitiis sila sa hirap at kayo'y nakaligtas sa pagdurusang ito, ito ang kapalaran ng lahat ng tao na sumunod sa kalooban ni Yuwe, ang maging imortal! Nung nasa lupa pa kayo, maraming mga anghel ang naninibugho sa inyo, kapag nakikita nila kayong namamatay dahil sa inyong pagkahimlay sa libingan ay wala kayong iisipin pa. dahil makakapagpahinga na kayo sa inyong mga gawa, mula sa kawalan-ng-malay-tao Patungo sa pagkakatulog ng walang panaginip hanggang sa mga taon na walang hanggan. Kayo'y binuhay upang magkaroon ng kapalaran ng katulad sa amin.

kaya mayroon kayong mahabang panahon upang matapos ang paglilinis."

Walang silang magawa, dahil kapag nag utos ang mga uwak, hindi na rin sila makatanggi dahil para bang isang Dios ang nag-uutos sa kanila.

Ang dinala sa siyudad mula sa daigdig na nasusunog ay limang daang libo at apat na raan at tatlumpu't pito, ngunit ang nakaligtas mula sa galamay ni Ekklezia ay tatlumpu't pito.

Samantala, ang mga anghel na sumugod sa lumulutang na siyudad ay nangatigilan at nagtaka dahil ang mga tao ay nahuhulog mula sa pasukan, sa may dakilang pintuan.

"Linisin na natin ang mga nahuhulog!" sabi ng isa

Narinig ito ni Valuz at nagsabi.

"Huwag! Huwag ninyong kunin ang mga nahulog dahil may hatol na kamandag sa loob ng kanilang katawan na mula kay Ekklezia, ito ang sisira sa inyong kaluluwa kapag lumapit kayo diyan."